BUMILIS ang kabog sa dibdib ni Rafael nang hindi niya namalayang nasa tabi na nila ni Sabel si Ceska. Hindi niya ito pinansin bagkus binuksan niya ang pinto ng sasakyan para papasukin na sa loob si Sabel. Nababahala siya na sabihin ni Ceska ang nalaman nito lalo pa at iyon muli ang pagkikita nila nito matapos nitong sabihin sa kaniya ang nalaman.
Pinagbantahan si Rafael ni Ceska na sasabihin nito kay Sabel na siya ang nakapatay sa mag-ama nito kung hindi siya makikipagbalikan sa dati niyang nobya. Sa kabila ng pananakot nito ay hindi siya nagpatinag doon. Hinintay na lang niya na sabihin nito ang nalaman dahil hindi niya kayang hiwalayan si Sabel.
Dalawang araw ang lumipas nang malaman ni Ceska ang lihim ni Rafael ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Sabel ang tungkol doon. Hindi alam ni Rafael kung ano ang pinaplano ng dati niyang nobya ngunit kahit ano pa man iyon ay hinding-hindi niya ito babalikan.
"Pumasok ka na sa loob, Sabel. May pag-uusapan lang kami ni Ceska."
Isinara ni Ceska ang pinto ng sasakyan at nakangisi nitong tiningnan si Rafael. "Ayaw mo bang marinig niya ang pag-uusapan natin o baka naman natatakot?"
Kung hindi lang babae si Ceska ay nasuntok na ito ni Rafael. Pinipigilan niya ang galit na nararamdaman kahit pa nakakasobra na ito. Pakiramdam niya ay isa siyang bulkan na malapit nang sumabog.
Muling binuksan ni Rafael ang pinto. "Sige na, Sabel. Pumasok ka na sa loob."
"Mamaya na, Sabel. May sasabihin pa kasi ako sa iyo pero parang ayaw yata ni Rafael na mag-usap tayo."
"Ano ba ang sasabihin mo sa akin, Ceska? Naghihintay na kasi si Kuya Ran sa loob."
Inilagay ni Ceska ang kamay nito sa balikat ni Rafael at nakangiti nitong tiningnan si Sabel. "Paano kaya kapag nalaman mong may itinatago si Rafael sa iyo?"
Inalis ni Rafael ang kamay ni Ceska sa kaniyang balikat. "Tara na, Sabel."
"Sandali lang, Rafael, hindi ko pa nasasabi kay Sabel ang gusto kong sabihin." Lumapit si Ceska kay Sabel at hinawakan ang kamay nito. Ngumiti ito at tinitigan ang nobya ni Rafael.
Nakatingin lang si Rafael kina Sabel at Ceska. Gusto niyang pigilan ang dati niyang nobya ngunit tila hindi na niya magagawa iyon. Inihanda na lang niya ang sarili sa posibilidad na mangyari.
"Excited na ako sa kasal ninyo ni Rafael, Sabel." Idinikit ni Ceska ang pisngi nito sa pisngi ni Sabel. Ilang sandali pa ay ibinaling nito ang tingin kay Rafael. "Iyon lang naman ang gusto kong sabihin kay Sabel, Rafael. Ikaw naman, masyado kang kinabahan. Hinay-hinay lang sa pag-inom ng kape."
Pinapasok na ni Rafael si Sabel sa loob ng sasakyan. Matapos nitong makapasok ay pumasok na rin siya. Agad niyang inutusan ang driver na paandarin na ang sasakyan dahil nais na niyang makaalis para na rin makaiwas kay Ceska.
"Nagsabi sa akin si Mama, Rafael, na roon na lang daw tayo kumain ng tanghalian sa kanila."
Sinulyapan ni Rafael si Sabel at nakangiti siyang tumango rito. Hindi niya alam kung nahalata nito ang ilang sandali niyang pananahimik. Gumugulo pa rin sa kaniyang isip ang nangyari dahil ang buong akala niya ay sasabihin na ni Ceska kay Sabel ang nalaman nito.
Hindi alam ni Rafael kung ano ang gagawin niya kung sakaling malaman ni Sabel na siya ang nakapatay sa mag-ama nito. Batid niyang kasusuklaman siya nito at ang pagmamahal nito sa kaniya ay mapapalitan ng matinding galit.
Nagpapasalamat si Rafael dahil hindi pa rin nalalaman ni Sabel ang lihim niya. Hindi niya alam kung dapat niyang pasalamatan si Ceska dahil hindi pa rin nito sinabi ang nalaman. Ang tungkol naman sa kuwintas, mabuti na lang ay napaniwala niya si Sabel na ibibigay sana niya iyon dito at aksidente lamang na nagkapareho ang kuwintas na galing kay Mad at sa kaniya.
Alam ni Rafael na hindi habambuhay na maitatago niya ang kasalanan kaya naman pinaghahandaan na niya ang araw na lalabas din ang totoo. Sa ngayon, nag-iipon pa siya ng lakas para amin kay Sabel ang totoo.
"Kanina nga pala, alam kong may gustong sabihin sa akin si Ceska, Rafael."
"Kung ano man ang sabihin niya sa iyo patungkol sa akin, huwag na huwag kang maniniwala. Gusto niyang masira ang relasyon natin."
"SABEL, ano sa tingin mo, maganda ba ang bulaklak na ito?"
"Oo," nakangiting tugon ni Sabel. Agad ding napawi ang ngiti sa labi niya matapos makita na nawala ang emosyon sa mukha ni Rafael. Hindi na siya nagtaka dahil tumugon siya sa tanong nito kahit hindi pa niya nakikita ang bulaklak.
Nakaupo si Sabel hindi kalayuan kay Rafael habang pumipili ito ng mga bulaklak na gagamitin sa kasal nilang dalawa. Hinayaan na lang niya itong pumili dahil may gumugulo pa rin sa isip niya. Hindi niya alam kung tama ba ang desisyon niyang ituloy ang kasal. Maging siya ay nalilito na rin sa sarili niya.
"Kailan na ba ang kasal ninyong dalawa, Sir?"
"Tatlong linggo na lang."
"Malapit na pala. Hayaan po ninyo, kukuha kami ng supply ng bulaklak na mapipili ninyo."
Naibaling na lang ni Sabel ang tingin sa labas. Habang papalapit nang papalapit ang kasal ay mas lalo siyang naguguluhan. Mahal niya si Rafael kaya nais niya itong pakasalan ngunit may malaki siyang kasalanan sa kaniyang nobyo na hindi nito alam.
Gustuhin man ni Sabel na inurong na lang ang kasal ngunit nahihiya siyang hadlangan ang gusto ng ina ni Rafael lalo pa at ito ang nagtakda ng kanilang kasal. Kaya habang hindi pa dumarating ang araw ng kasal ay hindi niya sinasayang ang panahon para makapag-isip.
"Okay ka lang ba, Sabel? Bakit kanina ka pa tahimik?"
Tiningnan ni Sabel si Rafael na hindi niya namalayang nasa harapan na pala niya. Pinilit niyang ngumiti. "Ayos lang ako."
Umupo si Rafael at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Nag-aalangan ka pa rin bang pakasalan ako?"
Tinitigan ni Sabel si Rafael. Gusto niyang umiyak sa harapan nito dahil nahihirapan na siya ngunit pinigilan niya ang sarili. Wala siyang ibang ginawa kundi pagmasdan lang ito sa pagbabaka-sakaling mabasa nito ang nasa isip niya.
"Gusto kong maramdaman ang pakiramdam na asawa ko na ang babaeng mahal na mahal ko bago man ako malayo sa iyo, Sabel."
Kumunot ang noo ni Sabel. "B-Bakit, saan ka pupunta?"
Ngumiti si Rafael bago nito yakapin si Sabel. "Basta lagi mong tandaan, pinakasalan kita dahil mahal na mahal kita. Salamat dahil dumating ka sa buhay ko kahit na pinaglaruan tayo ng tadhana."

BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomanceLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...