SLIT [08]

3.2K 132 6
                                    

SA ikalawang operasyon na ginawa nina Erik ay hindi na niya kasama ang kaibigan niyang si Mando. Naroon pa rin ang kaba niya ngunit palagi niyang iniisip na para sa pamilya niya ang ginagawa niyang trabaho. Palagi din niyang inaalala ang lahat ng sinabi ni Mando sa kaniya. Sa ngayon ay wala na si Mando at ang pamilya nito sa squatter’s area. Noong isang araw ay nagpaalam ito sa kaniya na lilipat na ito sa bago nitong bahay. Masaya siya para sa kaibigan at ito balang araw ay gusto din niyang makatulad dito. Uumpisahan na niya ang pag-iipon para magkaroon na rin sila ng sarili nilang bahay.

Sumama lang siya sa pagkidnap sa isang batang babae sa kabilang bayan at hindi na siya ang nagbantay sa operating room dahil sa Berto ang nakatoka para sa araw na iyon.

Matapos niyang makuha ang bayad kay Boss Madam ay nagmamadali siyang umuwi ng bahay. Nang kunin niya kasi sa guard ang cellphone niya ay may nabasa siyang text mula kay Maya. Anito ay umuwi na siya sa bahay dahil may importante itong sasabihin. Bigla tuloy siyang kinabahan lalo na nang sinubukan niyang tawagan ito pero hindi nito iyon sinasagot. Nag-ri-ring lang. Kahit sa text niya ay hindi din ito nagre-reply.

Nagmamadali na si Erik sa pag-uwi. Halos tumakbo na siya habang naglalakad sa masisikip na eskinita papunta sa bahay nila.

Hanggang sa makarating na siya sa bahay at nang buksan niya ang pinto ay nagulat siya sa pagsigaw nina Maya. “Surprise!!!” sabay-sabay na sigaw ng mag-iina niya.

Nanlaki ang mata niya sa labis na kasiyahan nang makita niya si Biboy. “Anak!” naluluha niyang bulalas sabay lapit sa bunso niya. Binuhat niya ito ay buong higpit na niyakap. “Kailan ka pa nakalabas ng ospital? Magaling ka na ba? B-baka hindi ka pa magaling. Ibabalik kita sa ospital. May pambayad naman tayo, e!” Natataranta niyang turan.

Lumapit si Maya sa kaniya. “Magaling na si Biboy kaya nakalabas na siya. Iyan ang importanteng bagay na sasabihin ko sa iyo,” nakangiting turan pa ng asawa niya.

“Pinakaba mo ako. Akala ko ay may kung anong hindi magandang nangyari kasi hindi mo sinasagot ang tawag at text ko!” Pinaghahalikan pa ni Erik ang buong mukha ni Biboy.

“E, kaya nga sorpresa, 'di ba? Pahinga na lang ang kailangan ng bunso natin, Erik. Saka ibinili ko na rin siya ng vitamins at pati na ang kambal natin para hindi na sila agad kinakapitan ng sakit. Ang laki kasi ng natirang pera sa ibinigay mo sa akin noong huli.”

“Mabuti naman kung ganoon.” Dumako ang pansin ni Erik kay Mayen. Nakatayo lang ito katabi ang kambal. “Kumusta naman ang field trip mo, Mayen?”

“Okay po, papa. Masaya kasi marami akong baon. Hindi na rin ako binu-bully kasi malinis na nag uniform ko at nakakaligo na ako palagi ng may shampoo at sabon!”

Napangiti si Erik sa narinig. Halos isang linggo pa lang siyang nagtatrabaho kay Boss Madam ay nakikita na niya agad ang pagbabago sa kaniyang pamilya. Sigurado siya na kapag nagtagal pa ay tuluyan na silang makakaahon sa hirap.

May ipinakitang pera sa kaniya si Maya. “Ano pala ang gagawin ko dito? May pitong libo pa na natira, e.”

“Ibayad mo muna sa lahat ng utang natin. Bayaran mo na lahat. Kapag kulang ay magsabi ka lang sa akin, ha.”

“Ang laki naman yata ng kinikita mo sa bago mong trabaho, Erik. Sigurado ka bang hindi iyan ilegal?”

“H-hindi, a.” Kusang umiwas ang mata niya kay Maya dahil hindi niya ito kayang tingnan nang diretso sa mata kapag nagsisinungaling siya. “Saka hindi ko naman kayang pakainin kayo ng perang galing sa masama. Kilala mo ako, Maya.” Patuloy na pagsisinungaling niya.

“Gusto ko lang makasiguro. Nakakapagtaka kasi na ang laki ng kinikita mo sa pagde-deliver lang.”

“Malaki kasing magbigay ng bonus iyong boss namin kapag nagagawa namin ng maayos ang trabaho namin. Oo nga pala, kapag nagkaroon ka ng oras ay mag-grocery ka at kumain kayo sa labas ng mga bata. Tamang-tama, Sabado bukas. Makakasama si Mayen dahil wala siyang pasok.”

SICK: Part FourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon