SLIT [03]

3.3K 131 10
                                    

“SAWANG-SAWA na akong pagtawanan ng lahat dahil mahirap lang ako! Palagi na lang nila akong binu-bully dahil gusot palagi ang uniform ko at dahil pumapasok ako na mabaho! Alam mo ba, papa? Minsan, iniisip ko na sana ay hindi na lang kayo ang naging mga magulang ko! Ayoko nang maging mahirap! Ayoko na—” Natigilan sa pagsasalita si Mayen nang sampalin siya ng tatay niya. Halos tumabingi ang mukha niya sa lakas ng sampal nito at sandali iyong namanhid. May hinanakit sa mata na tiningnan niya ang sariling ama. Nakatiim ang mga bagang nito habang nangingilid ang luha.

“Hindi mo alam ang sinasabi mo, Mayen! Sarili mo lang ang nakikita mo. Makasarili ka! Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin na makita kayong naghihirap at hindi ko maibigay ang gusto ninyo! Puro sarili mo lang ang nakikita mong bata ka! Hindi mo naiintindihan ang sitwasyon natin!”

“Hindi ninyo kami mahal, papa! Dahil kung mahal ninyo kami ay hindi niyo hahayaan na maging ganito ang buhay namin!” Tumayo si Mayen at itinulak ang tatay niya palayo sa kaniya. Kahit nakasuot pa ng school uniform ay nagtatakbo siya palabas ng kanilang bahay.

Wala siyang pakialam kahit wala siyang sapin sa paa. Tumakbo siya nang tumakbo at hindi pinansin ang pagtawag ng tatay niya sa kaniya. Ang gusto lang niya ng oras na iyon ay lumayo at mapag-isa kahit sandali. O mas maganda siguro na huwag na lang siyang bumalik kahit kailan!

Umiiyak na huminto si Mayen sa gilid ng kalsada. May mangilan-ngilan pa ring mga tao ang nasa labas. May nagbebenta ng fishball sa may tabi at mga batang naghahabulan na parang hindi natatakot sa mga naglalakihang sasakyan na dumadaan.

Sininghot niya ang uhog na nagbabantang sumungaw sa ilong niya at pinunasan ang luha gamit ang laylayan ng damit. Sa may ilalim ng tulay muna siya tatambay. Doon ay mag-isa lang siya at makakapag-isip siya ng maayos kung ano ba ang dapat niyang gawin sa ngayon. Kung itutuloy na ba niya ang hindi pagbalik sa kanila o huwag muna.

Tumingin muna siya sa pinanggalingan para masigurong hindi na nakasunod ang tatay niya sa kaniya. Wala na ito. Hindi na niya ito nakikita. Hindi na niya naririnig ang pagtawag nito sa kaniya. Marahan na siyang naglakad dahil tiwala siya na hindi na ito nakasunod sa kaniya.

Ilang minuto lang ang kailangan niyang lakarin para marating ang tulay. Tatlong minuto pa lang siyang naglalakad ay natatanaw na niya agad ang tulay na kaniyang pupuntahan.

Habang papalapit si Mayen sa tulay ay isang kulay puting van ang napansin niyang papasalubong sa kaniya. Medyo tumabi pa siya dahil baka mabangga siya nito. Nabuhay ang takot sa katawan niya nang mapansin niyang nakabukas ang pinto niyon sa gilid at may isang lalaki na parang nag-aabang. Ang tumakbo agad sa isip niya ay iyong puting van na nangunguha ng mga bata!

Kung gaano kabilis ang takbo ng van ay ganoon din kabilis ang ginawa niyang pagpihit at pagtakbo pabalik. Kulang na lang ay kumawala ang puso niya sa sobrang takot ng sandaling iyon. Nararamdaman niya na nasa likuran lang niya ang van dahil dinig niya ang malakas na ugong niyon.

Hanggang sa nasa tabi na nga niya ang puting van at pilit siyang inabot ng lalaking nasa nakabukas na pinto sa gilid!

Malakas na napasigaw si Mayen. “Saklolo! Tulungan ninyo ako!” Mangiyak-ngiyak niyang sigaw.

Pakiramdam niya ay katapusan na niya nang mahawakan siya ng lalaki sa may batok. Sinasabayan lang ng van ang pagtakbo niya.

Inakala niyang makukuha na siya ng mga lalaki pero para siyang nakakita ng isang magiting na tagapagligtas nang makita niya ang tatay niya na patakbong sumasalubong sa kaniya.

“Papa!” malakas niyang tawag dito.

“Mayeeen!” Dama niya ang galit sa sigaw na iyon ng kaniyang tatay. “Bitiwan mo ang anak ko!!!”

SICK: Part FourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon