Kabanata 22

82 5 0
                                    

PAGMULAT ng mga mata ni Rafael ay una niyang nakita ang kaniyang ina na nakatayo sa harapan niya. Napatakip ito sa bibig habang umaagos ang luha. Pinilit niyang ngumiti upang mapawi ang lungkot ng kaniyang ina.

"Kumusta ang pakiramdam mo? Sobra-sobra mo akong pinag-alala, Anak."

Napawi ang ngiti ni Rafael matapos niyang maalala si Sabel. Pinilit niyang maupo mula sa pagkakahiga. Tinitigan lang niya ang kaniyang ina dahil pamilyar na siya sa eksenang iyon.

"Sabi ng doktor, mabuti ang kalagayan mo. Kailangan mo lang daw magpahinga at puwede ka nang makauwi."

"Ma... s-si Sabel po?" Mabilis ang kabog sa dibdib ni Rafael habang hinihintay ang tugon ng kaniyang ina. Hindi niya maiwasang matakot sa maaaring sagot nito dahil natatakot siya na maulit muli ang nangyari sa kaniyang mag-ina.

Hindi alam ni Rafael ang gagawin sa oras na mawala sa kaniya si Sabel. Hindi na niya gustong malubog muli sa putik ng kalungkutan. Nakasisiguro siya na kung maulit man iyon ay hindi na niya makakaya. Mawawala na siya sa katinuan at maaaring tapusin na lang niya ang kaniyang buhay.

"Nasa kabila lang si Sabel. Huwag mo siyang alalahanin dahil mabuti ang lagay niya. Nakuwento na rin niya sa akin ang nangyari at nahuli na rin ang nakabunggo sa inyo."

Napapikit si Rafael at muntikan na siyang mapaluha dahil sa labis na saya. Nagpapasalamat siya dahil ligtas si Sabel. Nagpapasalamat din siya dahil sa kabila ng nangyari ay buhay pa rin silang dalawa. Tila binigyan pa siya ng pagkakataon na maitama ang nagawa niyang kasalanan.

Inalis ni Rafael ang mga nakaturok sa kaniya at inilapat niya ang mga paa sa sahig upang puntahan ang kinaroroonan ni Sabel. Nais niya itong makita at mayakap.

"Anak, magpahinga ka muna."

"Makita ko lang po si Sabel, ayos na ako."

"Anak?"

Lumabas si Rafael ng silid at agad niyang pinuntahan ang silid na nasa gawing kanan dahil malakas ang kutob niyang naroon si Sabel. Pagbukas niya ng pinto ay nakita agad niya ang nobya na nakahiga habang yakap ito ng ina.

Ngumiti si Rafael nang maramdaman ni Sabel ang presensya niya. Matamis itong ngumiti sa kaniya na tila wala itong iniindang sakit. Lumapit siya sa kaniyang nobya at tumayo sa harap nito.

"Bakit nandito ka, Rafael? Hindi ba dapat nagpapagaling ka?" Umupo si Sabel mula sa pagkakahiga nito.

"Makita lang kita, mabuti na ang pakiramdam ko, Sabel."

"Tama si Sabel, Rafael. Dapat nagpapahinga ka."

"Okay lang po ako, Tita. Huwag na po ninyo akong alalahanin." Bahagyang yumuko si Rafael upang yakapin si Sabel. Kahit may nararamdamang masakit sa kaniyang katawan ay hindi niya iyon ipinahalata. "Salamat dahil ligtas ka."

"Akala ko, mauulit muli ang nangyari dahil sa aksidente, Rafael. Hindi ko kayang may mawala pa na taong mahalaga sa akin."

Hindi nakapagsalita si Rafael dahil napaisip siya sa sinabi ni Sabel. Kumalas siya sa pagkakayakap sa kaniyang nobya at pinagmasdan ito. Batid niyang nahinuha nito ang nais niyang iparating.

"A-Ang ibig kong sabihin, a-akala ko, mawawala na naman ang lalaking mahalaga sa akin."

Hinagkan ni Rafael sa noo si Sabel. "Huwag kang mag-alala, hindi na mangyayari ang masakit na nangyari sa atin."

"IMBIS na magpahinga ka, pinapakain mo pa ako." Idinaan na lang ni Sabel sa pagngiti ang kilig na nararamdaman niya dahil sa ginagawa ni Rafael. Palagi na lang siyang inaalala nito kaya naman mas lalo pa niya itong minahal.

Dahil kay Rafael, unti-unti nang natatanggap ni Sabel na wala na sina Mad at Junjun. Kapag kasama niya ito ay nagiging masaya siya dahilan upang panandalian niyang makalimutan na may problema siyang kinahaharap. Hiling niya na sana ay magtuloy-tuloy iyon dahil sawa na siyang maging malungkot at umiyak dahil sa pagkamatay ng kaniyang mag-ama.

Inilapag ni Rafael ang mangkok sa ibabaw ng mesita at muli itong ngumiti. "Hindi ba ang sabi ko sa iyo, aalagaan kita. Nangako rin ako kay Mad na gagawin ko iyon kaya hayaan mo na ako sa ginagawa ko."

Nakangiting tumango si Sabel. Ilang sandali pa ay hinawakan niya ang kamay ni Rafael. "I love you."

Malapad na napangiti si Rafael at hinagkan nito ang kamay ni Sabel. "I love you too."

"Nasaan sina Mama at Tita, Rafael?"

"Silang dalawa na lang daw ang magluluto ng meryenda natin." Muling hinagkan ni Rafael ang kamay ni Sabel. "Masaya ako dahil nakikita kong magkasundo silang dalawa, Sabel."

Ngumiti si Sabel dahil gaya ni Rafael ay masaya rin siya. "Si Daisy nga pala?"

"Nasa school siya. Gusto nga raw magpunta rito."

Napabuntong-hininga si Sabel at sandali niyang pinagmasdan si Rafael. "Mabuti na lang, hindi siya sumama kanina. Alam mo ba, Rafael, paggising ko, ikaw agad ang hinanap ko. Natakot nga ako kasi baka mawala na naman ang lalaking mahal ko."

"Naramdaman mo iyon, Sabel?" malapad ang ngiting tanong ni Rafael.

"Ano bang klaseng tanong iyan? Mahal kita kaya hindi ko kakayanin na mawala ka sa akin." Napabuntong-hininga na lang si Sabel nang yakapin siya ni Rafael.

"Paano kung mawala ako sa buhay mo, Sabel?"

Kumalas si Sabel sa pagkakayakap sa kaniya ni Rafael. "Ano ba, Rafael, huwag ka ngang magsalita ng ganiyan."

Ngumiti si Rafael. "Sorry."

Malalim na napabuntong-hininga si Sabel at naibaling niya sa kung saan ang tingin. "Akala ko nga, mamamatay na ako. Buti na nga lang, hindi pa kasi hindi pa puwede dahil hindi ko pa nababayaran ang perang hiniram ko sa iyo."

"Sino bang nagsabing babayaran mo pa iyon? Isa pa, itinulong mo naman iyon sa kamag-anak mong nangangailangan ng pera."

Hindi nakapagsalita si Sabel dahil nakonsensya siya. Pakiramdam niya ay napakasama niya dahil nagsinungaling siya kay Rafael. Ang malaking halaga ng pera na hiniram niya ay ginamit niya upang ipambayad sa isang taong maaaring makatulong sa kaniya upang mapadali ang paghahanap niya ng hustisya para sa kaniyang mag-ama.

Pakiramdam ni Sabel ay piniperahan niya si Rafael. Labag sa kaniya na lokohin ito ngunit wala na siyang magawa kundi maging desperada. Aamin din naman siya sa kaniyang nobyo kapag dumating na ang tamang panahon.

"Sabel?"

Ibinaling ni Sabel ang tingin kay Rafael. Hindi siya nagsalita bagkus pinagmasdan lang niya ito.

"Matagal ko na sanang gustong itanong sa iyo ito kaya lang..."

"Kaya lang?"

"Hindi ba ang sabi mo, namatay si Mad sa sakit na cancer? Kung si Junjun, namana ang sakit sa dati mong asawa, saan naman niya namana ang sakit na iyon?"

Napalunok si Sabel dahil hindi niya alam kung ano ang isasagot. Hindi rin niya alam kung paano muling pagtatakpan ang tunay na ikinamatay ng kaniyang mag-ama. Mabuti na lang at hindi pa nito nakikita at nakakausap ang mga magulang ni Mad dahil kung mangyari man iyon, maaring mabunyag ang isang motibo niya kaya pumasok siya sa buhay ni Rafael.

Natauhan lang si Sabel matapos marinig ang pagtunog ng telepono na nakapatong sa ibabaw ng mesita. Kinuha niya iyon dahil may tumatawag sa kaniya. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil iyon ang naging daan upang makaiwas siya sa tanong ni Rafael.

"Hello," bungad ni Sabel. Kilala niya ang tumawag sa kaniya.

"Ma'am Sabel, nagsisimula na akong mag-imbistiga. Aaminin ko na mahihirapan ako pero gagawin ko ang makakaya ko para makilala ang taong nakapatay sa asawa at anak mo."

"Maghihintay ako. Basta, gawin mo ang lahat."

"Ipinapangako ko."

Matapos maibaba ang tawag ay napapikit si Sabel. Agad niyang pinahid ang luhang umagos sa kaniyang pisngi. Masaya siya dahil malapit na niyang maibigay ang hustisya para sa kaniyang mag-ama.

"Sino iyon, Sabel?"

Dumilat si Sabel at ibinaling niya ang tingin kay Rafael. "Isa sa mga malalapit kong kaibigan, Rafael."

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon