ang aninong parihaba

302 30 23
                                    

paminsan-minsan kang sumisilip sa espasyo sa iyong kanan
madalas ika'y walang naaaninag
sapagkat hindi mailandas ang pagsipat ng mga mata
sa direksyon ng hugis na kinitay sa inyong pader

subalit nag-iba
ang ritmo sa pag-awit ng inyong orasan
nang sa wakas ay nasiplatan
ang pangunahing pinagmumulan
ng itim na anino

lumulutang, nakatirik, salamangka
kahong nakatuntong sa hanginㅡ
pundasyon ay kawalan
at napapalibutan ng nagliliparang mga
paro-paro

lumapat ang palad ng mga paa sa ispaltong lupa at humakbang
papalapit.. sa sagradong kinaroroonan
ng gintong ataul na naglalamanㅡ
naglalaman ng alin?

ng mga inosenteng luhang limot na ng nakaraang mga taon?
mga tuyong dahon na nahulog sa unang pagsibol ng taglagas?
o mga tsinelas na kalahating nilamon ng apoy bilang marka ng naudyot na pamamaalam?
mga laruang napag-iwanan sa madilim na silong,
o mga tunog ng tawa mo't ngiti noong panahong hindi pa kasalamuha ang kadiliman?
oh giliw, ikaw ay nagkakamali

pinunan ang distansya
at doon nasaksihan
ang kabaong ay hindi isang kabaong kung hindi ay isang salamin
salaming nagmula sa dati mong tahananㅡ sa luma mong silid aralan at nagdaan mong kulungan

ang paslit mong larawan ay nakatitig
humihikbi, tumataghoy, pumipikit
ngayon, titigan mo ang iyong mga labing nakaratay sa parihabang kahon
na nagmamay-ari ng aninong itim
na matagal nang nakapako sa inyong dingding

kaibigan,
panahon na upang iyong
marinig
ang
bulong
ng sariling pamamaalam
sa namayapang
k a m u s m u s a n

[ika-13 ng enero, 2020]

𝙨𝙞𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙠𝙞𝙨𝙖𝙢𝙚Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon