"SA susunod na lang po ako sasama." Ngumiti ang batang si Daisy at saka nito kinindatan ang ina ni Rafael.
Napangiti si Sabel dahil tila may pakahulugan ang ginawa ng bata. Ibinaling niya ang tingin sa ina ni Rafael. Nakangiti ito sa kaniya kaya sinuklian niya iyon. Masaya siya dahil napatunayan niyang mabait naman pala ito at mali siya ng pag-aakalang matapobre ito.
Lumapit si Sabel kay Rafael na nakatayo sa harapan ng sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay ng kaniyang nobyo. Kung saan-saan dumadako ang tingin nito na tila may hinihintay ito.
"Anak, hindi pa ba kayo aalis ni Sabel? Magtatanghali na."
"Nasaan po ba si Kuya Ran? Hindi ko siya matawagan."
"Nagpaalam siya sa akin na pupuntahan ang anak niya. Nakalimutan ko nga palang sabihin sa iyo."
Nakita ni Sabel ang paghilamos ni Rafael gamit ang mga palad nito. Nahalata niya na tila balisa ito na hindi niya alam kung bakit. Dahil doon ay parang gusto na lang niyang ipagpaliban ang pag-aya sa kaniya ni Rafael na lumabas ngunit nahihiya siyang tumanggi dahil pinilit din siya ng ina nito. Ayon sa ina ni Rafael ay napapansin nito na tila kapwa may gumugulo sa isipin nila ng kaniyang nobyo kaya marapat lang na lumabas sila nito.
"Mag-commute na lang siguro tayo, Sabel."
"Kaya mo namang mag-drive, Anak, kahit wala si Ran." Lumapit ang ina ni Rafael sa anak nito. "Sandali nga, napaghahalataan ko na hindi mo ginagamit ang kotse kapag wala si Ran."
"Mauna na po kami ni Sabel, Ma. Magko-commute na lang kami."
"Mahirap kapag nag-commute kayo ni Sabel, Anak."
"Okay lang naman po sa akin kung magko-commute kami ni Rafael, Tita." Muling sinulyapan ni Sabel si Rafael. Napansin pa rin niya ang tila pagkabalisa nito. Tila may nararamdaman itong takot.
Nagpakawala si Rafael ng malalim na buntong-hininga at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Tama si Mama, mahirap kung magko-commute tayo. Ako na lang ang magda-drive."
Matapos makapagpaalam sa ina ni Rafael at kay Daisy ay sumakay na si Sabel sa sasakyan. Habang hinihintay ang pagpasok ni Rafael ay binuksan niya ang bintana at kumaway siya kay Daisy.
"Mama Sabel, kailangan po pagbalik ninyo ni Papa Rafael, may kapatid na ako."
"Narinig mo iyon, Sabel? Kailangan pagbalik ninyo ni Rafael, may laman na iyang tiyan mo."
Pagngiti na lang ang itinugon ni Sabel sa sinabi ni Daisy at ng ina ni Rafael dahil hindi niya alam kung ano ang itutugon niya. Wala pa siyang plano na mangyari ang sinabi ng dalawa dahil marami pa siyang iniisip.
Ilang sandali nang nakatingin si Sabel kay Rafael habang abala ito sa pagmamaneho. Kinakabahan siya para rito dahil hindi nawala ang pagkabalisa nito. Tila naririnig niya ang bawat kabog sa dibdib nito.
"Pasensya ka na kung mabagal lang ang pagpapatakbo ko, Sabel."
Ngumiti si Sabel dahil hindi niya maiwasang mapatawa kapag iisipin na tila aabutin sila ng isang araw sa pagbiyahe kahit hindi naman malayo ang pupuntahan nila. Sa kabila niyon ay hindi siya nagreklamo dahil batid niyang may dahilan ito.
"Simula kasi nang maaksidente kami ng mag-ina ko, natakot na akong mag-drive. Ngayon na lang ulit ako nag-drive."
Napawi ang ngiti ni Sabel matapos marinig ang dahilan kung bakit tila may takot na nararamdaman si Rafael. Kung naisip lang agad niya iyon, siya na mismo ang nagpresinta na sumakay na lang sila ng bus.
"Kaya nga kapag wala si Kuya Ran, nagko-commute na lang ako."
"Ihinto mo ang sasakyan, Rafael. Ako na lang ang magda-drive."
"Okay lang ba sa iyo?"
Ngumiti si Sabel at sinikap niyang hindi ipinahalata kay Rafael na hindi iyon tunay. Gaya nito, nagkaroon din siya ng takot sa pagmamaneho simula noong maaksidente sila ng kaniyang mag-ama lalo na noong makaaksidente siya. Nangako siya na hindi na siya magmamaneho ngunit dahil hindi niya gustong mahirapan si Rafael, babaliin niya ang pangako niya.
"Hindi ko alam na marunong ka palang magmaneho, Sabel."
Tanging pagngiti ang itinugon ni Sabel kay Rafael. Kahit gusto niya itong sulyapan ay hindi niya ginawa dahil nais niyang ituon ang atensyon sa pagmamaneho.
Malakas ang kabog sa dibdib ni Sabel at labis din ang takot na nararamdaman niya ngunit hindi niya ipinahalata kay Rafael. Hindi niya alam kung nahahalata siya nito ngunit hiling niya na sana ay hindi dahil nakasisiguro siyang magtatanong ito.
"Akala siguro nila kung saan tayo pupunta. Hindi nila alam, doon tayo pupunta sa lugar kung saan kita niligawan, Sabel."
Ngumiti si Sabel at hindi niya sinulyapan si Rafael. Nanatili siyang kabado dahil sa takot na muling makaaksidente. Sa kabila niyon ay sinikap pa rin niyang magmaneho nang ligtas.
"Sabel, salamat nga pala dahil pumayag ka na maging girlfriend ko at salamat dahil minahal mo rin ako."
"Hindi ka mahirap mahalin, Rafael. Ako nga dapat itong magpasalamat sa iyo," tugon ni Sabel nang hindi sumusulyap kay Rafael.
"Hanggang ngayon nga, natatawa na lang ako kapag iniisip ko na nagkakilala tayo dahil tinangka nating magpakamatay."
"Ako rin naman, Rafael. Paano kaya kung hindi tayo nagkakilala roon, ano kayang ginagawa natin ngayon?"
"Baka matagal na akong patay, Sabel."
Sa wakas ay sinulyapan din ni Sabel si Rafael ngunit sandali lang iyon. Kahit sandali ay nakita niya ang saya sa mukha nito na ipinagtaka niya.
"Kaya salamat dahil dumating ka sa buhay ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung mawawala ka sa akin, Sabel."
Bumuntong-hininga si Sabel at ngumiti siya. "Hindi ko rin alam ang gagawin ko kung mawawala ka sa akin, Rafa----" Huli na upang iiwas ni Sabel ang sasakyan dahil nabunggo na sila ng humaharurot na sasakyan.
Naramdaman ni Sabel ang pagtama ng kaniyang noo sa manibela. Matapos ang ilang sandali ay sinulyapan niya si Rafael. Nakapikit ang mga mata nito at may dugo ring umaagos sa mukha nito.
Pilit na inabot ni Sabel si Rafael ngunit hindi niya nagawa dahil nanghihina siya. Muling bumalik sa kaniyang isipan ang nangyaring aksidente dahilan upang mapaiyak siya. Sa kabila nangyari ay hindi nag-alala si Sabel sa kaniyang sarili dahil inaalala niya si Rafael.
Nakaramdam ng matinding takot si Sabel dahil sa siwasyon ni Rafael. Hindi niya alam kung nawalan lang ito ng malay dahil sa nangyari. Tumindi ang pag-iyak niya dahil sa takot na maging si Rafael ay mawala sa kaniya. Matapos ang ilang sandali ay nawalan na ng malay si Sabel.
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomansaLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...