"HINDI ko alam kung ano ang mararamdaman ko, Sabel. Parang excited ako na nalulungkot."
Ngumiti si Sabel at hinawakan ang kamay ni Gelai. "Sa una, malulungkot ka. Tandaan mo na dapat, huwag kang magpatalo sa lungkot. Isipin mo na ginagawa mo iyon para sa pamilya mo."
Ngumiti si Gelai at nagpakawala ito ng malalim na hininga. "Gabi-gabi siguro ako nitong iiyak."
"Isipin mo na lang, nasa kabilang kuwarto ang mag-ama mo." Masuyong pinisil ni Sabel ang kamay ni Gelai. "Hindi na kita masasamahan sa airport bukas. Aasikasuhin ko kasi ang paghahanap sa driver ng kotse."
"Ano ka ba, okay lang. Hayaan mo, isasama ko sa pagdarasal ko na sana, mahanap na ang may kasalanan sa pagkamatay nina Mad at Junjun."
Nagpakawala si Sabel ng malalim na hininga. Binitiwan niya ang kamay ni Gelai at ibinaling ang tingin sa kawalan. Hindi na siya nakapagsalita dahil may lungkot at galit siyang nararamdaman. Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na maibibigay niya sa kaniyang mag-ama ang hustisyang batid niyang hinihiling ng mga ito.
"Huwag kang mawalan ng pag-asa, Sabel. Mahahanap din ang taong iyon."
"Sana nga, Gelai." Kinagat ni Sabel ang ibabang labi niya upang pigilin ang nagbabadyang pagbuhos ng kaniyang luha.
"Paano kung makita mo ang taong nakapatay sa mag-ama mo? Ano ang gagawin mo sa kaniya?"
Sinulyapan ni Sabel ang kaibigan. "Baka mapatay ko siya."
"Magagalit ka rin ba sa ibang sakay ng kotseng iyon?"
Pinahid ni Sabel ang luhang hindi niya namalayang bumuhos mula sa kaniyang mga mata. Humugot siya ng malalim na hininga na agad din niyang pinakawalan. "Kung may iba mang sakay ang kotseng iyon, hindi ako magdadalawang-isip na sampahan din sila ng kaso."
"Para lumamig ang ulo mo, ipagtitimpla kita ng juice."
"Ako na lang, Gelai." Tumayo si Sabel mula sa pagkakaupo. "Nakakahiya naman sa iyo."
"Ano ka ba, welcome na welcome ka rito sa bahay. Saka ngayon ka pa nahiya sa akin."
"Ako na lang." Tinungo na ni Sabel ang kusinang hindi kalayuan sa salas na kinaroroonan ni Gelai.
"Sabel, samahan mo akong mamalengke mamaya. Saka rito ka na mananghalian. Matagal-tagal din tayong hindi magkakasabay kumain."
Ibinaling ni Sabel ang tingin kay Gelai na nakangiting nakatingin sa kaniya. Nakangiti siyang tumango sa kaibigan at matapos ang ilang sandaling pagkakabaling ng tingin niya rito ay ibinalik niya ang atensyon sa ginagawa.
"Sabel, panoorin mo ito."
Matapos ang ilang sandali ay muling ibinaling ni Sabel ang tingin kay Gelai. Nakatuon ang atensyon nito sa pinanonood. Gusto man niyang panoorin ang tinutukoy nito ngunit mas pinili niyang tapusin ang ginagawa. Dahil dinig naman niya ang boses na nagmumula sa telebisyon ay pinili niyang pakinggan na lang iyon.
"Parang katulad ito ng nangyari sa inyo nina Mad at Junjun, Sabel."
Napatigil si Sabel sa paghalo matapos marinig ang pag-iyak ng isang lalaki mula sa pinanonood ng kaniyang kaibigan. Pinili niyang ituon ang atensyon sa pakikinig dahil tila nahatak siya niyon.
"Kung sino man ang dumaan sa Tulay street at nakita ang nangyari, sana tulungan ninyo ako para mahanap ko ang nakapatay sa mag-ina ko. Nagmamakaawa ako sa inyo." Kasunod niyon ang pag-iyak ng lalaki.
"Kawawa naman iyong bata, namatay. Saka iyong asawa niya, Sabel, namatay rin. Ang guwapo pa naman niya kaya lang, maagang naging biyudo."
"A-Ano raw ang nangyari, Gelai?"
"May naaksidente pala noong nakaraang gabi sa Tulay street. Namatay ang asawa at anak ng lalaki. Ang masama, tumakas ang nakabunggo sa kotse ng magpamilya."
Sa hindi inaasahan ay natabig ni Sabel ang pitsel na babasagin dahilan upang mahulog iyon sa sahig. Dahil sa kalituhan ay dinampot niya ang bubog dahilan upang masugatan siya.
"Bakit kasi dinampot mo. Nasugatan ka pa tuloy. Ako nang bahala rito."
"Hindi ko sinasadya. Hindi ko sinasadya." Paulit-ulit na sinasabi ni Sabel ang mga katagang iyon habang nakatingin siya kay Gelai na winawalis ang mga bubog na nagkalat.
"Ano ka ba, okay lang, Sabel."
"Hindi ko sinasadya."
KAHIT nakararamdam ng pananakit ng katawan si Rafael, pinilit pa rin niyang lumapit sa kabao ng kaniyang mag-ina. Magkatabi ang ataul ng mga ito ngunit una niyang tiningnan ang anak nasa loob niyon.
Bumuhos ang napakaraming luha sa mga mata ni Rafael matapos makita ang anak sa loob ng kabao. Hindi niya matanggap na siya ang sisilip sa ataul nito gayon ay ito dapat ang sisilip sa kaniyang kabao. Hindi rin niya matanggap na nilisan nito ang mundo sa murang edad. Napakarami pa niyang pangarap sa kaniyang anak at ang lahat ng iyon ay hindi na matutupad pa.
"Ipinapangako ko sa iyo, mananagot ang may kasalanan. Ibibigay ko ang hustisya sa inyo." Niyakap ni Rafael ang kabao ng kaniyang anak at isinubsob niya ang mukha sa salamin niyon. Tila isa siyang bata na humihiling na sana ay mahimbing lang na natutulog ang anak.
Muling napahagulhol ng iyak si Rafael matapos niyang makita ang asawa sa kabao. Niyakap niya ang ataul habang patuloy sa pag-iyak. Wala siyang pakialam sa mga taong nasa likuran niya dahil ang nais niya ay ilabas ang bigat na nararamdaman.
Hindi matanggap ni Rafael na mawawala ang kabiyak ng kaniyang puso. Hindi siya makapaniwala na iiwan siya ni Jade gayon ay nangako sila sa isa't isa na magsasama sila sa hirap at ginhawa hanggang pagtanda. Hindi tinupad ng kaniyang asawa ang pangako nito dahil lumisan na ito sa mundo.
"Bakit hindi na lang ninyo ako sinama?" Isinubsob ni Rafael ang mukha sa salamin ng kabao at nagpatuloy siya sa paghagulhol ng iyak.
Hindi ikinasasaya ni Rafael na nabuhay pa siya at hindi rin niya alam kung anong dahilan. Tila nais niyang namatay na lang siya sa halip na maramdaman ang labis na lungkot. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang pinapatay niyon.
"Anak, magpasalamat ka dahil binigyan ka ng isa pang pagkakataon para mabuhay."
Umayos ng tayo si Rafael at humarap siya sa ina. Tinitigan niya ito habang patuloy sa pagbuhos ang kaniyang luha. "Wala akong hiniling na buhayin niya ako. Sana, tatlo na lang kaming namatay."
"Anak, may dahilan kaya buhay ka pa ngayon."
May galit na naramdaman si Rafael ngunit sinarili lang niya iyon. Pinilit niyang kalmahin ang sarili at nagtagumpay siya roon. "Ano? Para magdusa ako sa pagluluksa sa pagkamatay nina Jade at Cassey?"
"Anak..."
"Sana nga, wala nang nakakita sa amin para namatay na lang din ako. Buhay ang katawan ko pero patay na ang puso ko."
"Malalagpasan mo rin ito."
Umiling si Rafael. "Karma ko na siguro ito."
"Anak..."
Muling napahagulhol ng iyak si Rafael nang yakapin siya ng kaniyang ina. Niyakap din niya ito nang mahigpit dahil kailangan niya ng makakapitan. Nagtatalo ang isip niya. May parte sa isip niya na nais nang sumuko ngunit may bumubulong sa kaniya na lumaban upang makamit ang hustisya para sa kaniyang mag-ina.
"Lumaban ka lang. Gagaling din ang sugat sa puso mo."
Hindi na tumugon si Rafael dahil hindi niya alam kung gagaling pa ba ang sugat sa kaniyang puso. Pakiwari niya ay tila habambuhay na siyang malulugmok sa lungkot at hindi niya alam kung sa paanong paraan siya makaaahon. Batid niyang kailangan siya ng kaniyang mag-ina para makamit ang hustisya.
"Huwag kang mag-alala, mahahanap din ang taong nakapatay sa mag-ina mo. Baka napanood ng taong iyon ang panawagan mo at makonsensya siya."
BINABASA MO ANG
My Beloved's Sin
RomantikLabis na nagtamo ng sugat ang puso ni Sabel nang mamatay ang kaniyang asawa at anak. Nalunod siya sa matinding lungkot at binalot ng dilim ang buhay niya. Akala niya ay hindi na siya makaaahon hanggang sa nakilala niya si Rafael, na tulad niya ay na...
