isa kang balon
sa kalagitnaan ng gubat
natatabunan ng mga tuyong dahon,
napapailalim sa himpapawid ng malalayang ibon
natagpuan kita
sapagkat ang huni ng tubig mo'y nananawagan
at ang mga paru-parong sinundan ko'y
sa iyo pala nananahanan
ang kwentas
na napulot ko sa iyong paahan
ay ginto - hindi tanso
isang palatandaan ng pagkabulag
ng mga naunang turista
marahil ay hindi pinasadahan ng mga mata
o sadyang sila'y nabulag sa iyong halaga
ako
ay isa lamang uhaw na manlalakbay
naliligaw, nalilito, napapagod
naghahanap ng medisinang makapaghihilom ng aking sugat
sa tuhod, sa braso, sa puso - kumakalansay
ang mga binti kong humahakbang papalapit sa'yo
una
una kong narinig ang kakaibang musika
nagbabanta, nanaboy, napakatalinhaga
inihaplos ang magaspang kong palad sa iyong barikada
naghagis ng bato at sinilip ang buho
at sinta, doon lamang napagtanto
tapos na ang paglalakbay na ito
ikaw ang destinasyon ko
kaya heto,
hilahin mo ako pababa
sa rurok at lalim ng iyong pag-iisa
at doon sa hangganan ng lupa,
sabay tayong lalaya.
[ika-30 ng marso, 2020]
BINABASA MO ANG
𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚
Poezja𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙩𝙖𝙢𝙖𝙙 𝙢𝙖𝙜-𝙞𝙨𝙞𝙥. | 𝘢𝘯𝘵𝘰𝘭𝘰𝘩𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘭𝘰𝘨 | naumpisahan: 𝟏𝟎|𝟏𝟐|𝟏𝟗 natapos: ㅡ