NAPATINGIN si Sabel sa puting sobreng inilapag ng kaniyang ina sa ibabaw ng mesa. Sandali siyang napangiti bago niya muling ibalik ang tingin sa kaniyang ina na nasa harapan niya at katabi nito si Gelai.
"Galing kami kanina kay Rafael, Anak. Hihintayin daw niya ang sulat mo."
Pinahid ni Sabel ang luhang kusang kumawala sa kaniyang mga mata at ngumiti siya. "Oo, ipadadala ko na lang sa inyo ang sulat."
"Kumusta ka naman dito, Sabel? Sa nakikita namin ng mama mo, parang hindi ka naman hirap dito sa kulungan."
"Okay naman ako rito. Nalulungkot ako siyempre pero nilalabanan ko iyon. Kailangan palagi akong may ginagawa para hindi ko mamalayan ang pagtakbo ng oras." Kinuha ni Sabel ang sulat at isinilid niya iyon sa bulsa ng suot niyang short. "Hindi ko nga namalayan na dalawang taon na pala ako rito."
Napakahabang panahon ngunit para kay Sabel, tila kahapon lang nang sumuko sila ni Rafael sa mga pulis. Batid nilang iyon ang dapat na gawin para wala nang masaktan lalo na ang mga magulang ng kanilang asawa.
Lahat ng mga masasakit na narinig ni Sabel sa ina ni Mad at sa mga magulang ni Jade ay buong puso niyang tinanggap. Naiintindihan niya ang dating biyenan na tila kinunsinti niya si Rafael na hindi managot sa batas. Nagpapasalamat naman siya sa ama ni Mad dahil naintindihan siya nito maging si Rafael.
Hindi lang si Sabel ang nakatanggap ng masasakit na mga salita dahil maging si Rafael ay nakatanggap din mula sa ina ni Mad at sa mga magulang ni Jade. Hindi nila pinagsisihan ang desisyon nilang sumuko dahil nais nilang mabuhay nang malaya kasama ang isa't isa. Pinanghawakan din nila ang pangako na sa paglaya nila ay wala na muling makapaghihiwalay sa kanila.
"Alam kong sabik ka nang makita si Rafael, Sabel," turan ni Gelai at bahagya itong ngumiti.
"Sabik na sabik, Gelai. Kahit na sa sulat lang kami nagkakausap pakiramdam ko, nasa tabi ko siya." Umayos ng upo si Sabel at kahit nalulungkot, pinilit niyang ngumiti. "Ano nang itsura ni Rafael, Gelai? Alam mo, naiisip ko tuloy, ang haba na ng balbas at bigote niya. Minsan kasi ganoon ang napapanood ko kapag nakulong ang isang lalaki."
"Huwag kang mag-alala, hindi ganoon ang itsura niya. Mas lalo pa nga siyang naging guwapo." Muling ngumiti si Gelai at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Huwag mo raw siyang alalahanin dahil mabuti ang lagay niya sa kulungan."
Hindi na tumugon si Sabel bagkus ngumiti na lang siya. Nasanay na siya na sa palitan ng sulat umiikot ang buhay at relasyon nila ni Rafael. Mahirap man ngunit tinitiis niya dahil alam niyang darating din ang araw na makakasama na niya ito.
Sa bawat pagbasa ni Sabel sa mga sulat ni Rafael, tila naririnig niya ang tinig nito habang sinasabi ang mga nakasulat doon. Lahat ng mga sulat nito ay inipon niya na sa kaniyang pakiwari ay gabundok na dahil minsan sa isang linggo, tatlo hanggang lima ang natatanggap niyang sulat kay Rafael. Ganoon din ang sulat na ipinadadala niya sa nobyo.
"Si Daisy, kumusta nga pala siya?"
"Mabuti ang lagay niya, Anak. Minsan, pumupunta siya sa bahay at sa mama ni Rafael. Gustong-gusto na nga niya kayong makita. Kahit kasama na niya ang papa niya, Mama at Papa pa rin ang tawag sa inyo."
Napangiti si Sabel. "Napakabait ng batang iyon. Sana nga, makapag-asawa ulit ang papa niya."
"Huwag kang mag-alala, Sabel, para ngang magkakaroon na si Daisy ng mommy. Nahahalata rin kasi namin iyon ng mama mo."
Napawi ang ngiti ni Sabel at sandali siyang natahimik. "Kahit ngayon, nakokonsensya pa rin ako. Dahil sa akin, matagal na hindi nagkasama sina Jan at Daisy."
"Huwag mong sisihin ang sarili mo. Pinili iyon ni Jan para na rin sa kapakanan ng anak niya. Kahit din naman ako, gagawin ko rin ang lahat para sa anak namin ni Jake."
Napatingin si Sabel sa kaniyang ina matapos nitong hawakan ang kamay niya. Pinagmasdan lang niya ito habang nakangiti siya. Kahit may napapansin na lungkot sa mga mata nito ay hindi niya iyon pinansin.
"Pagkalabas mo pa lang dito, aasikasuhin na namin agad ang kasal ninyo ni Rafael. Iyon din ang sabi ng mama niya, Anak."
"Nasabi na rin po iyan sa akin ni Rafael. Kahit simple lang po, ang mahalaga, maikasal kami."
"Alam mo ba habang kausap namin ni Gelai si Rafael, nakita ko sa mga mata niya ang pagkasabik na makita ka habang kinukuwento ka namin sa kaniya."
"Baka naman po sinabi ninyo na nalulungkot ako rito. Baka mag-alala po iyon. Palagi ko po kasing sinasabi sa sulat na maayos ang lagay ko rito."
"Huwag kang mag-alala, Anak, palagi naming pinagagaan ang loob ni Rafael. Alam kasi naming mahirap para sa inyo na malayo sa isa't isa."
"Sinabi pa nga niya sa amin ng mama mo na kahit matanda na siya na makalabas sa kulungan, magpapakasal pa rin kayo."
Napangiti si Sabel. Kung ganoon man ang mangyari, iyon din ang gagawin niya kahit pa maputi na ang kanilang mga buhok. Si Rafael na ang huli niyang mamahalin kaya tutuparin niya iyon. Maghihintay siya kahit gaano pa katagal.
Tumayo na si Sabel para yakapin ang kaniyang ina at kaibigan dahil tapos na ang oras ng pagbisita. Nakaramdam siya ng lungkot dahil limitado ang pag-uusap nila ngunit hindi niya iyon ipinahalata.
"Mabuti kang tao, Anak. Huwag mo na lang intindihin ang sinasabi ng iba. Basta lagi mong tandaan na hindi lahat ng nandito sa kulungan ay masamang tao."
Ngumiti si Sabel at tumango siya. Matapos ang ilang sandali ay muli niyang niyakap ang kaniyang ina at kasunod niyon ay ang muli niyang pagluha.
"Tama ang mama mo. Mabuti kang tao. Kahit alam kong mabuti kang tao, Sabel, magpakabait ka pa rin dito para makasama mo na ulit ang mama mo saka si Rafael."
Kumalas si Sabel sa pagyakap sa ina at ibinaling niya ang tingin kay Gelai. "Basta kailangan kapag nakalabas na ako, may kapatid na ang anak ninyo ni Jake."
"Gumagawa na kami ni Jake, Sabel. Saka huwag mo kaming intindihin dahil dapat iniisip mo kung saan kayo magha-honeymoon ni Rafael para naman may inaanak na ako ulit sa iyo."
"Hayaan mo, mangyayari rin iyon, Gelai. Magkakaroon ka na ulit ng inaanak sa akin."
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
عاطفيةLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...