"SINO po kayo?"
Ngumiti si Sabel sa batang babae. Ilang oras din nilang hinintay na magising ito. Nagpapasalamat siya dahil nakita niya na tila malakas na ang bata matapos ang operasyon nito.
Hinaplos ni Sabel ang buhok ng batang babae. Hinayaan niyang umagos ang luha sa kaniyang mga mata dahil naalala niya ang kaniyang anak. Tila pakiramdam niya ay basa na ang mask na nakatakip sa kaniyang ilong at bibig. Kung buhay lang ang anak niya ay inaasikaso sana niya ito ngunit maaga itong kinuha sa kaniya.
Ibinaling ni Sabel ang tingin kay Rafael na nasa gilid niya at nakatingin din ito sa nakahigang bata. Kahit nakatakip ng mask ang mukha nito, alam niyang nakangiti ito. Inalis niya ang mask sa kaniyang mukha at ngumiti siya rito. Batid niyang nahinuha nito ang ibig niyang iparating. Humakbang siya palayo sa bata.
Hinaplos ni Rafael ang buhok ng bata. "Kami muna ang tatayong magulang mo."
"Bakit po? Nasaan po ba si Papa?"
Ngumiti si Sabel nang sulyapan siya ni Rafael. Ang ngiti niya ay may kalakip na lungkot dahil naawa siya para sa bata. Batid niyang tunay na magulang ang kailangang mag-aruga rito ngunit sa mura nitong edad ay nawalay na ito sa mga magulang.
Pinawi ni Sabel ang ngiti sa kaniyang labi nang ibinalik ni Rafael ang tingin sa bata. Batid niyang maging ito ay labis na naawa sa bata. Napag-usapan na rin nila na sa bahay ni Rafael muna ito tutuloy at siya naman ay pupunta na lang sa bahay nito kapag hindi siya abala para naman bisitahin ang bata.
Kung kay Sabel nga lang, siya na lang ang mag-aalaga sa bata ngunit masyado pa siyang abala. Maaring hindi lang niya maasikaso ang bata lalo pa at kapos din siya sa pera. Mabuti nang si Rafael ang kumupkop sa bata dahil batid niyang maaalagaan ito nang mabuti.
Wala namang kaso kay Sabel kung sila ni Rafael ang kikilalanin munang mga magulang bata. Wala naman siyang nakikitang mali roon lalo pa at gagawin lang naman niya iyon para mapawi ang lungkot ng bata.
"Umalis ang papa mo pero huwag kang malungkot, babalik din naman siya. Kung okay lang sa iyo, kami muna ng Ate Sabel mo ang magiging mama mo."
Ngumiti ang bata at sinulyapan nito si Sabel. "Kayo po ba si Ate Sabel?"
"Ako nga." Ngumiti si Sabel ngunit agad din iyong napawi dahil sa nararamdamang lungkot. Napatakip siya sa kaniyang bibig para pigilan ang pag-iyak.
"Hindi na po Ate Sabel ang itatawag ko sa inyo, Mama Sabel na po." Lumapad ang ngiti ng bata na tila hindi ito inoperahan. Ibinaling ng bata ang tingin nito kay Rafael. "Kayo naman po, ano pong pangalan mo?"
"Rafael."
"Hello po, Papa Rafael. Ako po si Daisy. Masaya po ako na mayroon na akong mama ulit saka masaya po ako na dalawa na ang papa ko."
Hinaplos ni Rafael ang buhok ng bata. "Simula ngayon, kami muna ang papa at mama mo. Huwag ka nang malungkot."
"Saan po ba nagpunta si Papa? Kailan daw po ba siya babalik." Nawala ang ngiti sa labi ng bata at napalitan iyon ng lungkot.
"Hindi naman malayo, Daisy. Huwag ka nang malungkot. Nandito kami ng Mama Sabel mo. Aalagaan ka namin na parang tunay na anak."
"KUMAIN ka muna, Sabel." Inilapag ni Rafael ang binili niyang pagkain sa mesita. Matapos niyon ay umupo siya sa tabi nito. "Ang dilim na agad sa labas samantalang wala pa namang ala-sais."
"Malapit na sanang matapos iyong kuwentong kinuwento mo kay Daisy kaya lang, nakatulog na siya." Ngumiti si Sabel at sinulyapan nito ang bata. "Alam mo ba, Rafael, ang saya-saya ko kapag tinatawag niya akong mama. Parang naramdaman ko ulit ang maging isang ina."
Napabuntong-hininga si Rafael matapos niyang masaksihan ang pagbagsak ng luha sa mga mata ni Sabel. Nabanggit na nito sa kaniya na maging ito ay namatayan din ng asawa at anak na kapwa namatay ang dalawa sa magkaparehong sakit na cancer. Tila pinagtagpo talaga sila para damayan ang isa't isa lalo pa at alam nila ang pakiramdaman ng mawalan ng asawa at anak.
Ibinaling ni Rafael ang tingin sa mahimbing na natutulog na bata. Kusa siyang napangiti nang maaalala muli rito ang anak. "Ako rin naman, Sabel. Kapag tinatawag niya akong Papa, parang ang anak kong si Cassey ang tumatawag sa akin. Siya ang nag-aalis ng pangungulila natin sa anak natin."
"Rafael?"
Napasulyap si Rafael kay Sabel. Nakatingin ito sa kaniya na walang ipinakitang kahit anong emosyon. Hindi siya nagsalita bagkus ay tinitigan lang niya ito.
"Rafael, alam ko kung gaano mo kamahal ang asawa mo. Sorry kung parang pumapapel ako bilang asawa mo. Sana maunawaan ng asawa mo na kaya lang natin ito ginagawa dahil sa bata."
Ngumiti si Rafael. "Wala iyon, Sabel. Maiintindihan din ng asawa natin ang ginawa natin."
Isinandal ni Sabel ang ulo nito sa pader at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga bago pumikit. Sunod-sunod ang pagpapakawala nito ng malalim na hininga na tila may malalim itong iniisip.
"Sabel?" Ngumiti si Rafael nang dumilat si Sabel. "Sinabi mo sa akin na busy kang tao. Puwede ko bang malaman kung ano ang mga ginagawa mo para naman matulungan kita."
Ngumiti si Sabel. Inalis nito ang pagkakasandal sa pader. "Huwag na, Rafael. Ayoko nang makadagdag sa mga iniisip mo at isa pa, kaya ko namang gawin ang mga iyon."
"Sabel, pasensya ka na kung naabala pa kita. Imbis na ako lang ang mag-aalaga kay Daisy, maaabala pa tuloy kita."
Muling ngumiti si Sabel at hinawakan nito ang kamay ni Rafael. "Hindi ba nga ang sabi mo, si Daisy ang nag-aalis ng pangungulilang nararamdaman natin dahil sa pagkamatay ng anak natin? Bukal sa puso ko ang pansamantalang tumayong ina niya."
"Magkasama natin siyang palalakihin na mabuting tao, Sabel."
"PAKIRAMDAM ko, nasa America pa rin ako, Fam." Niyakap ni Ceska ang sarili matapos makaramdam ng lamig. Kalalabas pa lang niya ng NAIA kasama ang kaibigan at hinihintay nila ang kotseng susundo sa kanilang dalawa.
"Nasiyahan ka kasi sa America. Ang sabi mo sa akin, isang buwan ka lang doon. Iyong isang buwan mo, naging tatlong taon."
"Shut up! Hindi mo kailangang ipamukha iyon sa akin. Look at me, Fam." Itinuro ni Ceska ang sarili. "Nahiyang naman ako sa America. Mas lalo akong pumuti, kuminis at gumanda."
"Oo na, mas makinis at maganda ka na kaysa sa akin."
"Buti alam mo?"
"Alam ko naman kasi ang sunod mong sasabihin, keso ako, sampung taon na akong naninirahan sa America pero never pa akong puti." Inilagay ni Fam ang dalawa nitong kamay sa balakang at sumimangot ito. "Oo na, tanggap ko na na pinturang puti na lang ang makapagpapa-puti sa akin."
"Huwag ka nang maraming dada riyan. Nasaan na ba ang boyfriend mo? Alam mo naman na may tao akong gustong-gustong makita ulit. For sure, magugustuhan na rin niya ako at hindi na malabong maging asawa ko siya. Wala na kasi ang extra sa love story naming dalawa."
"Alam mo, ang gulo mo rin. Kaya ka nga nagpunta sa America para makapag-move on sa ex mo tapos may balak ka na namang maging linta?"
Binato ni Ceska nang masamang tingin ang kaibigan. "Sa tingin mo, basta ko na lang makalilimutan ang lalaking minahal ko nang sobra?" Bumuntong-hininga si Ceska at ibinaling nito sa kung saan ang tingin. "Sinubukan ko namang kalimutan siya pero hindi ko talaga kaya. Siguro nga kaya namatay ang asawa niya dahil kami talaga ang para sa isa't isa. Mabuti na rin na namatay ang anak nila para wala akong kaagaw sa atensyon niya."
"Hindi ka ba kinakilabutan sa sinasabi mo? Dapat nga maawa ka sa bata. Alam mo Ceska, para kang kontrabida sa palabas dahil sa sinabi mo."
"Noon iyon, pero ngayon, ako na ang bida at siya na ang leading man ko."
"Alam mo, karamihan sa mga napapanood ko, laging namamatay ang mga kontrabida. Dapat lang naman talaga sa kanila iyon dahil ang sasama ng ugali nila."
Muling binato ni Ceska ng masamang tingin ang kaibigan. "Kung ikaw kaya ang unahin ko?"
"Huwag nang mainit ang ulo. Iyan na ang kotseng ng boyfriend ko."
Napangiti si Ceska habang nakataas ang kaniyang mga kilay. "Ako na ngayon ang magiging asawa mo, Rafael."
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomanceLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...