aanhin pa ang pagtulog kung pati sa aking pagkakamalay ay napapaginipan parin kita
na tulad ng isang panaginip, tiyak ang bawat notang tinutugtog sa hindi kalayuan
at ang boses mo'y ang mainit na tubig na kumukulo at nagpapalambot sa tuhod kong gusto nang magsialisan
mula sa aking balat sapagkat sila'y naguguluhan na
gusto raw lamang ba kita o ako'y nalintikan na
hindi ko alam-
hindi ko alam.
ni minsan ay hindi ako naging maalam sa pag-ibig
kung ang minsan ay mga pagkakataong nakakasalubong kita at hindi ko mahabi ang ngiti mula sa aking mukha
o ang mga oras na ikaw ay nasa malapit at hindi ko man lang masubukang magmakaawa sa bibig kong kausapin ka
o hindi kaya ay sa mga hindi inaasahang pangyayari at nakakasama ka, ni hindi kita matapunan ng tingin
sa takot na baka maaninag mo ang repleksyon ng pagkakawili ko sa'yo
marahil nga ay totoo
nakakabaliw ang pag-ibig
kasi kung hindi, bakit napapadalas ako sa harap ng salamin
kung hindi, bakit sa mga yapak mo'y patuloy akong nahuhumaling
kung hindi, bakit ko isinusulat itong isang-daang tula sa pag-asang
balang araw, nawa'y maibigay ko sa iyo
at matutunan mong minsan sa mga nagdaang taon, naging mahalaga ka
aanhin ko ang pagtulog kung pati sa aking pagkakamalay ay napapanaginipan parin kita
aanhin ko ang panaginip kung ni sa aking reyalidad ay hindi tayo magtatagpo-
kahit pa bahagya.
[ikasiyam ng mayo, 2020]
BINABASA MO ANG
𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚
Poetry𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙩𝙖𝙢𝙖𝙙 𝙢𝙖𝙜-𝙞𝙨𝙞𝙥. | 𝘢𝘯𝘵𝘰𝘭𝘰𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘭𝘰𝘨 | naumpisahan: 𝟏𝟎|𝟏𝟐|𝟏𝟗 natapos: ㅡ
