“HINDI ako basta-basta tumatanggap ng customer kaya hindi bukas sa lahat itong restaurant ko. Ang gusto ko ay iyong kayang bayaran ang mga niluluto ko dahil hindi kaya ng pangkaraniwang tao lang ang presyo ng aking mga putahe.” Nakatingin lang si Clara sa babaeng may-ari ng maliit na restaurant na nakita niya kanina habang pauwi siya ng bahay. Antonia—iyon ang pangalan ng matandang babae.
Nakaupo na siya at inilapag na nito ang putaheng sinasabi nito na nakalagay sa mangkok. Isang meat ball soup. Amoy na amoy niya ang nakakagana at mabangong aroma ng pagkain na iyon. Umuusok pa ang sabaw niyon at halatang kakaluto pa lamang. Wala iyong anumang sangkap kundi ang sabay at tatlong piraso ng meat balls. Ang kulay ng sabaw niyon ay maputlang dilaw.
Gustong matawa ni Clara sa sinabi ni Antonia pero pinigilan niya dahil ayaw niyang makainsulto. “Ito na po ba iyong sinasabi ninyong pagkain na mahal ang presyo?” Kung ito na iyon ay magtataka na siya. Sa unang tingin pa lang niya sa meat ball soup ay masasabi niyang walang espesyal dito.
Umupo si Antonia sa upuan sa tapat niya. “Alam ko nagtataka ka kung bakit ko nasabing mahal ang presyo ng soup na iyan. Pero bago mo husgahan ang isang pagkain base sa anyo o hitsura nito ay tikman mo muna. Saka mo sabihin sa akin kung hindi ka magbabayad ng isandaang libong piso para sa isang mangkok na meat ball soup na iyan.”
“I-isandaang libong piso?!” Kulang na lang ay masamid siya sa sinabi nitong presyo ng pagkain.
Muli niyang tiningan ang pagkain. Kapag pinagsama niya ang dalawa niyang palad ay ganoon lang kalaki ang mangkok. Tapos tatlong meat ball lang na kasing-laki lang ng bolang ginagamit sa paglalaro ng table tennis. Parang gusto na tuloy niyang umayaw kaya lang ay naihain na ni Antonia ang sinasabi nitong specialty nito na binabalik-balikan ng mga customer nito.
Mahinang tumawa si Antonia. “Alam kong nag-aalinlangan ka na. Pero sige… Ganito ang gawin natin. Tikman mo lang iyan at kapag ang lasa ay hindi pang-isandaang libong piso ay hindi na kita sisingilin. Sige na, tikman mo na.”
“Okay po.” May pag-aalinlangan pa rin siya.
Ngunit maganda ang offer ni Antonia. Hindi na siya talo doon. Pwede niyang sabihin na hindi pang-isandaang libong piso para sa kaniya ang meat ball soup nito at aalis na siya sa lugar na iyon. Sino ba naman kasing tanga ang gagastos ng ganoong kalaking halaga ng pera para sa isang mangkok ng pangkaraniwang pagkain na kayang lutuin ng kahit na sino sa bahay. Nagtataka lang talaga siya kung bakit nahikayat siyang pumasok sa restaurant na ito.
Ngiming ngumiti siya kay Antonia bago niya damputin ang kutsara. Marahan niyang hinati sa dalawa ang isang meat ball. Napaatras siya sabay tayo nang may makita siyang dugong lumabas nang hatiin niya iyon sa gitna. “M-may dugo! Hilaw pa yata ang karne!” Nahihintakutan niyang sabi.
“Sadyang ganiyan ang pagkakaluto niya para mas malasahan mo ang tunay na lasa ng karne…” “P-pero—” “Sinabi ko naman sa iyo, kung hindi mo magustuhan ay hindi kita oobligahin na magbayad.”
May pagkabahalang tiningnan niya ang meat ball soup lalo na ang hinati niyang meat ball. Bahagya pang may umaagos na dugo doon at humahalo na sa sabaw. Huminga siya nang malalim at nagdesisyong umupo ulit. Naginginig pa ang kamay niya nang kumutsara siya ng sabaw na may kasamang kalahating meat ball. Tumingin muna siya kay Antonia bago niya dinala ang kutsara sa kaniyang bibig.
Agad siyang napapikit nang mariin nang maramdaman niya sa loob ng bibig niya ang malambot na meat ball. Tila natutunaw iyon sa ibabaw ng kaniyang dila. Pagnguya niya ay sumabog na ang kakaibang lasa ng meat ball. Nanlaki ang mata niya nang tuluyan niyang malasahan ang naturang pagkain. Mabagal pa niya iyong nginuya habang ninanamnam ang lasa.
Hindi niya maipaliwanag ang lasa ng meat ball soup ni Antonia. Hindi niya pa masabing masarap kaya nang pagkalunok niya ng unang subo ay kinuha pa niya ang kalahati. Nginuya niya iyon nang husto. Ninamnam muli. Sa pagkakataong iyon ay halos mapaiyak na siya sa sobrang sarap!
BINABASA MO ANG
SICK: Part Four
HorrorNagbabalik na ang mga kwentong susubukan na pabaligtarin ang iyong sikmura! [EAT] Tasty, savory and... bloody! [BLACK] Handa ka bang gawin ang lahat para sa pera? Humanda sa larong gusto niya... [SLIT] Mag-iingat sa paglalakad mo nang mag-isa. Nandi...