KINAKABAHAN na binuksan ni Angel ang kulay puting shoe box. Tumambad sa kaniya ang isang kulay puting sapatos na may mataas na takong. Sa tantiya niya ay limang pulgada ang takong niyon at parang lapis lang ang taba niyon. Hindi kaya maputol iyon kapag sinuot na niya?
Pumwesto na siya sa gilid ng rooftop at isinuot na ang sapatos. Tumayo siya at nagbalanse. Sinubukan muna niyang maglakad at sa pangatlong hakbang ay muntik na siyang mabuwal kung hindi pa siya nakapagbalanse.
"Wala namang time limit, 'di ba?" tanong ni Angel sa pulubi.
"Wala naman daw. Kahit abutin ka pa diyan ng kinabukasan ay ayos lang! Basta makumpleto mo ang isang ikot sa gilid ng building na ito. Doon ka mag-uumpisa, o!" Nagtatakbo ang pulubi at pumunta sa gilid. Itinuro nito ang isang kulay itim na ekis.
Okay. Wala siyang dapat ikabahala sa oras dahil kahit gaano siya katagal doon ay ayos lang. Kesa magmadali siya at baka iyon pa ang maging dahilan ng pagkahulog niya. Aanhin niya ang malaking halaga ng pera kung patay na siya, 'di ba?
Matapos palakasin ang loob ay tumuntong na si Angel sa may gilid ng rooftop. Sa may itim na ekis siya magsisimula at doon din siya matatapos. Huminga muna nang malalim si Angel bago niya ginawa ang unang hakbang. Maliit na hakbang lang dahil natatakot siya na baka matumba siya o mawalan ng balanse kapag nilakihan niya. Kumbaga, slowly but surely ang strategy niya ngayon.
Tirik na tirik ang araw at madaming tao sa ibaba na naglalakad. Pati ang mga sasakyan ay dagsa. Nakalagay sa gilid ang dalawa kamay niya para mas maging maganda ang balanse niya. Sa pangalawang hakbang niya ay medyo nilakihan niya at nanginig ang tuhod niya dahil parang matutumba siya. Hindi kasi talaga siya sanay na magsuot ng ganoong sapatos. Kung alam lang niya na darating siya sa ganitong sitwasyon ay nagpaturo na siya noon kay Cecilla na magsuot ng ganito. Puro ganito kasi ang sapatos niyon. Panay matataas ang takong.
Small steps lang, Angel... Paalala niya sa sarili at muli siyang humakbang.
Halos hindi na umaangat ang paa niya. Ayos lang iyon dahil hindi niya kailangang magmadali. Ganoon na ang ginawa ni Angel. Puro maliliit na hakbang ang ginawa niya. Ingat na ingat siya sa bawat pag-angat ng paa niya at pagbabalik niyon sa kaniyang tinatapakan.
"Mag-iingat ka! Wasak utak mo kapag nahulog ka!" Nakakalokong tinawanan pa siya ng pulubi. "Tumakbo ka na lang kaya para mabilis!"
"Tumahimik ka nga! Hindi ka nakakatulong sa akin!" Inis na bulyaw niya sa maingay na pulubi. Tuloy-tuloy lang siya sa paghakbang. Medyo malawak ang building kaya malayo-layo din ang kailangan niyang ikutin.
Takbo naman nang takbo ang pulubi sa kabuuan ng rooftop na para bang inaasar siya dahil nagagaw nito ang tumakbo habang siya ay hindi. Dahil alam niyang walang maitutulong kung papansinin niya ang pagpapansin ng pulubi ay nag-concentrate na lang siya sa paglalakad. At makalipas nga ang mahabang minuto ay muli siyang nakabalik sa itim na ekis!
Mabilis siyang bumaba sa gilid at nanghihinang napaupo. Hinubad niya ang sapatos at hinilot ang sariling mga paa. Medyo nanakit kasi iyon sa paglalakad niya. Ginawa niya ang paghilot para marelax ang paa niya at mawala ang pananakit. Dapat niya iyong ikondisyon dahil meron pa siyang dalawang sapatos na isusuot. Hindi pa tapos ang pangatlong pagsubok ni Black.
"Galing naman! Ang galing!" Pinalakpakan siya ng pubuli. Lumapit ito sa kaniya na dala ang natitirang kahon ng sapatos. "Para kang ramp model! Ang galing mo naman pala, e. Parang walang challenge sa iyo itong-"
"Iyang kulay itim ang isusunod ko. Huwag ka nang maraming sinasabi diyan!"
"Ang sungit mo naman! Bakit itong black?"
"Wala kang pakialam!" Pero ang dahilan niya talaga kaya pinili niya ang itim ay dahil alam niyang paboritong kulay iyon ni Black. May hinala siyang naroon ang pinaka mahirap na sapatos. Gusto na niyang gawin ang pinaka mahirap para sa huli ay madali na ang gagawin niya. Strategu niya rin iyon.
BINABASA MO ANG
SICK: Part Four
HorrorNagbabalik na ang mga kwentong susubukan na pabaligtarin ang iyong sikmura! [EAT] Tasty, savory and... bloody! [BLACK] Handa ka bang gawin ang lahat para sa pera? Humanda sa larong gusto niya... [SLIT] Mag-iingat sa paglalakad mo nang mag-isa. Nandi...