“MISS! Bumaba ka diyan! Kung ano man ang problema mo ay pwede nating pag-usapan!” sigaw ng isang pulis kay Angel habang nasa gilid siya ng rooftop.
Halos sampung hakbang na lang siguro at mararating na niya ang itim na ekis nang biglang dumating ang isang pulis sa rooftop at ilang mga tao na nakikiusyuso lang. Ang iba ay kinukunan pa siya ng video at picture gamit ang cellphone. Akala yata ng mga ito ay magpapakamatay siya kaya siya nasa gilid ng rooftop.
“Hindi mo pwedeng sabihin sa kanila ang tunay na dahilan kung bakit ka nandiyan, Angel…” ani Black sa kaniya.
“P-pero paano ko sila papaalisin?” Halos pabulong na siyang magsalita dahil baka isipin pang nababaliw na siya.
Iyong pulubi ay bigla siyang iniwan nang dumating ang mga tao. Kitang-kita niya ang pagtakas nito. Hindi man lang siya nito tinulungan sa mga taong ngayon ay inaakalang magpapakamatay siya.
“Naku, baliw yata iyan, sir! Nagsasalita mag-isa saka ang dumi at baho pa!” sabi ng isang ginang.
“Baka nalipasan ng gutom kaya magpapakamatay!” susog ng isang lalaki.
“Napag-tripan pa yata iyan at puro sugat! Kawawa!” ani ng isa pang babae.
Napatingin si Angel sa itim na ekis. Kaunti na lang at mararating na niya iyon at matatapos na niya ang pangatlong pagsubok.
“Miss!” tawag sa kaniya ng pulis.
Mabilis na lumingon si Angel. “H-hindi ako baliw. Hindi ako magpapakamatay! Umalis na kayo. Hayaan niyo lang ako dito!” sigaw niya.
Humakbang siya ng isa at nagsigawan ang lahat na parang akala ay tatalon siya. Napapikit siya dahil mas masakit na ang talampakan niya ngayon. Medyo nahihilo na rin siya dahil sa tindi ng sikat ng araw. Dagdag pa na hindi pa siya kumakain at hindi niya alam kung gaano na katagal simula nang huling beses siyang kumain. Gusto na niyang matapos ang paglalakad sa gilid ng rooftop para maalis na niya ang mga push pins sa talampakan niya at para makausad na siya sa susunod na pagsubok. Dalawang hakbang ang ginawa niya.
“Tatalon na siya!!!” OA na sigaw ng isang babaeng teenager.
Nang makita niyang papalapit na ang pulis sa kaniya ay sumigaw siya. “'Wag kang lalapit! Tatalon talaga ako!” Iyon na lang ang paraan na naiisip niya para takutin ang mga ito at hayaan na lang siya sa dapat niyang gawin. Hindi niya gagawin iyon. Pananakot lang ang sinabi niya. “Iwanan ninyo ako a-at hindi ako tatalon. Pangako!”
Hindi na itinuloy ng pulis ang paglapit. “Ano bang gusto mo? Pagkain? Pera ba? Sabihin mo at ibibigay namin. Huwag ka lang tumalon diyan!”
Umiling siya. “Ayoko ng mga iyan. Basta iwanan niyo na lang ako dito at hindi na ako tatalon!” Sa paghakbang niya ng isa at nagsigawan na naman ang lahat ng tao na nasa rooftop. Marami na rin ang nasa ibaba at nakatingala sa kaniya.
BINABASA MO ANG
SICK: Part Four
HorrorNagbabalik na ang mga kwentong susubukan na pabaligtarin ang iyong sikmura! [EAT] Tasty, savory and... bloody! [BLACK] Handa ka bang gawin ang lahat para sa pera? Humanda sa larong gusto niya... [SLIT] Mag-iingat sa paglalakad mo nang mag-isa. Nandi...