MATAGAL nang inaalok ni Mando si Erik ng trabaho. Halos isang taon na siya nitong hinihikayat na sumama sa trabaho nito. Ayon kay Mando ay kikita siya ng malaking pera kapag pumayag siya. Gaya daw nito ay hindi na niya magiging problema ang panggastos sa araw-araw. Hindi na rin daw niya makikitang nagugutom ang mag-iina niya katulad ng nararanasan ng pamilya niya ngayon. Aaminin ni Erik na natutukso siya na tanggapin ang kung ano mang trabaho na inaalok nito ngunit malakas ang kutob niya na may kinalaman sa droga ang trabaho ni Mando. Maaaring pusher ito o nagtatrabaho sa pagawaan ng shabu o kung ano mang drugs.
"Ano ba kasi 'yang trabaho na iyan, pare?" tanong ni Erik.
Ngumisi si Mando sabay iling ng marahan. "Saka mo na malalaman kapag pumayag ka na." Iyan ang palagi nitong isinasagot kapag nagtatanong siya kung anong klase ba ng trabaho ang ibibigay nito sa kaniya. "Confidential kasi. Kailangan na kailangan kasi namin ng isang tao ngayon, pare. Umalis na kasi iyong isa naming tao at ikaw ang gusto kong pumalit. Gusto lang kitang tulungan dahil katulad mo din akong palaging problema ang pera. Marami na akong pera ngayon, pare. 'Wag ka lang maingay. Malapit na rin kaming umalis sa basurang lugar na ito kapag natapos na iyong bahay na pinapatayo ko."
Hindi alam ni Erik kung nagbibiro ba si Mando o ano pero para makapagpatayo ito ng sariling bahay ay indikasyon lang na malaki nga talaga ang kinikita nito.
"D-droga ba iyan, pare?" Nilakasan na lang niya ang loob na itanong iyon. Natatakot kasi siyang itanong ang ganoon kay Mando dahil baka ma-offend ito.
"Gago ka ba, pare? Hindi droga! Alam mong mainit ang mata ng mg parak sa droga sa lugar natin kaya bakit ako papasok sa ganoong trabaho?" Natawa pa ito. "Akala mo ba ay may koneksiyon sa drugs ang inaalok kong trabaho sa iyo kaya palagi kang umaayaw?"
Tumango si Erik. "Oo."
"'Tang ina mo, pare! Ang judgemental mo naman! Hindi ito tungkol sa drugs..." Humina na ulit ang boses nito. "Narinig ko na may sakit ang bunso mo. Alam mo, kapag pumayag ka agad ngayon ay pupunta tayo kay Boss Madam. Bibigyan ka agad niya ng paunang bayad. Alam mo ba kung magkano ang paunang bayad niya sa akin noon?"
"Magkano?"
"Bente mil! Twenty thousand, pare!"
Natiligan si Erik sa halaga ng perang sinabi ni Mando. "T-totoo ba iyan? Baka naman scam iyan, pare-"
"Gago ka ba? Ikaw? I-scam ko? E, alam kong wala kang pera! Tinutulungan lang kita, pare. Kailangan lang talaga namin ng tao ngayon, e."
"Pag-iisipan ko, pare."
"'Wag ka nang mag-isip, pare! Baka maunahan ka pa ng iba. Ikaw din. Bahala ka. Tandaan mo, may sakit ang anak mo at kailangan mo ng pera. Wala nang libreng ospital ngayon! Lahat may bayad na. Saka isipin mo ang mga anak at asawa mo. Hanggang ganiyan na lang ba ang buhay na kaya mong ibigay sa kanila?"
Hindi agad nakasagot si Erik. Pinag-iisipan niya nang mabuti ang inaalok ni Mando. Parang gusto na tuloy niyang um-oo pero nagtatalo pa rin ang isip niya. Baka kasi ilegal ang ginagawa nito o mahirap.
"Pag-iisipan ko na lang muna, pare. Siguro, bukas ay sasabihin ko ang desisyon ko."
"Sige, sige. Bukas, ha." Kinuha ni Mando ang kamay niya at may inilagay itong tatlong one thousand pesos na papel. "Iyan na ang gamitin mo sa bunso mo sa ospital. Saka mo na ako bayaran kapag pumayag ka na sa alok kong trabaho at nabigyan ka na ni Boss Madam ng paunang bayad!" Tinapik-tapik siya nito sa balikat at umalis na.
Naiwanang nag-iisip si Erik. Tatanggapin na nga ba niya ang trabahong ino-offer ni Mando? Baka iyo na ang sagot para makaahon sila sa kahirapan ng pamilya niya. Kaya lang ay kinakabahan talaga siya lalo na't wala siyang ideya kung anong klase ng trabaho ba ang inaalok ni Mando.
BINABASA MO ANG
SICK: Part Four
HorrorNagbabalik na ang mga kwentong susubukan na pabaligtarin ang iyong sikmura! [EAT] Tasty, savory and... bloody! [BLACK] Handa ka bang gawin ang lahat para sa pera? Humanda sa larong gusto niya... [SLIT] Mag-iingat sa paglalakad mo nang mag-isa. Nandi...