puno ng niyog

106 8 1
                                    

tulang napukaw mula sa ikalabing-walong soneta ni Shakespeare


maiwawangis ba kita
sa isang bariles ng mansanas
gayong di hamak namang mas
matamis ang 'yong bawat pagngiti
ilang aralin pa kaya
ang maituturo mo sa pulot
bago ito kalumponan ng mga pukyutan
gaya ng pagkakalumpon ko sa iyo


o sa mga along mapagtimpi
singbabaw kung tatanawin
ngunit kay lalim kung sisisirin
ngayong aking isasahiling
tuluyang lalakbayin ang iyong trintsera
hilahin mo ako sa bawat kilometro
gabayan sa paglangoy
sa mapanganib mong karagatan


sabihin mo sa akin,
may natitira pa bang bagay sa mundo
na maaaring sa iyo'y pagwangisan
maliban sa puno ng niyog sa dalampasigan
maaari kong silungan
ngunit gamay lang ang lilim
maaari kong sandalan
ngunit hindi maigagalaw,
             hindi maiuuwi,
             mapanglaw,


             hindi maaangkin,
             hindi mapapasaakin.



[ikawalo ng hulyo, 2020]

𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon