NAKATANAW si Sabel sa bintana habang nakatingin sa mga bituin. Sa tagal nang pagkakapako ng kaniyang tingin doon ay tila nabilang na niya kung ilan ang mga bituin sa kalangitan. Tahimik lang din siyang nakamasid doon na tanging paghinga lang niya ang maririnig.
Noong bata pa si Sabel, sa pagkakaalam din niya ang mga bituin sa kalangitan ay ang mga yumaong tao sa mundo. Kahit ngayon na hindi na niya iyon pinaniniwalaan ay sinubukan pa rin niyang hanapin doon ang kaniyang mag-ama. Ginawa niya iyon dahil nais niyang kausapin ang mga ito.
Malalim na napabuntong-hininga si Sabel matapos mapagtantong hindi niya mahahanap sina Mad at Junjun sa mga bituin. Napakarami niyon kaya hindi niya alam kung sino roon ang mag-ama niya.
"Mad, Junjun, patawarin ninyo ako dahil nangako ako sa inyo na gagawin ko ang lahat para ibigay sa inyo hustisya." Pinakawalan na ni Sabel ang luha sa kaniyang mga mata. "Ngayon na nakilala ko na ang taong matagal ko nang hinahanap, parang mas gugustuhin ko na lang na hindi siya nakilala. Patawarin ninyo ako dahil iyon talaga ang nasa isip. Hindi ko alam kung paano ko ibibigay sa inyo ang hustisya."
Hindi alam ni Sabel kung galit ang mag-ama niya sa kaniya lalo pa at pinili niyang makasama si Rafael. Lahat ng mga sinabi niya noong hinahanap pa lang niya ang taong nakapatay sa kaniyang mag-ama ay nilunok niya. Batid niyang hindi niya magawang magalit para sa kaniyang nobyo. Kahit palagi niyang naiisip na ito ang dahilan kung bakit namatay sina Mad at Junjun ay ang pagmamahal niya para rito ang nanaig.
Napapikit si Sabel nang maramdaman ang pagyakap ni Rafael mula sa kaniyang likuran. Naramdaman din niya ang paglapat ng malambot nitong labi sa kaniyang batok. Napabuntong-hininga na lang siya at nanatiling nakatingin sa kalangitan.
"Sana maintindihan nila tayo, Sabel, kung hindi natin maibigay sa kanila ang hustisya."
Hinawakan ni Sabel ang mga bisig ni Rafael at nagpakawala muli siya ng buntong-hininga. "Sana nga, Rafael."
"Ako ang puno't dulo ng lahat ng nangyari, Sabel. Karma ang nangyari sa akin kaya kami naaksidente."
"Hindi lang ikaw ang may kasalanan, Rafael. Kasalanan ko rin kung bakit nangyari iyon."
Inalis ni Sabel ang mga bisig ni Rafael sa kaniyang beywang para harapin ito. Sandali niya itong tinitigan bago niya idampi ang dalawa niyang palad sa magkabila nitong pisngi. "Salamat dahil tinotoo mo ang sinabi mo sa akin na kahit nakagawa ako ng malaking kasalanan sa iyo, mamahalin mo pa rin ako. Ganoon din ako, hindi nagbago ang nararamdaman ko sa iyo."
Ngumiti si Rafael. "Mahal na mahal kita, Sabel. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko."
Ngumiti si Sabel at kasunod niyon ay ang muli niyang pagluha. Kung dati, pinagsisihan niya kung bakit si Rafael pa ang lalaking minahal niya ngunit ngayon ay binabawi na niya iyon. Napatunayan niyang napakasuwerte niya rito dahil wagas at totoo ang pagmamahal nito sa kaniya.
Si Rafael man ang sumugat sa puso ni Sabel ngunit ito rin ang nagpahilom doon. Kahit kailan ay hinding-hindi niya pagsisisihan na minamahal niya ang lalaking may nagawang malaking kasalanan.
Hinagkan ni Rafael ang noo ni Sabel at muli itong ngumiti. "Kahit na pinaglaruan tayo ng tadhana, nagpapasalamat pa rin ako. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi natin makikilala ang isa't isa." Muling hinagkan ni Rafael sa noo si Sabel. "Tadhana ang dahilan kung bakit tayo nasaktan pero tadhana rin ang naging dahilan kung bakit tayo naging masaya."
Tumalikod si Sabel kay Rafael para muling ibalik ang tingin sa kalangitan. "Ano kayang ginagawa ngayon ni Ceska? Alam mo, sa kabila ng nagawa niya, nagpapasalamat ako roon kasi dahil sa kaniya, pakiramdam ko, nabunot na ang malaking tinik na nakabaon sa dibdib ko." Nagpakawala si Sabel ng malalim na buntong-hininga. "Napakasarap nga pala talagang mabuhay kapag wala kang inililihim."
"Ako naman, Sabel, naging aral sa akin ang nangyari. Kapag may nagawa ka palang kasalanan, mas maganda nang aminin mo na iyon dahil mas maraming masasaktan kapag itinago mo iyon nang matagal."
"Wala naman kasing taong perpekto dahil lahat, nagkakamali at nagkakasala. Kung may nagawa man tayong mali, mas mabuti kung itatama natin iyon." Humarap si Sabel kay Rafael at pinagmasdan niya ito. Hiling niya ay mahinuha nito ang ibig niyang iparating.
Kinuha ni Sabel ang telepono sa kaniyang bulsa nang marinig ang pagtunog niyon tanda na may natanggap siyang mensahe. Matapos makuha ay binasa niya iyon na galing sa kaibigan niyang si Gelai.
"Mukhang kailangan na talaga nating umuwi, Rafael," pahayag ni Sabel matapos basahin ang mensahe.
"Bakit? Ano ba ang sabi?"
"Pag-alis pa lang natin sa simbahan kanina, hinanap na nila tayo. Galit na galit daw sa atin ang mga magulang ni Jade saka ni Mad." Lumakad palayo si Sabel kay Rafael para maupo siya sa kama. "Pareho siguro tayong pinaghahanap ng mga magulang nila."
"Sabel?"
Tiningnan ni Sabel si Rafael na nanatili pa ring nakatayo malapit sa bintana. "Nakagawa tayo ng kasalanan kaya dapat natin iyong pagbayaran. Kailangan din nating itama ang maling nagawa natin."
Lumapit si Rafael kay Sabel at umupo rin ito sa kama. "Kung iyon ang gusto mo, gagawin natin. Basta mangako ka sa akin na matagal man tayong hindi magkikita at magkakasama, hindi magbabago ang nararamdaman mo sa akin."
Ngumiti si Sabel at tumango siya. "Ayoko na sa iba dahil ikaw ang huli kong mamahalin. Kung hindi man tayo sa huli, pipiliin ko na lang na huwag nang magmahal."
"Mahal na mahal kita, Sabel. Maghihintay ako sa muli nating pagkikita."
Hinayaan ni Sabel na bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata dahil masakit sa kaniya na magkakahiwalay sila ni Rafael. Hindi man niya gusto ang kanilang desisyon ngunit iyon ang sa tingin niyang tama. Panghahawakan na lang niya ang pagmamahalan nila ni Rafael.
Hindi nagsalita si Sabel matapos hawakan ni Rafael ang kaniyang batok. Matapos ang ilang sandali ay unti-unti nitong inilapit ang mukha niya sa mukha nito upang magtagpo ang kanilang labi. Tanging pagpikit na lang ang nagawa niya nang tuluyang lumapat ang kanilang labi.
Sinuklian ni Sabel ng halik si Rafael dahil gusto niyang ipadama ang pagmamahal niya lalo pa at iyon ang unang pagkakataon na hinalikan nila ang isa't isa. Tumagal ng ilang sandali ang tagpong iyon bago niya ilayo ang labi sa labi ng nobyo. Wala siyang ibang ginawa kundi titigan ito sa mga mata habang nangungusap ang kaniyang mga mata.
Hindi na tumutol si Sabel matapos siyang ihiga ni Rafael. Naramdaman niya ang pag-alis nito sa suot niyang mga saplot hanggang tuluyang lumantad ang hubad niyang katawan sa kaniyang nobyo. Nakatitig lang siya kay Rafael habang isa-isa rin nitong inaalis ang mga suot hanggang tuluyan na ring lumantad ang hubad nitong katawan.
Napapikit na lang si Sabel matapos muling hagkan ni Rafael ang kaniyang labi. Hindi na siya tumutol kahit hindi pa sila ganap na mag-asawa dahil nais niyang bago man sila magkahiwalay ay maiparamdam nila sa isa't isa ang kanilang pagmamahalan.
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomanceLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...