Kabanata 17

101 4 0
                                    

PAGPASOK pa lang ni Sabel ay bumungad na sa kaniya ang inang nakaupo sa sofa. Lumapit siya upang tabihan ito at para pawiin na rin ang pagod na nararamdaman buhat sa pagbiyahe sabayan pa ng mainit na panahon dahil tirik na tirik ang araw.

"Nagpunta rito si Rafael, Anak. Saan ka ba galing?"

"Galing po ako sa bahay namin ni Mad."

"Anak?"

Agad na naibaling ni Sabel ang tingin sa kaniyang ina. Napabuntong-hininga na lang siya dahil hindi niya alam kung ano ang itutugon dito lalo pa at alam na niya ang ibig nitong iparating.

"Anak, hindi ba ang sabi ko naman sa iyo, ibenta mo na lang iyon at dito ka na tumira. Kapag nabenta mo na, ibigay mo ang kalahati sa mga magulang ni Mad para wala nang gulo. Sa ginagawa mo, hindi maghihilom sa sugat sa puso mo."

Agad na pinahid ni Sabel ang luhang kusang kumawala. "Mahalaga po sa akin ang bahay na iyon. Sa tuwing pupunta ako roon, palagi kong iniisip na sasalubungin ako ng mag-ama ko."

"Anak..."

"Kapag nandoon po ako, pakiramdam ko, kasama ko sina Mad at Junjun." Napapikit na lang si Sabel nang maramdaman ang paghaplos ng palad ng ina sa kaniyang likod. Ilang sandali pa ay tuluyan na siyang napahagulhol dahil sa lungkot. Pakiramdam niya ay naging sariwang muli ang sugat sa kaniyang puso dahil sa pagkamatay ng mag-ama niya.

"Iyan na ang sinasabi ko. Lagi kang magiging ganito kung mabubuhay ka sa alaala ng mag-ama mo. Kailangan mong tanggapin na wala na sila, Sabel, at kapag natanggap mo iyon, hindi ka na mabubuhay sa lungkot."

Walang naging tugon si Sabel bagkus nagpatuloy siya sa pag-iyak. Tama ang kaniyang ina, hindi pa rin niya matanggap na wala na ang kaniyang mag-ama. Hindi pa rin niya matanggap na mabilis itong binawi sa kaniya at ang masakit, sabay itong kinuha.

"Si Rafael, Anak, alam kong siya ang magpapahilom ng sugat sa puso mo."

Bahagyang tumahan si Sabel mula sa pag-iyak at matapos ang ilang sandali ay muli niyang ibinaling ang tingin sa kaniyang ina. Tinitigan lang niya ito dahil walang katagang nais lumabas sa kaniyang bibig.

"Huwag kang mag-alala, hindi ako tututol sa relasyon ninyong dalawa. Sinabi mo sa akin na namatay rin ang mag-ina ni Rafael, hindi kaya pinagtagpo kayo para magamot ninyo ang sugat sa mga puso ninyo at para muli kayong magmahal?"

Tumayo si Sabel upang tumanaw sa bintana. Tahimik lang siya habang iniisip ang tunay niyang nararamdaman para kay Rafael.

"Nanay mo ako, Sabel, kaya alam kong may nararamdaman ka rin para kay Rafael."

Napapikit si Sabel at nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. "Tama po kayo, parang mahal ko na nga yata si Rafael, Mama." Humarap si Sabel sa kaniyang ina. "Pero ayoko po siyang saktan."

"Mas masasaktan siya kung iiwasan mo siya, Anak."

Muling napabuntong-hininga si Sabel dahil hindi alam ng kaniyang ina ang nais niyang iparating. Nais niyang makuha ang hustisya para sa kaniyang mag-ama at batid niyang si Rafael ang makatutulong sa kaniya ngunit hindi niya kayang saktan ito dahil sa kaniyang binabalak.

"Kung makakausap lang natin si Mad, alam kong ito rin ang hihilingin niya sa iyo, ang magmahal kang muli."

Sandaling tinitigan ni Sabel ang kaniyang ina. "Mama, kung sakali man pong magtanong ulit si Rafael kung ano ang ikinamatay nina Mad at Junjun, gusto ko pong sabihin ninyo na namatay sila dahil sa cancer."

"Bakit naman, Anak?"

"Ayoko pong mag-isip si Rafael na ginagamit ko siya para mahanap ang nakapatay kina Mad at Junjun lalo pa at patuloy kong hinahanap ang hustisya para sa kanila."

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon