"HINDI na matutuloy ang kasal," giit ng ina ni Rafael.
Walang ibang nagawa si Sabel kundi tumahimik na lang habang nakayuko. Naramdaman niya ang paghawak ni Rafael sa kaniyang kamay. Katabi niya ito habang ang ina nito at kaniyang ina ay nasa harapan nila. Si Ceska naman ay nasa tabi ng ina ng kaniyang nobyo.
"Hindi na mahalaga kung nagastusan na ang kasal basta ang mahalaga, hindi iyon matutuloy.
Nanatiling tahimik si Sabel. Wala naman siyang magagawa kung nais pigilan ng ina ni Rafael ang kasal. Hindi rin naman niya ito masisisi dahil sa nagawa niya. Naiintindihan niya kung pinoprotekhan nito ang anak. Ang sa kaniya lang ay maniwala naman sana ito na hindi lang pera ang habol niya kay Rafael.
"Ano man ang nangyari, matutuloy ang kasal namin ni Sabel, Ma."
"Anak?"
"Mahal ko po si Sabel at hindi iyon magbabago."
"Rafael, iniisip lang ni Tita ang kapakanan mo. Pera lang ang habol sa iyo ng babaeng iyan."
"Hindi ganiyan ang anak ko. Wala kang karapatan para husgahan ang pagkatao niya dahil pinalaki ko nang mabuting tao ang anak ko."
Napaluha na si Sabel dahil patuloy sa pagtatalo ang apat. Dahil sa kaniya ay nagkakagulo ang mga ito at hindi niya gustong masira ang relasyon ni Rafael sa ina nito.
Malalim na bumuntong-hininga si Sabel at pinagmasdan niya si Rafael. "Tama ang mama mo, hindi na dapat matuloy ang kasal."
"Sabel, hindi ba may pinangako ka sa akin?"
"Oo at hindi ko iyon makakalimutan." Tuluyan nang napaiyak si Sabel dahil nakita niya sa mukha ni Rafael ang pagsusumamo nito. "Iba na kasi ang sitwasyon ngayon, Rafael."
Umiling si Rafael at hinagkan nito ang kamay ni Sabel. "Naiintindihan ko kung bakit mo nagawa iyon. Kahit pa pera lang ang habol mo sa akin, ikaw pa rin ang pakakasalan ko dahil ikaw ang mahal ko. Hindi ba sinabi ko sa iyo na hindi na ako magmamahal ng iba dahil ikaw ang huli?"
"Ganiyan ka na ba ka-martyr, Rafael? Paano mo pa pagkakatiwalaan ang babaeng iyan?"
"Bakit ikaw, Ceska, hindi ba martyr ka rin naman? Alam ko kung bakit ginagawa mo ito. Ito lang ang masasabi ko sa iyo, kahit kailan hindi mo na maibabalik ang dating tayo!"
Hindi nakapagsalita si Ceska at bakas sa mukha nito na nasaktan ito sa sinabi ni Rafael. Malalim itong bumuntong-hininga at napailing na lang.
"Buo na ang desisyon ko, Anak. Hindi matutuloy ang kasal ninyo ni Sabel."
"Ako po ang ikakasal kaya ako ang magdedesisyon kung matutuloy o hindi ang kasal."
"At talagang pipiliin mo pa si Sabel kaysa sa akin na nanay mo?"
"Wala po akong pinipili, Mama. Ang sa akin lang, hayaan ninyo akong gawin ang anumang desisyon ko. Nirerespeto ko po kayo dahil kayo ang magulang ko kaya sana, respetuhin din ninyo ako bilang anak mo."
"Kung anuman ang maging desisyon ninyo ng anak ko, Rafael, nandito lang ako para suportahan kayo."
Hindi makabuo ng desisyon si Sabel kung ano ang susundin niya. May parte sa isip niya na gustong ituloy ang kasal ngunit may parte rin na taliwas. Sa kabila niyon ay mas nanaig sa kaniya na pakasalan si Rafael dahil mahal niya ito ngunit natatakot lang siya sa mga posibilidad na mangyari lalo pa at hindi pa alam ng mga ito ang nagawa niyang kasalanan.
Nakasisiguro si Sabel na sa oras na malaman ng ina ni Rafael na nakapatay siya ng tao, hindi malabong itakwil na siya nito at pandirihan. Hindi rin malabo na maaring ito pa ang magpakulong sa kaniya mailayo lang siya sa anak nito.
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomanceLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...