kung sining ang pagtawid sa dalampasigan,
hindi ako mananangkilik
noon sa isang digmaan,
magtatayo lang ng trencheras
ang mga lupon,
may pag-asa
na ng pagkabuhay dahil para
saan pa
ang sandaang pana
at sandata
kung walang kalasag
ng tapang na nagbabalot ng takot
kung ako ay isang sundalo,
sa unang tama ng bala,
aagos ang butil butil na inipon
kong pawis
susulong sa paulan ng mga punlo
isasapalad sa kapalaran ang buhay
isasadigma ang katiting na pag-asa
ngayon sa isang digmaan,
gusaling simento't metal man ang itayo
ay may buhay na mawawala
may sibilyang babagsak
hanging lalin ay lason
may bayaning mamana ng sakuna
sa kalaunan ay mamamayapa
kung ako ay isang sundalo,
sa unang kumpas ng mga alon,
gustuhin mang maging trencheras
para salubungin ang di makitang katunggali
mas nanaisin kong magkaroon
ng mga pakpak na singtaas ng langit
at ipagaspas— ihinto ang pagtawid
kung hindi man,
ako'y magtatayo ng altar sa dalampasigan
idadanak na lamang ang luha
luluhod, hahaluyhoy ng dasal
"hindi tudlaan ang aming lupa"
[ ika-23 ng enero, 2021 ]
BINABASA MO ANG
𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚
Poesía𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙩𝙖𝙢𝙖𝙙 𝙢𝙖𝙜-𝙞𝙨𝙞𝙥. | 𝘢𝘯𝘵𝘰𝘭𝘰𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘭𝘰𝘨 | naumpisahan: 𝟏𝟎|𝟏𝟐|𝟏𝟗 natapos: ㅡ
