"AKALA ko, hindi ka sisipot."
Ilang sandaling pinagmasdan ni Sabel ang nakataray na si Ceska bago siya maupo sa upuan. Kaharap niya ito kaya kahit hindi na siya nakatingin dito ay kita pa rin niya na nanatiling nakatingin ito sa kaniya.
"Late ka ng ten minutes. Pinagtitinginan na ako ng mga tao rito sa restaurant." Bahagyang umayos ng upo si Ceska at hinawi nito ang buhok. "Kung hindi lang ako sosyal na tao, sa kalye lang ako makikipagkita sa iyo dahil hindi ka naman importanteng tao."
Agad na napatingin si Sabel kay Ceska matapos nitong sabihin ang masakit na salita. Kahit nasaktan siya ay pinili na lang niyang manahimik dahil hindi niya gustong magpang-abot sila nito at wala rin siyang planong patulan ito.
Humugot ng malalim na hininga si Sabel. "Alam mo naman kasing kapag tanghali, traffic talaga."
"Hindi ko alam. Three years akong wala rito sa Pilipinas kaya huwag mong sabihin na alam ko."
Hindi na nagsalita si Sabel. Sa katunayan ay naiinis siya sa katarayan ni Ceska. Tunay nga ang sinabi sa kaniya ni Rafael na masama ang ugali nito at hindi na rin siya magtataka dahil halata naman talaga sa itsura nito. Hindi na rin siya magtataka kung bakit nakipaghiwalay si Rafael kay Ceska matapos ang isang taong relasyon ng mga ito. Hindi nga niya maisip kung paano natiis ni Rafael ang ugali nito ng isang taon.
"B-Bakit mo nga pala ako pinapunta rito?" Pinilit ni Sabel na titigan si Ceska sa mga mata kahit na nanatili pa rin itong nakataray. Hindi niya mawari kung bakit mainit agad ang dugo nito sa kaniya gayon ay unang beses pa lang niya itong nakita at nakilala.
"Sino ka ba sa buhay ni Rafael?"
Hindi agad nakapagsalita si Sabel. Nakatingin lang siya kay Ceska habang maarte nitong kinakain ang pagkain sa harapan nito. Hindi na niya pinagkaabalahang alamin pa iyon dahil batid niyang iinggitin lang siya nito lalo pa at tubig lang ang nakahain sa harapan niya.
"Four years kong sinubukang maibalik ang relasyon naming dalawa ni Rafael kahit asawa na niya si Jade. Kaya lang, walang nangyari dahil mahal talaga niya si Jade." Maarteng ininom ni Ceska ang tubig at maarte rin nitong idinampi ang tissue sa bibig nito. "Pagkatapos ng four years na iyon, pumunta ako sa America."
Nakatitig lang si Sabel kay Ceska dahil hindi niya alam kung bakit sinabi nito sa kaniya ang lahat ng nangyari. Sa pagkakataong iyon, naging normal na ang posisyon ng kilay nito. Sa kabila niyon, wala siyang makita na tila kahit paano ay naging mabait ito dahil sa itsura nito, tila may galit pa rin ito para sa kaniya.
"Hindi ko alam na pagkatapos ng tatlong taong pag-stay ko sa America, may mababalitaan akong magandang nangyari."
Ipinagtaka ni Sabel ang kakaibang ngiti ni Ceska. Nais man niyang tanungin kung ano ang tinutukoy nitong magandang nangyari ngunit hindi na siya naglakas ng loob.
"Alam mo kung ano iyon, Sabel?" Mas lumapad ang ngiti sa labi ni Ceska habang nakatitig ito kay Sabel. "Na namatay si Jade at ang anak nila."
Napatayo si Sabel at sa pagtayo niya ay hindi niya sinasadyang maitulak ang upuan dahilan upang mapatingin sa kaniya ang mga tao sa loob ng restaurant. Hindi niya iyon inalintana bagkus ay tinitigan lang niya si Ceska. Hindi siya makapaniwala na ganoon ito kasama. Mas masama pa ito sa inakala niya.
"Mabuti nang namatay ang mag-ina ni Rafael. Nagpapasalamat nga ako sa taong nakapatay sa kanila."
"Paano mo nasasabi iyan? Hindi ka ba kinikilabutan habang sinasabi iyon?"
"At bakit naman, Sabel? Ako ba ang nakapatay sa kanila?"
"Napakasama mo."
Bahagyang tumawa si Ceska habang napapailing pa ito. "Sana lang talaga, maging masaya na si Jade ngayon."
"Psh." Iyon na lang ang lumabas sa mga bibig ni Sabel habang nakatitig siya sa nakangising si Ceska. Hindi na niya kayang harapin pa ito kaya lumakad na siya palayo ngunit nakakailang hakbang pa lang siya ay narinig niya ang pagtawag ni Ceska sa pangalan niya dahilan upang mapahinto siya.
"Layuan mo si Rafael, Sabel. Baka gusto mong ikaw naman ang paglamayan."
Humarap si Sabel kay Ceska at tinitigan niya ito sa mga mata. "Hindi ako natatakot sa pagbabanta mo. Lalayo lang ako kung si Rafael ang magsasabi sa akin. Huwag kang umastang asawa o girlfriend niya, Ceska."
Nakita ni Sabel ang pagngitngit sa galit ni Ceska. Iniwan niya itong nakatayo at batid niyang kumukulo na ito sa galit.
"SA ginawa mo, parang hindi mo minahal ang mag-ina mo!"
Napahilamos si Rafael gamit ang kaniyang mga palad dahil paulit-ulit na ipinamumukha sa kaniya ng ina na hindi niya mahal sina Jade at Cassey. Ilang minuto na rin silang nagtatalo ng kaniyang ina dahil hindi nito gusto ang pagiging malapit niya kay Sabel at sa pagkupkop niya sa batang si Daisy.
"Ano na lang ang sasabihin ng mga magulang ni Jade na ang bilis mong makahanap ng babae."
"Ma, ilang beses ko bang sasabihin sa inyo, wala kaming relasyon ni Sabel."
"Wala sa ngayon pero sa susunod, mayroon na. Iba ang kutob ko sa babaeng iyon, Rafael."
Napagkawala si Rafael ng malalim na hininga matapos sabihin ng kaniyang ina ang mga katagang binitiwan nito laban kay Sabel. "Ma, mabuting tao si Sabel."
"Paano ka nakasisiguro, Anak? Nabanggit mo nga sa akin na kailan lang kayo nagkakila tapos sasabihin mong mabait siya?"
Umupo si Rafael sa sofa. Napapikit na lang siya habang paulit-ulit na bumuntong-hininga. Hindi niya masisisi ang kaniyang ina kung naghihila ito sa katauhan ni Sabel ngunit batid niyang darating ang araw na mapapagtanto nito na mali ito.
"Hindi mo man lang ba inisip ang anak mo lalo na si Jade, Rafael? Siguradong nasasaktan ang asawa mo ngayon."
"Mali ka, Ma. Masaya si Jade."
"Rafael, kahit hindi natin nakikita si Jade, alam kong alam mo na masakit para sa kaniya ang ginawa mo."
Tumayo si Rafael at hinarap ang kaniyang ina. "Ano bang gusto ninyo, Ma? Gusto mo bang makita akong laging umiiyak? Gusto mo bang magkulong ako sa kwarto at magmukmok doon?"
"Ang sa akin lang, Rafael, igalang mo naman ang pagkamatay ng asawa at anak mo. Kamamatay lang nila."
"Ma, si Jade na rin mismo ang nagsabi sa akin sa panaginip ko na magmahal ako ulit. Matatahimik lang daw siya kapag binuksan ko ulit ang puso ko." Tinitigan ni Rafael ang kaniyang ina na walang kibo dahil sa sinabi niya. "Ito na nga yata ang gustong mangyari ni Jade, Ma."
"Huwag mong sabihing—"
"Opo, mahal ko na nga si Sabel."
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomantikLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...