Kabanata 16

99 7 1
                                    

ISANG malakas na sampal ang natanggap ni Sabel mula sa ina ni Mad. Napahawak siya sa kaniyang pisngi at kasunod niyon ay ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya alam kung bakit nito nagawa iyon sa kaniya lalo pa at nginitian niya ito matapos makasalubong sa daan. Mangilan-ngilan din ang nakatingin sa kanila dahil sa nagawa ng biyenan niya.

"Ang kapal ng mukha mong babae ka!"

Inalis ni Sabel ang pagkakadampi ng kaniyang palad sa pisngi at tiningnan niya ito. "B-Bakit po?"

"Bakit? Bakit!" Halos mamula ang mukha ng biyenan ni Sabel nang magpakawala ito ng sigaw dahilan upang mas makaagaw ito ng atensyon sa mga tao sa paligid.

Tanging paglunok na lang ang nagawa ni Sabel habang nakatitig sa biyenan. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang galit nito sa kaniya. Nakasisiguro siyang hindi iyon dahil sa pagkamatay ng anak nito. Kahit paano ay naging maayos na sila nito matapos ilibing sina Mad at Junjun.

"Talaga bang hindi mo kayang pigilan ang kakatihan mong babae ka?"

"M-Mama..."

"Huwag mo akong matawag-tawag na Mama dahil patay na ang anak ko!"

Pinili na lang manahimik ni Sabel habang nakatitig sa biyenan. Kakaiba ang galit nito. Tila naririnig niya ang pagtunog ng mga ngipin nito dahil sa galit at tila isa itong bulkan na anumang oras ay magpapakawala ng lava.

"Hindi mo ba kayang respetuhin ang anak ko, Sabel? Kamamatay lang niya, lumalandi ka na agad sa ibang lalaki!"

"M-Mama, s-saan po ninyo nakuha ang tsismis na iyan?"

"Maraming nagsabi sa akin, Sabel! Ano, akala mo yata, hindi ko malalaman? Sinasabi ko na nga ba, hindi mo minahal ang anak ko." Bumaba na ang boses ng biyenan ni Sabel ngunit mababakas pa rin ang galit sa mukha nito.

"Hindi po iyan totoo. Mahal ko si Mad."

"Mahal? Ang bilis mo ngang ipagpalit ang anak ko, Sabel!"

"Bakit ba kayo nagagalit? Kung sakali mang makahanap ako ng bagong mamahalin, ano naman sa inyo?" Napapikit na lang si Sabel matapos muling lumapat nang malakas ang palad ng biyenan sa kaniyang pisngi.

"Ang kapal ng mukha mo! Paano mo nasasabi iyan! Sana, ikaw na lang ang namatay! Hayop ka!"

Napahagulhol ng iyak si Sabel. Hindi niya sinasadyang sabihin ang mga katagang nasabi niya. Sa kabila ng nasabi niya, kahit kailan ay hindi niya makalilimutan ang kaniyang mag-ama at sa katunayan, mahal pa rin niya si Mad. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na sabay na mawawala sa kaniya ang mga taong mahal niya.

"Kung hindi ikaw ang naging asawa ng anak ko, sana hanggang ngayon, buhay pa rin siya! Ikaw ang may kasalanan!"

Walang katagang nais lumabas sa bibig ni Sabel dahil hindi niya alam kung paano maipagtatanggol ang kaniyang sarili. Hindi rin niya alam kung paano malilinis ang pangalan niya sa paningin nito.

"Wala na lang ba sa iyo ang nangyari sa mag-ama mo? Siguro nga, tama ang kutob ko na wala kang ginagawa para mahanap ang hustisya."

Dumilat si Sabel at lakas-loob niyang tiningnan ang biyenan habang patuloy pa rin sa pag-agos ang kaniyang luha. "Walang araw na hindi ako gumawa ng paraan para mahanap ang hustisya, Mama. Kaunti na nga lang, magiging desperada na ako para maibigay kina Mad at Junjun ang hustisya at alam nila iyon." Pinahid ni Sabel ang luha sa kaniyang magkabilang pisngi. "Kung masakit sa iyo ang nangyari, mas doble ang sakit na nararamdaman ko. Kung ano man ang negatibong iisipin mo sa akin, hahayaan lang kita dahil alam kong hindi iyon totoo."

NAPAGPASIYAHAN nang puntahan ni Rafael ang bahay ng mga magulang ni Sabel kung saan ito nakatira. Labis siyang nagtaka kung bakit hindi niya matawagan ang numero nito. Nanibago siya dahil tila umiiwas ito sa kaniya na parang dati lang ay agad niyang natatawagan ang numero nito.

Nagkaroon ng kutob si Rafael na maaring may dahilan si Sabel kung bakit tila nagbago ito. Sa pakiwari niya ay may kinalaman ang dati niyang nobya at ang kaniyang ina ngunit hindi siya nakatitiyak kaya naman pinili niyang alamin ang dahilan.

Hindi alam ni Rafael kung ano na lang ang mangyayari sa kaniya kung tuluyan siyang lalayuan ni Sabel lalo pa at minahal na niya ito. Noong una ay sinubukan niyang pigilan ang nararamdaman niya para rito ngunit hindi siya nagtagumpay. Dahil madalas silang magkasama nito ay tuluyan na siyang nahulog dito. Ito ang muling nagkulay sa mapanglaw niyang mundo.

Batid ni Rafael na masaya na ang yumao niyang asawa dahil iyon din ang hiniling nito sa kaniya, ang makahanap siya ng bagong mamahalin. Nagpapasalamat siya na dumating si Sabel sa kaniyang buhay dahil ito ang naging dahilan kung bakit muli niyang naramdaman na masarap mabuhay.

"Magandang hapon po," bati ni Rafael sa ina ni Sabel nang pagbuksan siya nito ng pinto.

"Magandang hapon din, Hijo. Si Sabel ba ang sadya mo?"

Nakangiting tumango si Rafael. Kahit nahihiya ay pumasok siya sa loob ng bahay nang alukin siya ng ina ni Sabel. Umupo siya sa sofa at iginala niya ang tingin sa loob ng bahay. Simple lang ang bahay ngunit wala iyon sa kaniya at kahit gaano pa kahirap si Sabel, mamahalin pa rin niya ito.

"Ayoko sanang banggitin ito sa iyo kaya lang..."

"Kaya lang po?" Nakaguhit ang pagtataka sa mukha ni Rafael habang nakatingin siya sa ina ni Sabel.

"Kanina pa nakakulong si Sabel sa kuwarto niya at kanina rin, naririnig kong umiiyak siya. Ayaw naman niyang sabihin ang dahilan kaya nga nagtataka na ako." Bumuntong-hininga ang ina ni Sabel. "Diyan ang kuwarto niya. Mabuti pang ikaw na lang ang kumausap sa kaniya."

Tumayo si Rafael para puntahan ang silid na itinuro ng ina ni Sabel. Ilang sandali rin niyang tinitigan ang pinto bago siya kumatok. Ilang katok na rin ang nagawa niya ngunit walang Sabel na nagsalita sa loob.

"Sabel, si Rafael ito." Sunod-sunod na katok muli ang ginawa ni Rafael.

"Rafael... puwede bang hayaan mo muna ako," tugon ni Sabel at halata sa tono nito ang pag-iyak dahil sa panginginig ng boses nito.

"Mag-usap tayo, Sabel. Buksan mo itong pinto." Muling kinatok ni Rafael ang pinto sa pagbabaka-sakaling buksan ni Sabel ang pinto at hindi nga siya nabigo dahil matapos ang ilang sandali ay bumukas iyon.

"Rafael..." Patuloy ang pagbuhos ng luha mula sa mga mata ni Sabel habang nakatitig ito kay Rafael.

Dala ng emosyon ay mahigpit na niyakap ni Rafael si Sabel. "Iniiwasan mo ba ako, Sabel?" Matapos ang ilang sandali ay kumalas si Rafael sa pagkakayakap kay Sabel at hinarap niya ito. "Pakiusap, huwag mo akong layuan."

"Rafael... h-hindi mo lang alam kung g-gaano ako nahihirapan sa sitwasyon natin ngayon. Kaya kung puwede, iwasan na natin ang isa't isa dahil ayokong saktan ka."

Muling niyakap ni Rafael si Sabel at sa pagkakataong iyon ay kumawala na ang luha sa kaniyang mga mata. "Hindi, Sabel, ayoko."

"Rafael, please."

"Mahal kita, Sabel." Napapikit na lang si Rafael dahil wala siyang narinig na tugon mula kay Sabel. Hindi siya magtataka kung nabigla ito lalo pa at napakabilis ng lahat ngunit hindi na niya kayang itago ang nararamdaman niya.

"Rafael..."

Muling kumalas si Rafael sa pagkakayakap kay Sabel upang harapin ito. "Oo alam kong iniisip mo na napakabilis pero iyon ang nararamdaman ko. Ikaw ang dahilan kung bakit naging masaya ulit ako, Sabel."

Napahagulhol ng iyak si Sabel. "Hindi puwede, Rafael."

"Sabel?" Nakatitig si Rafael sa mga mata ni Sabel. Nais niyang basahin ang nasa isip nito dahil nagbabaka-sakali siyang iisa lang ang tibok ng kanilang puso.

"Kamamatay lang ng asawa at anak mo. Irespeto mo iyon, Rafael."

"Ito ang gustong mangyari ni Jade, Sabel."

"Rafael?"

"Nagpakita siya sa panaginip ko at sinabi niyang magmahal ulit ako. Siguro nga, ikaw ang binigay sa akin ni Jade, Sabel. Kaya pakiusap, huwag mo akong layuan."

Muling napahagulhol ng iyak si Sabel at ito na mismo ang yumakap nang mahigpit kay Rafael.

"Ipaglalaban ko ang pag-ibig ko sa iyo, Sabel."

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon