Kabanata 20

93 5 0
                                    

NAPABALIKWAS si Sabel mula sa pagkakahiga. Habol-hininga ang ginawa niya habang tagaktak ang pawis niya. Bahagyang nanikip ang dibdib niya dahil sa bilis ng kabog doon dahil napanaginipan na naman niya ang nangyaring aksidente at ang mag-ina.

Batid ni Sabel na iyon ay ang mag-inang namatay nang dahil sa kaniya. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit tila hindi galit ang mga ito sa kaniya na dapat sana ay maghiganti ang mga ito sa kaniyang panaginip. Nakangiti ang mga ito sa kaniya at gustuhin man niyang makita ang mukha ng mga ito ngunit hindi niya makita.

Ibinaling ni Sabel ang tingin sa bintana at napagtanto niyang umaga na. Naibaling niya ang tingin sa pintuan matapos marinig ang pagkatok sa pinto at ilang sandali lang ay bumukas iyon. Iniluwa niyon ang kaniyang ina.

"Ikaw ba ang sumigaw, Sabel?"

Hindi tumugon si Sabel ngunit alam niyang siya iyon. Nanatili siyang nakaupo habang nakayuko. Pinili na lang niyang manahimik dahil magulo ang isip niya.

"Ilang araw ka nang nagkakaganiyan, Anak. May problema ka ba?"

Sinulyapan ni Sabel ang kaniyang ina na hindi niya namalayang nakaupo na sa higaan niya. Pagtango ang itinugon niya at kasunod niyon ay ang pag-iyak niya dahil gustong-gusto na niyang sabihin ang kasalanang nagawa niya. Habang lumilipas ang mga araw ay nahihirapan na siya lalo pa at palagi niyang napapanaginipan ang aksidenteng nangyari dahil sa kaniya. Pakiwari niya ay maaring panahon upang sumuko na siya.

"Anak?"

"Sorry po." Napahagulhol ng iyak si Sabel. Naramdaman niya ang paghaplos ng palad ng kaniyang ina sa likod niya.

"Kung may problema ka man, sabihin mo sa akin. Mas mahihirapan ka kung sosolohin mo ang problema mo."

Pinagmasdan ni Sabel ang kaniyang ina habang pinag-iisipan kung ipagtatapat na ba niya ang kasalanan niya. Matagal na rin niyang pinagplanuhang umamin ngunit naduduwag siya pero sa pagkakataong iyon ay tila gusto na niyang umamin. Nahihirapan na rin siya kaya kailangan na niya ng karamay. Nakasisiguro naman siyang magiging kakampi niya ang kaniyang ina.

"Sige na, Anak. Sabihin mo na sa akin."

"Mama..." Mas bumilis ang kabog sa kaniyang dibdib at tumindi ang pagpapawis niya. Kahit nakaupo, pakiramdam niya ay matutumba siya dahil sa tindi ng kaba sa pagtatapat niya. "N-Nakapatay p-po a-ako ng t-tao."

Hindi nakapagsalita ang ina ni Sabel. Bakas sa mukha nito ang pagkabigla. Ilang sandali pa ay napaiyak na lang ito.

"S-Sorry po k-kung ngayon ko lang n-nasabi."

"P-Pero p-paano, Anak? A-Ano ba a-ang nangyari?"

Isinalaysay ni Sabel sa kaniyang ina ang nangyari. Akala niya ay habambuhay niyang itatago ang nagawang kasalanan ngunit hindi pala niya kaya. Sa kabila niyon ay tila nabunutan siya ng titik matapos niyang maisalaysay sa kaniyang ina ang nangyari. Batid niyang labis itong nagulantang at hindi ito makapaniwala na magagawa niya iyon.

Muling napahagulhol ng iyak si Sabel matapos siyang yakapin ng kaniyang ina. Naramdaman niya rito na handa siya nitong damayan sa kinahaharap niya.

"Hanggang kailan mo itatago, Anak?"

"Kapag naibigay ko na po ang hustisya kina Mad at Junjun, ipinapangako ko po na susuko na ako."

Kumalas ang ina ni Sabel sa pagkakayakap nito. "Paano si Rafael, Anak? Wala ka bang balak na sabihin ito sa kaniya? Mahigit isang buwan na rin kayong magkasintahan."

"Parang hindi ko po yata kaya, Ma." Yumakap si Sabel sa kaniyang ina upang makakuha ng lakas ng loob.

"Alam kong mali na kunsintihin kita pero dahil gusto kong makuha nina Junjun at Mad ang hustisya, ililihim natin ang nagawa mo. Kailangan ka nila dahil ang mga magulang ni Mad, lumipat na ng bahay. Talagang ipinaubaya na lang nila sa mga pulis ang paghahanap ng hustisya."

KANINA pa nakatanaw si Rafael sa bintana. Paminsan-minsan din niyang pinagmamasdan ang maliwanag na kalangitan. Ganoon ang madalas niyang gawin sa tuwing magulo ang isip niya.

Simula nang makita ni Rafael ang itsura ng asawa ni Sabel ay araw-araw na niyang napapanaginipan ang lalaking pilit na nagmakaawa sa kaniya na iligtas ang mag-ina nito. Kahit gising ay tila naririnig pa rin niya ang pagsabog ng sasakyan na lulan ng isang pamilyang namatay nang dahil sa kaniya.

Muling tinanong ni Rafael si Sabel kung sa sakit ba namatay ang asawa nito at iyon pa rin ang sagot nito sa kaniya. Napapaisip tuloy siya kung bakit magkamukha ang lalaking namatay sa aksidente at ang dating asawa ng kaniyang nobya. Sa tuwing napapatanong siya patungkol doon ay iniisip na lang niya na tila nakikita niya sa asawa ni Sabel ang pagkatao ng lalaking namatay nang dahil sa kaniya.

"Anak, may problema ka ba?"

"Ma, masama ba akong tao?" tanong ni Rafael habang ang tingin ay nakatuon sa kawalan.

"Kahit na minsan, hindi maganda ang ugali namin ng papa mo, pinalaki ka naman namin na mabuting tao, Anak."

Malalim na napabuntong-hininga si Rafael at pinigilan niya ang pagbagsak ng luha sa kaniyang mga mata. "Paano po kaya kapag nakagawa ako ng malaking kasalanan, mamahalin pa kaya ako ni Sabel?"

"Mabuting tao si Sabel at isa pa, nakita ko na totoo ang pagmamahal niya sa iyo. Kapag mahal mo ang isang tao, kahit gaano pa kalaki ang nagawa niyang kasalanan, matatanggap mo pa rin siya. Ganoon kahiwaga ang pag-ibig, Anak."

Humarap si Rafael sa kaniyang ina at sandali niya itong tinitigan. "Ayokong mawala sa akin si Sabel, Ma."

"Hindi siya mawawala sa iyo, Anak. Nandito kami para pagtibayin ang relasyon ninyong dalawa. Pasensya ka na kung hinusgahan ko ang pagkatao noon ni Sabel."

Napangiti si Rafael dahil nabago ang tingin ng kaniyang ina sa pagkatao ni Sabel. Masaya siya sa relasyon nila ng kaniyang nobya ngunit pakiramdam niya ay hindi pa niya masasabing napakasaya niya lalo pa at may inililihim siya rito na hindi niya alam kung kailan niya ipagtatapat.

Binalak na rin ni Rafael na magtapat sa kaniyang mga pamilya lalo na kay Sabel ngunit sa tuwing iisipin na maaring magbago ang tingin ng mga ito ay naduduwag siya. Natatakot siyang mahusgahan lalo na na mawala sa piling niya si Sabel.

"Bakit mo nga pala naitanong iyon, Anak? May dapat ba akong malaman?"

Niyakap ni Rafael ang kaniyang ina. "Wala po, Ma. Okay na rin na ganito basta ang mahalaga, kasama ko lahat ng mga taong mahal ko. Kung dumating man ang araw na iyon, sana mapatawad ninyo ako dahil hindi ko naman ginustong mangyari iyon."

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon