May asar pang nararamdaman si Leslie nang bumalik siya ng bahay. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magalit o dapat niya bang ikatuwa at sigurado siyang buhay ang patay na si Renz.
Naghanda siya ng kanyang hapunan at umupo na sa kusina. Ilaw ng ilaw ang kanyang kwintas pero hindi niya yun pinansin. Habang kumakain, naisip niya kung si Renz ba ay kailangan pang kumain. Kung anu ano ang naiisip niya habang kumakain.
"Isa ba yung zombie o aswang na namatay na pero buhay na buhay sa paningin ko at nakakapagsalita pa?" isa sa mga tanong niya sa sarili.
Sinearch niya na sa google kung posible ba yun at wala naman siyang makitang matinong article. Lahat nang nakikita niya ay tungkol sa mga movies na puro zombies, nangangain ng tao at kung anu ano pa. Iba ang tingin niya kay Renz, para siyang isang patay na nakakapagsalita lang at nakakagalaw, ngunit di matatawag na buhay.
Alas sais na ng gabi, tuloy pa din sa pag-ilaw ang kanyang kwintas. Lalo pang uminit ang kanyang pakiramdam sa may dibdib kung saan nakalapat ang pendant. Kahit papaano ay naiisip niya si Renz kung ano ba ang dapat na gawin sa kanya.
"Humiling ako ng kasiyahan at ito na nga siguro ang ibinigay sa akin. Pero paano ako magiging masaya sa isang tao na alam ko na ay patay na at nagagawa na lang gumalaw at magsalita dahil sa matinding mahika na ginawa ni Tita Teresa." Kausap niya sarili niya habang nagmumuni muni siya sa kwarto at nag-aayos ng mga gamit.
"Kung magiging masaya man ako sa kanya, papaano? Hindi ko ata kayang sumama sa taong alam ko ay minsan ng duguan at lumamig ang katawan sa tabi ng daan. Hindi ko ata kayang hawakan ang alam ko ay kasing lamig ng bangkay. Hindi ko na naman maititigil to tulad ng sabi ni Tita Teresa. Paano nga ba? Ano ang magiging kakahantungan nito?" Litong lito na siya sa kanyang mga naiisip. Hindi na niya alam kung ano talaga ang dapat niyang gawin.
Napag-isipan niyang ikulong na nga lang si Renz sa shop hanggang sa dumating ang kanyang tiya. Pero naisip din niya kung paano pagdating ng tiya niya at nakita niya itong nakamulat. Bawat isip niya ng kung ano ang dapat niyang gawin ay lalo pa siyang nalilito.
Biglang umilaw na naman ang kwintas. Pakislap-kislap ang ilaw nito. Kinuha niya at tinignan ang pendant. Mukhang may bawas na ang laman ng kakaunti. Meron yung limang guhit na pahalang. At ang laman ay nabawasan ng isang guhit. Nagtaka tuloy siya kung paano nangyari iyon.
Bigla niyang naisip ang sinabi ni Tita Teresa na ang nag-iisang makakapigil lang sa kung ano ang napagsimulan ay kung maubos na ng tuluyan ang laman ng kwintas. Dahil na bawasan na ng isang guhit, iniisip niya kung pano ito nabawasan dahil yun na lang magiging daan niya para maitigil ang lahat ng kalokohan na nangyayari sa kanya.
Nag-alala siya kung okay lang ba talaga si Renz sa shop. Hindi naman niya mapigil ang sarili at para bang nasa tabi niya ang konsensiya niya at sinasabing 'puntahan mo si Renz'. Yun na din ang pumapasok sa isip niya. "Dapat ko ba siyang puntahan o hayaan na lang?" ang tanong sa sarili.
Kinuha niya ang susi at pumunta sa shop. Binuksan niya ang pinto at hindi niya nahalata ang presensya ni Renz na nakahiga lang sa isa sa mga higaan sa loob hanggang sa nagsalita ito, "Miss mo ko?" Sabay talon sa higaan at tumayong nakaharap sa may pinto kung nasaan si Leslie.
"Anong miss, hindi no!" ang asar na sagot ni Leslie. "Eto ang bigay sa akin ng nanay ng kaibigan ko," hawak na hawak niya ang kwintas na ipinapakita kay Renz, "dahil dito kaya ka ganyan, patay na buhay na parang buhay na patay. Basta di ko alam. Basta ganyan."
"E ano naman ngayon? Pero diba nga ako hiniling mo? Diba?" Ngiting ngiti na sabi ni Renz at naglakad papunta kay Leslie ng isang hakbang.
"Oopss. Diyan ka lang. Wag kang umalis diyan!" ang pagkontra ni Leslie sa paghakbang niya. "Gusto ko ng matapos ang kalokohan na to! Ayaw ko mabuhay sa isang imahinasyon lamang na ipinilit ko sa buhay ko." ang paliwanag niya.
"Grabe naman. Parang mo naman akong tinatakwil niyan," sabay yoko si Renz na naglulungkot-lungkotan.
"Hindi naman sa ganun," sagot ni Leslie.
"Ai hindi pala," sabay tingin kay Leslie na napapakamot sa ulo, "so gusto mo nga ko?" Nakangiting aso na naman ang binata.
"Ano ka ba, hindi nga. Sige ka, ilolock kita ulit dito." ang panakot ni Leslie.
"Wag ka ngang magalit, lalo kang pumapangit." Hindi napansin ni Leslie na bawat salita ni Renz ay humahakbang siya ng paunti unti patungo sa kanya.
"Ah. Pangit pala ha!" Naasar na nga ng tuluyan si Leslie.
"Ano ka ba, joke ko lang yun. Alam ko naman na mabait ka at may magandang kalooban. Yan ang tunay na kagandahan," bawi ni Renz.
Napatigil naman si Leslie. Ngayon niya lang narinig ang mga katagang yun galing sa lalaki. Akala niya sa pelikula niya lang maririnig ang mga ganun. Pero hindi, para sa kanya at ramdam na ramdam niya ang senseridad ng taong nasa harap niya na ngayon ay isang hakbang na lang ang pagitan nila. Hindi nakapagsalita si Leslie ng hinawakan ni Renz ang kanyang mga kamay. Titig na titig sa kanya ang binata at nangungusap ang mga mata. Ramdam iya ang lamig ng mga kamay nito.
Ngumiti si Renz sabay sabi, "Diba ako nga ang magpapasaya sayo,"
Wala namang nasabi si Leslie at basta na lang siya napangiti dito. Parang nakalimutan niya ang katotohanan na isang gawa ng mahika lang ang taong ngayon ay kaharap niya.
Inilapit ni Renz ang mukha niya kay Leslie. "Alam mo ba ngayon ikaw lang ang iniisip ko at binubulong ko pangalan mo sa isip ko. Leslie." Lumiwanag ang kwintas ni Leslie at bahagya silang nagulat.
Wala pa din masabi si Leslie at ang ekspresyon niya ay parang ngingiti na hindi. "Patay man ako sa paningin ng iba, buhay na buhay ka naman sa puso ko." Yun ang huling katagang narinig niya ng naramdaman niya ang malamig na labi ni Renz na nakalapat sa labi niya.
Limang segundo ang ganoong posisyon ng biglang natauhan si Leslie. Sinampal niya si Renz at tumakbo palabas. Nakalimutan na niyang isara ang pinto at dumerecho na sa bahay.
Pumasok na siya sa kwarto, nahiga at nagtakip ng kumot. Umiilaw pa din ang kwintas niya na nagbigay liwanag sa kwarto. Nung kinuha niya at tinignan ang kwintas, doon niya nakita na nabawasan ulit to ng isang guhit.
"Bawat kiss isang bawas?" ang tanong niya sa sarili. Sa oras na yun nag-iisip na siya ng pwede niyang gawin para maubos lahat ang laman ng kwintas. Napagkonek konek na niya na bawat halik sa kanya ni Renz ay nababawasan ang laman ng kwintas. Ang gagawin niya na lang ay gumawa ng paraan para halikan siya ulit ni Renz at kailangan mangyari yun ng tatlong beses para matapos na ang kalokohan na kanyang pinasok.
BINABASA MO ANG
My Dead Boyfriend
Teen FictionLife after death, sadyang meron ba? Si Leslie na puno ng pangarap, pag-asa at pagsisikap ay ginawa ang lahat para mapakita sa ibang tao na kahit sa hitsura at katayuan niya sa buhay ay may nakatadhana pa din na kaligayahan para sa kanya. Paano kun...