Kabanata 26

79 5 0
                                    

TAHIMIK lang si Sabel na nakaupo katabi ni Rafael. Patuloy na nagsasalita ang ina ng kaniyang nobyo sa harapan ng mga bisita. Gaya ng sinabi nito, nagkaroon ng selebrasyon para sa nalalapit na kasal nila ni Rafael.

Ang atensyon ni Sabel ay wala sa ina ni Rafael kundi nasa kaniyang nobyo. Kanina pa niya ito pinagmamasdan habang tila nililipad ang isip nito. Isang araw na niyang hindi makausap nang maayos ang kaniyang nobyo na tila may problema ito. Tinanong naman niya ito ngunit hindi nito sinasabi ang dahilan kung bakit tila nag-iba ito.

"Rafael, hindi ka ba masaya?" Pinili nang basagin ni Sabel ang katahimikan ni Rafael dahil ilang sandali na lang ay ipakikilala na sila sa harapan. Gusto niyang maging maayos sila ng kaniyang nobyo at hindi niya gustong masira ang gabing iyon nang dahil sa kakaibang katahimikan nito.

Ngumiti lang si Rafael at ibinaling na nito ang tingin sa kung saan. Tila hindi rin ito mapakali sa kinauupuan na anumang oras ay lilisanin na nito ang kinaroroonan nila.

Napabuntong-hininga na lang si Sabel. Pilit niyang kinakaya ang atmospera sa pagitan nila ni Rafael. Hindi siya sanay na ganoon ang nobyo ngunit hindi naman niya alam kung ano ang gagawin para maibalik niya ang dating ito.

Hinayaan na lang ni Sabel si Rafael. Hinayaan muna niya itong makapag-isip. Tinitiyak niya na magiging ayos sila pagtapos din ng gabing iyon. Hindi niya patatagalin ang katangian na iyon ni Rafael dahil hindi siya sanay.

"Good evening everyone."

Naibaling ni Sabel ang tingin sa harapan matapos marinig ang pamilyar na tinig. Hindi nga siya nagkamali dahil si Ceska ang nagsalita. Hindi niya alam kung paano nito inagawan ng mikropono ang ina ni Rafael.

"Hindi ako pumunta rito para sirain ang kasiyahan ninyo pero kung masira man ang gabing ito, hindi ko na kasalanan."

Napahawak si Sabel sa kaniyang dibdib nang bumilis ang kabog doon. Batid niyang may gagawin na hindi maganda si Ceska dahil alam niyang hindi ito masaya para sa kanila ni Rafael.

"Hayaan mo muna akong magsalita rito, Tita Cora." Ngumisi si Ceska at binato nito ng tingin si Sabel. "Hindi ba ang kuwento mo sa akin Tita Cora, namatay ang asawa at anak ni Sabel, mahigit isang taon na ang nakalilipas?"

Nakita ni Sabel ang pagtango ng ina ni Rafael. Napalunok siya dahil may kutob na siya sa nais puntuhin ni Ceska. Ihahakbang na nasa niya ang kaniyang mga paa upang pigilan ito ngunit natigilan siya nang makita niya ang ina ni Mad na pumuwesto sa tabi ni Ceska. Nakatingin ito sa kaniya na bakas ang matinding galit.

"Kasama ko ang magulang ng namatay na asawa ni Sabel at siya ang magsasabi ng tunay na ikinamatay ng asawa ng babaeng iyan!"

Mas bumilis ang kabog sa dibdib ni Sabel matapos kunin ng ina ni Mad ang mikropono. Gusto niyang tumakbo ngunit tila wala siyang lakas dahil pakiramdam niya ay tila magnet ang mga mata ng mga taong nakatingin sa kaniya kaya hindi siya makaalis sa kaniyang kinaroroonan.

"Hindi cancer ang ikinamatay ng asawa at anak ni Sabel. Namatay ang mag-ama niya dahil sa car accident, wala pang isang taon ang nakalilipas. Hindi ko alam kung bakit pinalabas niyang namatay sa cancer ang anak at apo ko." Malalim na bumuntong-hininga ang ina ni Mad at nanatili itong nakatingin kay Sabel habang bakas ang galit. "Sa tingin ko, sinabi niyang namatay sa cancer ang mag-ama niya at sinabi niyang mahigit isang taon na ang nakalilipas dahil baka gusto niyang lumandi agad. Ganiyan kakati ang babaeng iyan! Kamamatay lang ng asawa at anak niya tapos makikipaglandian na sa ibang lalaki! Napakawalang-hiya mo Sabel!"

Walang ibang nagawa si Sabel kundi humagulhol ng iyak. Batid niyang sirang-sira siya sa mga tao dahil sa sinabi ng ina ni Mad. Hindi niya alam kung bakit hanggang ngayon ay galit pa rin ito sa kaniya gayon ay pinakitungahan naman niya ito ng kabutihan.

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon