Kabanata 25

83 5 1
                                    

"ATE Lara?" Tinitigan ni Rafael ang may edad na babae na abala sa paglilinis ng kalat sa mesa. Tiniyak niya kung iyon nga ba ang tinutukoy niya at matapos ang ilang sandali ay nakasiguro siyang iyon nga ang dati nilang kasambahay.

Nilapitan ni Rafael ang dating kasambahay. Agad naman siyang nakilala nito nang makita siya. Masaya siya na makita itong muli para naman makahingi siya ng tawad dahil sa nagawa ng kaniyang ina.

"Rafael, matagal-tagal din tayong hindi nagkita."

"Oo nga po. Dito po ba kayo nagtatrabaho?"

"Ilang buwan na rin. Maupo ka muna, Hijo."

Umupo si Rafael sa tabi ng matanda. Tahimik siya dahil hindi niya alam kung paano niya sasabihin na wala na ang kaniyang mag-ina. Hindi niya alam kung nabalitaan ba nito ang nangyari.

"Rafael, nabalitaan ko ang nangyari kina Ma'am Jade at Cassey. Nalulungkot ako sa nangyari."

"Biglaan nga po ang nangyari."

"Nang mabalitaan ko ang nangyari, gusto ko sanang pumunta sa burol at makipaglibing kaya lang wala akong pamasahe."

Ibinaling ni Rafael ang tingin sa matanda at bahagya siyang ngumiti. "Okay lang po."

"Sino nga pala ang kasama mo rito? Napakalayo ng resort na ito sa lugar ninyo."

Napangiti si Rafael dahil batid niyang kapag nalaman ng dating kasambahay na ikakasal na siya ay matutuwa ito. "Ang totoo po niyan, kasama ko po ang mapapangasawa ko. Kahapon pa po kami nandito."

"Ikakasal ka na?" hindi makapaniwalang tanong ng matandang si Lara ngunit bakas sa mukha nito ang saya.

"Opo," tipid na tugon ni Rafael dahil kasiyahan ang bumabalot sa kaniya.

Ngumiti ang matanda. "Masaya akong marinig iyan, Rafael. Mabuti na ring pinili mong magmahal ulit dahil siguradong iyon din ang gusto ni Ma'am Jade."

"Siya nga po pala, ako na po ang humihingi ng sorry sa nagawa ni Mama. Nadala lang iyon ng galit kaya nakapagsalita ng ganoon."

Bumuntong-hininga ang matanda at ngumiti. "Wala na iyon sa akin dahil may trabaho naman na ako."

"Kung gusto po ninyong bumalik sa bahay, welcome na welcome po kayo."

"Hindi na, Hijo. Sapat na ang maraming taon na nagsilbi ako sa pamilya ninyo."

Hindi na nagsalita si Rafael dahil batid niyang hindi na niya ito mapipilit na magtrabaho sa kanila. Kung siya nga lang ang masusunod ay pababalikin niya ito sa trabaho lalo pa at tila mahirap ang trabaho nito sa resort.

"Malapit na pong maggabi, hindi pa po ba kayo magpapahinga?"

"Hindi pa, Hijo." Natahimik ang matanda at naibaling nito ang tingin sa kawalan. Ilang sandali pa ay muli nitong ibinaling ang tingin kay Rafael. "Siya nga pala, Hijo, may gusto akong ibigay sa iyo. Noon ko pa sana ibibigay iyon dahil alam kong sa iyo iyon."

Ilang sandaling napatitig si Rafael sa matanda dahil napaisip siya sa sinabi nito. "Ano po iyon, Ate Lara?"

"Kuwintas iyon, Hijo. Nakita ko iyon sa bulsa ng pantalon mo na itinapon mo sa basurahan. Hindi ko na matandaan kung kailan iyon pero tandang-tanda ko pa na parang may dugo sa pantalon. May kasama pa nga iyong damit."

Napalunok si Rafael matapos niyang maalala ang tinutukoy ng matanda. Kung hindi siya nagkakamali, ang pantalon at damit na tinutukoy nito ay ang suot niya nang mangyari ang aksidente. Itinapon niya iyon ngunit hindi niya alam na may makakakita niyon. Ang ipinagtataka lang niya ay kung ano ang kuwintas na tinutukoy ng matanda.

"Ayoko sanang magtanong pero matagal ko nang iniisip kung sino ang babae sa kuwintas, Hijo?"

Napakunot-noo si Rafael sa sinabi ng matanda. "N-Nasa inyo pa po ba ang kuwintas?"

"Palagi kong dala-dala ang kuwintas na iyon dahil umaasa akong magkikita ulit tayo, Hijo. Sandali, kukunin ko lang. Hintayin mo ako rito para makita mo kung sinong babae sa kuwintas ang tinutukoy ko."

"NASAAN na kaya ang Papa Rafael mo?" Napabuntong-hininga na lang si Sabel at ipinagpatuloy niya ang paghaplos sa buhok ng natutulog na si Daisy.

Gabi na kaya nagtataka si Sabel kung bakit wala pa si Rafael. Hindi naman nito dala ang telepono kaya hindi niya malaman kung nasaan ito. Ilang oras na rin itong wala. Gusto man niya itong hanapin ngunit nag-aalala siyang iwan ang bata.

Napatingin si Sabel sa mesitang nasa tabi ng higaan nang marinig ang pagtunog ng kaniyang telepono. Kinuha niya iyon habang nakaupo sa higaan at sinagot ang tawag mula sa taong nag-iimbistiga sa paghahanap sa taong nakapatay sa kaniyang mag-ama.

"Ma'am Sabel, pasensya na kung ilang buwan ko nang tinatrabaho ang inutos ninyo sa akin pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin malaman kung sino ang nakapatay sa kanila. Ginagawa ko naman ang lahat kaya lang, nahihirapan ako."

"Makapaghihintay naman ako, Chad. Huwag ka lang sumuko sa pag-iimbistiga dahil naniniwala ako na mahahanap mo rin ang taong iyon."

"Gagawin ko ang lahat."

"Salamat." Ibinaba na ni Sabel ang tawag at muli niyang ipinatong sa ibabaw ng mesita ang telepono. Malalim siyang napabuntong-hininga dahil sa nararamdamang pagkabigo.

Akala ni Sabel ay mapapadali ang paghahanap niya ng hustisya ngunit nagkamali siya. Hindi niya alam kung bakit mailap ang hustisya. Hindi tuloy niya alam kung nasaan na ba ang taong nakapatay sa kaniyang mag-ama o kung napakalayo ba nito sa kaniyang kinaroroonan. Kahit na nahihirapan siyang mahanap ang hustisya ay hindi siya titigil dahil ipinangako niya sa kaniyang mag-ama na ibibigay niya ang hustisya para sa mga ito.

"Rafael, saan ka galing?" bungad ni Sabel nang iluwa si Rafael ng pinto. Hindi ito tumugon sa kaniya bagkus ay dinaanan lang siya nito na parang hangin at humiga nang nakatalikod sa kaniya.

Nagtaka si Sabel sa ikinilos ni Rafael. Tila pakiramdam niya ay may hindi ito sinasabi sa kaniya. Ngayon lang niya nakitang ganoon ito dahilan upang manibago siya.

"Rafael?" Idinampi ni Sabel ang kaniyang palad sa braso ni Rafael. Pinakiramdaman niya kung may sakit ito ngunit wala naman. "May problema ka ba? Sabihin mo sa akin dahil baka matulungan kita."

Wala pa ring nakuhang sagot si Sabel mula kay Rafael. Napabuntong-hininga na lang siya habang binabalot ng labis na pagtataka. Humiga na lang si Sabel nang nakaharap sa takalikod na si Rafael.

Sandali ring natahimik si Sabel bago siya magsalita. "Tumawag nga pala kanina ang mama mo. Umuwi na raw tayo bukas kasi may party siyang inihanda para sa atin."

"Sabel, may inililihim ka ba sa akin?"

Natigilan si Sabel matapos marinig ang sinabi ni Rafael. Dinig niya ang kabog sa kaniyang dibdib dahil labis siyang nag-aalala kung alam na ba nito ang kasalanang nagawa niya.

"Rafael..." Napakagat si Sabel sa kaniyang labi nang marinig niya ang pag-iyak ni Rafael. Labis na siyang naguguluhan sa nangyayari.

Umupo si Rafael at mahigpit nitong niyakap si Sabel habang umiiyak. "I'm sorry, Sabel. Hindi ko sinasadya."

"Rafael..." Mas binalot ng pagtataka si Sabel dahil sa paghingi ng tawad ni Rafael.

"I'm sorry, Sabel."

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon