Kabanata 30

97 4 0
                                        

"WHAT! Si Rafael ang nakapatay sa asawa at anak ni Sabel, Ceska?"

"Oo, Fam. Dinig na dinig ko si Rafael na umamin sa mama niya kahapon."

"Hindi ba sinabi mo, matagal nang hinahanap ni Sabel ang nakapatay sa mag-ama niya at ang sabi mo rin, ginamit niya ang pera ni Rafael para mahanap ang taong iyon?" Tumayo si Fam at lumapit ito kay Ceska. "Tingnan mo nga naman, walang kaalam-alam si Sabel na ang lalaking mahal niya ang pumatay sa mag-ama niya."

Tumayo si Ceska mula sa pagkakaupo sa sofa at nagpalakad-lakad siya dahil sa pagkabalisa. "Ayokong makulong si Rafael, Fam."

"Hay naku, Girl, kahit magpatakbo-takbo ka pa riyan, makukulong at makukulong talaga si Rafael. Dalawang tao kaya ang napatay niya." Muling umupo si Fam sa dating kinauupuan ni Ceska. "Kailan at paano kaya nalaman ni Rafael na siya ang nakapatay sa mag-ama ni Sabel?"

"Hindi na mahalaga iyon. Ang sa akin, ayokong makulong si Rafael."

"Okay na rin na makulong si Rafael, Ceska, para magkahiwalay sila ni Sabel."

"Idiot! Paano kung mabulok sa kulungan si Rafael?"

"Hindi naman siguro sinadya ni Rafael na patayin ang mag-ama ni Sabel."

"Kahit na, ayokong makulong si Rafael."

Pumalakpak si Fam. "And the Martyr Award goes to... Ceska! Hindi ka na nga mahal ng tao, ipagsisiksikan mo pa ang sarili mo sa kaniya? Ilang Martyr Award na ba ang natanggap mo? Mahigit one hundred o lampas pa?"

Huminto si Ceska sa paglakad at sinamaan niya ng tingin si Fam dahil ang aga-aga ay binubwisit siya nito. Kung hindi lang siya nagtitimpi, baka nakalbo na niya ito at ang masaklap pa, baka hinagis na niya ito palabas ng kaniyang condo unit.

"Alam mo, kaysa magpalakad-lakad ka riyan na madalas kong mapanood sa palabas, mag-isip ka kung ano ang gagawin mo."

Lumapit si Ceska kay Fam at umupo siya sa tabi nito. "Ano kaya ang puwede kong gawin?"

Sandaling napaisip si Fam. Ilang sandali pa ay nakangiti nitong tinitigan si Ceska. "Alam ko na, Ceska. Pero bago ko sabihin, magkano ba ang ibibigay mo sa akin?"

Tinaasan ni Ceska ng kilay si Fam. "Hindi magkano, ano! Bibigyan kita ng dede ko para naman magkaroon ka na nito at para hindi ka na gumamit ng ma-foam na bra."

"Okay, sayang, maganda pa naman ang naisip ko. Para ka talagang isang kontrabida sa palabas kapag ginawa mo iyon. Baka nga maging best kontrabida ka pa."

"Ano ba kasi ang naisip mo?"

HAWAK ni Rafael ang kamay ni Sabel habang kaharap nilang dalawa ang kaniyang ina. Napapansin niya ang katahimikan nito na ilang sandali nang namamayani rito simula pa nang magpunta sila sa bahay niya.

"Sorry sa mga nasabi ko sa iyo, Sabel. Sana maintindihan mo ako dahil nadala lang ako ng emosyon ko at isa pa, gusto kong mapabuti si Rafael."

Bahagyang pinisil ni Rafael ang kamay ni Sabel na hawak niya. Sinulyapan niya ito at gaya kanina ay tahimik pa rin ito habang bahagyang nakayuko. Napabuntong-hininga siya dahil sa pakiwari niya ay naiilang pa ito sa kaniyang ina.

"Pinapunta kita rito dahil gusto kong sabihin na hindi na ako tututol sa kasal ninyo ni Rafael. Kahit bukas na bukas din ganapin ang kasal ninyong dalawa, susuportahan ko kayo."

Sa wakas ay inangat din ni Sabel ang mukha nito. Agad naman nitong pinunasan ang luhang umagos sa pisngi nito. "Salamat po, Tita. Naiintindihan ko po kayo." Bumuntong-hininga si Sabel. "Gusto kong magpakasal kay Rafael dahil mahal ko po ang anak ninyo kaya lang, ibang-iba na ang sitwasyon."

"Sabel?" Nakatingin lang si Rafael kay Sabel habang ang tingin nito ay nakatuon sa kaniyang ina. Hindi niya alam kung ano ang ibig iparating ng kaniyang nobya sa sinabi nito.

"Huwag kang mag-alala, nakasuporta kaming lahat sa inyo ni Rafael, Sabel."

"Mama Sabel, may ibibigay po ako sa inyo." Lumapit ang batang si Daisy kay Sabel at sandaling ngumiti. 'Ito po, Mama."

Nanlaki ang mga mata ni Rafael matapos ibigay ng batang si Daisy kay Sabel ang pamilyar na kuwintas. Hindi niya alam kung paano iyon nakuha ng bata gayon ay tinapon na niya iyon sa basurahan.

"P-Paanong napunta ang kuwintas na ito sa iyo, Daisy? Sa pagkakaalam ko, kasama itong nasunog. Ibinigay ito sa akin ni Mad."

Tanging paglunok na lang ang nagawa ni Rafael habang nakatingin kay Sabel. Galing sa labas si Daisy bago ito pumunta sa kanilang kinaroroonan na sa pakiwari niya ay nakuha nito ang kuwintas sa labas. Kung alam lang niya na makikita pa iyon ni Sabel, matagal na sana niya iyong tinapon.

"M-May alam ka ba rito, Rafael?" tanong ni Sabel habang lumuluha itong nakatingin kay Rafael.

"S-Sabel---" Hindi natuloy ang sasabihin ni Rafael dahil biglang dumating si Ceska.

"Mukhang nakaistorbo yata ako. May mahalaga ba kayong pinag-uusapan?"

"Pinag-uusapan namin ang tungkol sa kasal, Hija. Gusto kong malaman mo na tuloy na ang kasal nina Rafael at Sabay.

Bahagyang tumango si Ceska. Matapos ang ilang sandaling pagtayo nito hindi kalayuan kina Rafael ay lumapit ito. "Akala ko ba tinututulan mo sila, Tita?"

"Hindi na ngayon, Hija."

"Hindi na ngayon o baka naman may malalim kang dahilan, Tita?"

Hindi nagsalita ang ina ni Rafael. Wala itong nagawa kundi titigan si Ceska.

"Parang dati lang, ako ang gusto mong maikasal kay Rafael, Tita. Ang bilis naman yatang magbago ng isip mo?"

"Ceska, puwede bang tigilan mo na kami ni Sabel. Masaya na kaming dalawa."

Bahagyang tumawa si Ceska at tinitigan nito si Rafael. "Masaya? Paano kaya kung magkuwento ako, matuloy pa kaya ang kasal?"

Hindi nagsalita si Rafael. Wala siyang ideya sa kung ano ang nais iparating ni Ceska.

Hinawakan ni Ceska ang kamay ni Rafael at nakataas ang kilay nitong sinulyapan si Sabel. "Hiramin ko lang sandali si Rafael. Huwag kang mag-alala, hindi ko siya aagawin. Mag-uusap lang kami."

Sumunod lang si Rafael kay Ceska. Dinala siya nito may kalayuan kina Sabel. Matapos nilang huminto ay siya na mismo ang nag-alis ng kaniyang kamay sa pagkakahawak nito.

"Huwag ka nang umarteng wala kang alam sa sinabi ko, Rafael."

Hindi nagsalita si Rafael. Tinitigan lang niya si Ceska habang patuloy na iniisip ang sinabi nito.

"Ikaw ang nakapatay sa asawa at anak ni Sabel, Rafael."

Nanlaki ang mga mata ni Rafael matapos marinig iyon kay Ceska. Hindi niya alam kung ano ang itutugon sa dating nobya. Hindi rin niya alam kung pagtatakpan pa niya ang sarili lalo pa at sa mukha nito, seryoso ito sa sinabi. Ang ipinagtataka lang niya ay kung paano at saan nito nalaman ang lihim niya.

"Paano kaya kung sabihin ko kay Sabel ang nalalaman ko, Rafael, pakasalan ka pa kaya niya kapag nalaman niyang ikaw ang dahilan kung bakit namatay ang asawa at anak niya?"

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon