Kabanata 19

91 6 2
                                    

AGAD na pinahid ni Sabel ang luhang hindi na niya napagilang bumagsak. Malalim siyang humugot ng hininga at agad din niyang pinakawalan upang gumaan ang pakiramdam niya. Ilang sandali ay umupo siya. Ang kaliwa niyang kamay ay idinampi niya sa lapida ni Mad habang ang kanan naman ay idinampi niya sa lapida ng kaniyang anak.

"Siguradong masaya na sila ngayon, Sabel, kaya huwag ka nang malungkot."

Hindi tumugon si Sabel dahil hindi siya nakatitiyak lalo pa at hindi pa nakakamit ng kaniyang mag-ama ang hustisya. Ilang buwan na ang lumipas nang mamatay ang mga ito sa aksidente ngunit hindi pa rin nahahanap ang suspek. Hindi niya alam kung ilang buwan pa ang lilipas bago niya maibigay ang hustisya sa mga ito.

Tumayo si Sabel at humarap siya kay Rafael. Sandali niya itong tinitigan sa mga mata bago siya ngumiti nang matamis. "Mahigit isang buwan mo na rin akong nililigawan, Rafael."

Ngumiti si Rafael. "Kahit ilang buwan pa o taon ang lumipas, hindi ako susuko makuha ko lang ang matamis mong oo."

"Alam ko naman iyon, Rafael. Alam ko rin kung gaano ka kadeterminadong mapasagot ako kaya simula ngayon, hindi ka na manliligaw dahil tayo na."

"Talaga, Sabel!"

"Oo." Napapikit na lang si Sabel nang mahigpit siyang yakapin ni Rafael.

"Pinapangako ko sa harapan ni Mad na aalagaan at mamahalin kita nang wagas, Sabel."

Niyakap din ni Sabel si Rafael at dinama niya ang pagmamahal nito sa kaniya. Masaya siya sa naging desisyon niya ngunit nakokonsensya siya dahil kalakip ng pagpayag niyang pumasok sa buhay ni Rafael ay ang paggamit niya rito. Mahal niya ito at alam niyang hindi nagsisinungaling ang puso niya.

Napagdesisyunan ni Sabel na saka na lang niya aaminin ang totoong ikinamatay ng kaniyang mag-ama kapag nakuha na niya ang hustisya. Gustuhin man niyang aminin kay Rafael ang totoong nangyari ngunit hindi niya gustong mag-isip ito na ginagamit niya lalo pa at patuloy siya sa paghahanap ng hustisya at kailangan din niya ng malaking halaga ng pera. Isa pa ay maaring ganoon din ang isipin ng ina ni Rafael. Kung ililihim niya ang totoo, malaki ang porsyento na makuha niya ang hustisya.

Kumalas si Sabel sa pagkakayakap at hinarap niya si Rafael. "Sorry kung natagalan tayo rito, Rafael. Tara na, puntahan naman natin ang mag-ina mo para bago magtanghali, nakauwi na tayo."

PASADO alas-kuwatro ng hapon nang marating ni Rafael ang kinaroroonan ni Sabel. Bagaman buong umaga na silang magkasama ay nakaramdam muli siya ng pagkasabik para rito kaya naman naisipan niyang puntahan ito sa bahay ng mga magulang ngunit wala ito roon. Ibinigay naman sa kaniya ng ina ni Sabel ang address na kinaroroonan nito.

Masaya si Rafael dahil dumating si Sabel sa kaniyang buhay. Hindi pa rin siya makapaniwala na nobya na niya ito. Laking pasasalamat niya rito dahil ito ang nagpaahon sa kaniya sa matinding lungkot at kung hindi ito dumating sa buhay niya, nakasisiguro siyang nakalubog pa rin siya sa putik ng kalungkutan o maaring matagal na siyang patay.

Unti-unti na ring naghihilom ang sugat sa puso ni Rafael dahil sa pagkamatay nina Jade at Cassey. Sa kabila niyon ay hindi niya makalilimutan ang anak gayon din si Jade na naging malaking bahagi ng kaniyang buhay. Batid niyang masaya na ang mga ito para sa kaniya dahil hindi na siya binabalot ng lungkot.

Kumatok si Rafael sa pinto. Nabanggit sa kaniya ng ina ni Sabel na bahay iyon ng kaniyang nobya at ng dati nitong asawa. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit hindi iyon nabanggit sa kaniya ng nobya. Napapatanong tuloy siya kung mahal pa rin nito ang yumaong asawa kahit pa hindi malabong iyon ang totoo.

Bumukas ang pinto at inuluwa niyon si Sabel. Agad na napansin ni Rafael ang pagkabigla nito ngunit ang higit na nakaagaw pansin sa kaniya ay ang namumugto nitong mga mata na batid niyang kagagaling lang nito sa matinding pag-iyak.

"R-Rafael..."

"Kanina pa kita tinatawagan na pupunta ako rito kaya lang, nakapatay ang cellphone mo. Binigay sa akin ng mama mo ang address nito. Galing kasi ako roon kanina."

Hindi na tumugon si Sabel bagkus nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto tanda na handa nitong patuluyin sa loob si Rafael. Hindi na siya nagdalawang-isip na pumasok. Agad siyang dumiretso sa salas para maupo sa sofa.

"Sorry kung hindi ko nabanggit sa iyo ang tungkol sa bahay na ito, Rafael. Sana maintindihan mo na mahirap sa akin na mawala ang nagpapaalala kina Mad at Junjun."

Ngumiti si Rafael kahit pa nasaktan siya. Tila naramdaman niyang mas nangingibabaw pa rin sa puso nito ang yumaong asawa kaysa sa kaniya. Sa kabila niyon ay hindi niya hinayaang magpasakop sa nararamdaman niya.

Pinagmasdan ni Rafael si Sabel na nasa harapan niya at nakaupo sa sofa. Malayo ang tingin ng kaniyang nobya at batid niyang ang mag-ama nito ang tumatakbo sa isipan nito.

"Sabel..." Malalim na napabuntong-hininga si Rafael nang ibaling sa kaniya ni Sabel ang tingin. "Hindi naman sa gusto kong kalimutan mo si Mad dahil alam kong marami kayong pinagsamahan kaya lang... boyfriend mo ako kaya m-masakit para sa akin na..." Pinili ni Rafael na huwag nang tapusin ang sasabihin dahil hindi niya gustong mas mahirapan si Sabel.

"Sinusubukan ko naman, Rafael."

"I'm sorry, Sabel."

"Ako dapat ang humingi ng tawad." Matapos ang ilang sandali ay tumayo si Sabel. "Maiwan muna kita rito."

Sinundan na lang ni Rafael si Sabel na papunta sa silid. Napabuntong-hininga na lang siya dahil batid niyang roon nito ibubuhos ang luha. Naniniwala siya na darating ang araw na matatanggap din ng kaniyang nobya na wala na ang mag-ama nito gaya niya.

Nangangako si Rafael na gagawin niya ang lahat para muling sumaya si Sabel. Ito ang muling kumulay ng naging mapanglaw niyang mundo kaya siya rin ang kukulay sa naging mapanglaw nitong mundo.

Napagpasiyahan ni Rafael na kunin ang litratong nakapatong sa ibabaw ng mesitang nasa harapan niya. Pagpunta pa lang niya sa salas ay iyon ang una niyang napansin. Hindi lang muna niya pinagkaabalahang tingnan kung sino ang nasa litrato.

Unang napansin ni Rafael si Sabel na nakangiti nang ubod tamis. Tunay na ngiti ang nakaguhit sa labi nito at iyon ang gusto niyang makita. Sunod niyang ibinaling ang tingin sa batang lalaking nasa gitna nina Sabel at ng isang lalaki na hindi pa niya tinitingnan. Ang bata sa litrato ay batid niyang si Junjun na anak ni Sabel. Labis siyang naawa rito dahil maaga itong kinuha gaya ng kaniyang anak.

Matapos maibaling ni Rafael ang tingin sa lalaking nasa litrato na batid niyang si Mad ay napakunot ang noo niya dahil tila pamilyar sa kaniya ang mukha nito. Matapos ang ilang sandaling pag-iisip kung saan niya nakita si Mad ay muntikan na niyang mabitiwan ang litrato.

"Rafael?"

Tuluyan nang nabitiwan ni Rafael ang litrato dahil nataranta siya dala na rin ng mabilis na kabog sa kaniyang dibdib. Napatayo siya habang tila balisa.

"Rafael, may problema ba?"

Ibinaling ni Rafael ang tingin sa litratong nasa sahig. "B-Bakit parang siya iyon?"

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon