"PASABI na lang kay Gelai na hindi ko siya mapupuntahan doon. Kahit hindi ko siya mabisita, lagi kong ipagdarasal na makalaya siya. Mananaig pa rin ang katotohanan sa huli, Jake." Hinawakan ni Sabel ang dalawang kamay ni Jake para ipahiwatig dito na handa siyang damayan ang mag-asawa sa problemang kinahaharap ng mga ito.
"Salamat, Sabel. Maiintindihan naman ni Gelai kung bakit hindi ka makakasama."
Ngumiti si Sabel at binitiwan na niya ang mga kamay ni Jake. "Sige na, Jake. Magtatanghali na, baka mahuli ka pa sa flight mo. Huwag mo na ring alalahanin ang anak mo. Nasa lolo at lola naman niya siya. Maaalagaan nang mabuti ang anak mo."
"Mauna na ako, Sabel. Babalitaan na lang kita."
Tumango si Sabel bilang pagtugon. Sinundan niya si Jake sa pagsakay nito sa Tricycle hanggang sa pag-andar niyon. Napabuntong-hininga na lang siya nang mawala na ang sasakyan sa kaniyang paningin.
Natagpuan na lang ni Sabel ang sarili na nakaupo sa upuan na nasa ilalim ng puno. Nasa park siya na madalas niyang puntahan kasama ang kaniyang mag-ama. Walang masyadong tao sa lugar na kinaroroonan niya kaya naman nakaramdam siya ng lungkot. Simula nang mamatay ang kaniyang mag-ama ay ayaw na niya sa mga tahimik na lugar.
Gusto mang umalis ni Sabel sa park na iyon ay gumawa na lang siya ng paraan para kahit papaano ay mabasag ang katahimikan. Nagpatugtog siya gamit ang kaniyang telepono. Kahit papaano ay nawala ang lungkot na nararamdaman niya.
Malalim na napabuntong-hininga si Sabel matapos maisip ang paghahanap niya ng hustisya para sa kaniyang mag-ama. Galing siya sa opisina ng mga pulis upang makibalita sa paghahanap ng mga ito sa taong nakapatay sa kaniyang mag-ama ngunit katulad pa rin nang dati, wala siyang nakuhang magandang balita. Sa pakiwari niya ay hindi na inaasikaso ng mga ito ang paghahanap sa suspek.
Gusto mang kumuha ni Sabel ng private imbestigator upang mas mapadali ang paghahanap sa suspek ngunit wala siyang pambayad. Tila malabo na yatang makamit ng mag-ama niya ang hustisyang nararapat para sa mga ito.
"Mukhang tama ang sinabi ni Gelai. Humanap na lang kaya ako ng matandang mayaman?" Malalim na napabuntong-hininga si Sabel matapos niyang tanungin ang sarili. Batid niyang mali ang gagawin niya ngunit gagawin lang naman niya iyon para sa kaniyang mag-ama.
Hindi alam ni Sabel kung maiintindihan siya ni Mad kung sakaling gagamit siya ng isang matandang mayaman para mahanap ang hustisya. Hindi niya maitatangi na mali ang kaniyang gagawin ngunit kaya niyang maging desperada para mahanap lang ang hustisya. Batid niyang walang mangyayari kung hindi siya kikilos at kung iaasa lang niya sa mga pulis ang lahat.
"Mad, patawarin mo ako sa gagawin ko. Ipinangako ko sa inyo na ibibigay ko sa inyo ni Junjun ang hustisya kaya tutuparin ko iyon."
Natatauhan lang si Sabel mula sa malalim na pag-iisip matapos marinig ang ringtone. Agad niyang kinuha ang telepono para sagutin ang tawag.
"Rafael?" bungad ni Sabel.
"Sabel, may ginagawa ka ba ngayon?"
"Nandito lang ako sa park."
"Puwede na kasing lumabas si Daisy ng hospital. Gusto ko sana, tayong dalawa ang maghatid sa kaniya sa bahay."
Napangiti si Sabel dahil sa sinabi ni Rafael. Ilang araw nilang hinintay na makalabas na ang batang si Daisy dahil nais na nila itong ipasyal para mapawi ang pangungulila nito sa tunay na ama.
"Okay lang ba sa iyo, Sabel?"
"Oo naman, Rafael." Napatango-tango pa si Sabel habang nakangiti. "Matagal din nating hinintay ang araw na ito. Pupunta na ako riyan."
Hapon na nang maiuwi nina Sabel at Rafael ang bata. Nakita ni Sabel ang saya sa mukha ng bata nang makita nito ang loob ng bahay ni Rafael na maging siya ay namangha rin. Hindi niya inaasahan na ganoon ito kayaman.
Pagpasok palang ay unang bubungad ang salas. Tila nagmistulang balat ng Zebra ang mga sofa na bumagay sa mesitang pinaiibabawan ng mga bulaklak. Sa itaas ng salas ay may chandelier na hugis bulaklak ang mga mga bumbilya.
"Ang ganda-ganda naman po ng bahay ninyo, Papa Rafael." Sandali pang iginala ng bata ang tingin nito sa paligid bago nito sulyapan si Rafael. "May baby po ba kayo ni Mama Sabel?"
Umupo si Rafael upang pantayan nito si Daisy. Masuyo nitong hinaplas ang buhok ng bata at ngumiti ito. "Ikaw muna ang baby namin."
"Paano kapag bumalik na po si Papa, hindi na po ako ang anak ninyo?"
Lumapit si Sabel kay Daisy nang sulyapan siya ni Rafael. Gaya nito ay umupo rin siya para pantayan ang bata. "Bibisitahin ka pa rin namin sa bahay ninyo."
"Rafael, sino sila?"
Napatayo rin si Sabel nang tumayo si Rafael. Nakita niya ang papalapit na babaeng sa tingin niya ay nasa edad singkwenta. Maputi at mapaghahalataan na maganda ito noong kabataan.
"Ma, siya po si Daisy. Siya ang sinasabi ko sa iyo na balak kong kupkupin."
Tiningnan ng matanda ang bata mula paa hanggang ulo. Bahagyang itong napabuntong-hininga bago nito sulyapan si Rafael. "Baka kriminal ang mga magulang ng batang iyan?"
"Ma?"
"Pinaaalalahanan lang kita, Rafael. Mahirap na, baka mawalan ako ng mga mamahaling alahas at pera." Muling bumuntong-hininga ang matanda at sinulyapan nito si Sabel. "Sino naman siya, Anak?"
Bahagyang napalunok si Sabel dahil hindi niya gusto ang tingin sa kaniya ng matanda. Tila may galit na agad ito sa kaniya gayon ay unang pagkakataon pa lang niya itong nakita. "A-Ako po si Sabel. K-Kaibigan po ako n-ni Rafael."
"Akala ko po ba, mag-asawa kayo ni Mama Sabel, Papa Rafael?"
"Papa Rafael?" Lumapit ang matanda sa bata at tinaasan ito ng kilay. "Wala nang anak ang anak ko at isa lang ang apo ko. Kaaampon mo pa lang, Papa na agad ang tawag mo?"
"Mama, huwag naman po kayong ganiyan sa bata."
"Alam ko ang ginagawa ko, Rafael." Muling sinulyapan ng matanda si Sabel. "Ikaw, alam mo bang kamamatay lang ng asawa ng anak ko?"
Bahagyang napayuko si Sabel dahil hindi niya kayang makipagtitigan sa matanda. Pakiramdam niya ay hinihiwa siya dahil sa talim ng tingin nito sa kaniya. "A-Alam ko po."
"Alam mo naman pala, bakit parang gusto mong pumapel bilang asawa ng anak ko? Hindi ka ba natatakot sa kaluluwa ng asawa niya?"
"Ma, nakakasobra na po kayo. Huwag naman kayong ganiyan sa bisita ko."
"Namatay ang asawa at anak mo dahil sa car accident tapos parang wala na lang sa iyo ang nangyari?"
Napatingin si Sabel kay Rafael matapos marinig ang sinabi ng ina nito. Nabigla siya dahil hindi niya alam na namatay ang mag-ina nito sa car accident. Napalunok na lang siya matapos maaalala ang kasalanang nagawa niya.
"Hindi ba dapat maging masaya kayo dahil gumagawa ako ng paraan para mawala ang lungkot na nararamdaman ko? Nahuli na rin naman ang may kasalanan kaya ano pa ba ang dapat kong gawin? Kailangan ba habambuhay akong magluksa? Kahit kailan, hindi ko makalilimutan ang mag-ina ko."
Naramdaman ni Sabel ang paghawak ni Rafael sa kaniyang kamay. Wala siyang ibang nagawa kundi sumunod dito kasama ang batang si Daisy.
"Rafael, bakit mo tinalikuran ang mama mo?"
"Ayokong makipagtalunan pa sa kaniya, Sabel."
Inihakbang na lang ni Sabel ang mga paa niya paakyat sa hagdanan. Tila hindi niya magugustuhan ang mangyayari kapag dadalawin niya ang batang si Daisy.
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomanceLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...