EAT [01]

9.5K 228 58
                                    

PANAY ang lunok ng laway ng dalagitang si Clara habang nakatingin sa batang ngumangasab ng fried chicken sa loob ng Jollibee. Nasa labas siya ng naturang fastfood restaurant habang pinapanood ang pagkain ng bata. Nakatanghod siya sa glass wall at kung nakakatagos lang siya doon ay baka kanina pa niya inagawan ng pagkain ang batang iyon. Sobrang taba ng bata. Kabaligtaran niya na halos buto’t balat na. Paano ba naman siya hindi magiging ganoon, e, kulang siya sa nutrisyon. Wala sa oras ang pagkain niya. Ang basurahan ang takbuhan niya sa tuwing kumakalam ang sikmura niya dahil sa gutom.

Biglang tumingin ang bata sa kaniya at sumimangot ito. Maarte siya nitong itinuro sa babaeng kasama nito na sobrang taba din. Nanay yata iyon ng bata. Dinuru-duro siya ng matabang ale. Sa galaw ng kamay nito ay alam niyang pinapaalis siya nito. Galit na galit ito na akala mo ay pinatay niya ang batang kasama nito sa pagkain. Tumawag pa ito ng service crew para ibaba ang blinds sa tabi ng lamesa ng mga ito. Bumagsak ang balikat niya dahil hindi na niya makikitang kumain ang batang iyon.

Ano bang masama sa ginawa niya? Pinapanood lang naman niya iyong bata sa pagkain dahil pakiramdam niya ay nabubusog na rin siya.

Wala nang nagawa pa si Clara kundi ang umupo sa semento at panoorin ang mga taong nagdaraan. Inilahad niya ang isang kamay at pinalamlam ang malalaking mata upang magmukha siyang kaawa-awa. Natutunan niya iyon sa ibang pulubi na katulad niya.

Halos isang buwan pa lang siya sa lansangan. Namamalimos at nagkakalkal ng basurahan para may makain kahit papaano. Hindi rin niya alam kung paano ba siya napunta sa ganitong sitwasyon. Kahit ang pangalan niya ay hindi rin niya matandaan. Basta, natagpuan daw siya ng mga nagbabasura sa tabi ng ilog. May malaking sugat sa ulo. Ang akala nga daw ay patay na siya pero nang bigla siyang huminga ay dinala siya sa ospital. Doon na siya nagkaroon ng malay at wala na siyang matandaan sa lahat. Matapos ang isang linggo ay dinala siya sa isang ampunan. Dahil sa wala siyang pangalan ay pinangalanan siya ng isang madre bilang si “Clara”. Maging ang edad niya ay hindi din niya alam. Pero ayon sa mga madre ay kinse anyos na daw yata siya. Pinamumukulan na kasi siya ng dede at dinudugo na din ang pagkababae.

Walang pamilyang naghahanap sa kaniya kaya dineklara sa ampunan na ulilang lubos na siya. Maayos sana sa ampunan dahil meron siyang tulugan, pagkain at kasuotan. Kaya lang hindi na niya kinaya ang pang-aaway sa kaniya ng ibang bata doon. Pinagtatawanan nito ang mga peklat niya sa kaniyang katawan. Malalalim na peklat na hindi rin niya matandaan kung saan at paano niya nakuha.

Tumakas si Clara sa ampunan at piniling mamuhay sa lansangan. Dito ay nakaramdam siya ng kalayaan kahit mahirap ang buhay. Walang nang-aaway sa kaniya. Minsan pa nga ay binibigyan siya ng pagkain ng kapwa niya pulubi. Kahit saan ay maaari siyang matulog. Sa parke, sa labas ng simbahan, ilalim ng puno o sa labas ng mga building. Huwag lang siyang makikita ng mga guard o pulis dahil kung makita siya ay pinapaalis siya.

Mabaho daw siya. Madumi. Nakakadiri.

Tumayo si Clara at muling humarap sa glass wall ng fastfood restaurant. Tiningnan niya ang sariling repleksiyon doon. Madumi nga siya at mabaho. Nakakadiri? Oo. Matigas at nanlalagkit ang kaniyang buhok. Ang damit niya ay sira-sira. Magkaiba ang suot niyang tsinelas. Mabuti nga at natakpan ng dumi ang peklat niya sa kaniyang katawan.

Inililis niya pataas ang damit at tumambad ang malaking peklat niya sa may bandang tiyan niya. Pilit niyang inaalala kung saan niya nakuha ang peklat na iyon pero kahit anong halughog siya sa utak niya ay wala siyang makuhang sagot.

Sino nga ba talaga siya? Anong nakaraan nga ba ang meron siya? May pamilya kaya siya? Kung meron, bakit siya hinayaan ng mga ito na masadlak sa ganitong buhay? Talaga bang walang naghahanap sa kaniya? May nagmamahal ba sa kaniya?

Suminghot siya nang makitang may nakadungaw na sipon sa kaliwang butas ng kaniyang ilong. Bumalik iyon sa loob. Sa lakas ng singhot ni Clara ay napunta sa lalamunan niya ang malapot na sipon. Nilunok niya iyon. Kumabaga, lamang tiyan din 'yon. Sayang kung idudura lang niya.

SICK: Part FourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon