PINA-TAKE OUT ni Angel ang mga pagkaing hindi niya naubos. Bago siya tumayo sa kaniyang kinauupuan ay tiningnan niya ang pulubi na nakatingin pa rin sa kaniya at patawa-tawa. Itinuturo nito ang brown bag kung saan nakalagay ang mga pagkain niya. Wala pa rin siyang ideya kung paano nalaman ni Black ang nakaraan niya. Marahil ay talagang hindi imposible ang lahat dito dahil sa marami itong pera.
Lumabas na siya ng Jollibee at pinuntahan ang babaeng pulubi. Tumiim ang bagang niya dahil sa nag-uumigting na galit na nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay kaharap niya ang pulubi na naging dahilan ng kamatay ng nanay niya dati. Gusto na niya itong saktan pero hindi pwede sa lugar na ito dahil masyadong maraming tao.
Panay ang turo ng pulubi sa hawak niyang brown bag. Amoy na amoy niya ang mabaho nitong amoy na maihahalintulad niya sa dumi ng tao. Nakakadiri. Nakakasuka. Halos isang dipa na ang layo niya pero naaamoy niya pa rin ang nakakasulasok nitong amoy.
"Pahingi! Gutom na ako! Pahingi!" Matinis ang boses nito. Paulit-ulit nitong itinuturo ang dala niya at hinihimas ang tiyan. Nakasimangot ito na parang nagpapaawa. Sobrang kapal ng grasa sa mukha ng babaeng pulubi na halos hindi na niya makita ang mukha nito.
"Gusto mo ito?" Bahagya niyang itinaas ang brown bag. "Gutom ka na, 'di ba?"
"Oo! Akin na!" Patakbong lumapit ito sa kaniya. Aagawin sana ng pulubi ang brown bag pero iniiwas niya iyon dito.
"Oops! Masyado ka namang nagmamadali. Sumunod ka sa akin. Ibibigay ko ito sa iyo!" pang-uuto niya.
Masayang tumango ang pulubi na may kasama pang pagpalakpak. "Talaga?! Saan? Saan?" Tumalon-talon pa ito. "Basta. Sumunod ka sa akin." Nagpatiuna na si Angel sa paglalakad kahit hindi pa niya alam kung saan niya dadalhin ang pulubi. Malikot ang mata niya dahil naghahanap siya ng lugar kung saan niya maaaring gawin ang unang pagsubok ni Black. Paminsan-minsan ay lumilingon siya sa likuran niya upang makasiguro na nakasunod pa rin sa kaniya ang pulubi. Masayang-masaya ito. Wala itong kaalam-alam na hindi pagkain ang ibibigay niya dito kundi sakit ng katawan!
Halos limang minuto na siyang naglalakad-lakad pero wala pa rin siyang nakikitang lugar. Tagaktak na ang pawis niya at hindi na siya makapag-isip ng maayos. Mabuti na lang at nakasunod pa rin ang pulubi sa kaniya. At maya maya nga ay may nakita siyang makipot na eskinita. Pumasok siya doon at dinala siya sa isang bakanteng lote na puro basurahan sa gilid. Sa tingin niya ay ito na ang tamang lugar. Walang tao at wala ding mga kabahayan kaya hindi nakakatakot na gawin niya ang pagbubugbog niya sa pulubi.
"Dito mo na ba bigay ang pagkain ko? Pagod na ako, e!" Narinig niya ang pagrereklamo ng pulubi.
Gumuhit ang galit sa mukha niya. Pagharap niya sa pulubi ay pinalitan niya iyon ng isang pekeng ngiti. "Dito na. Napagod ka ba? Halika... Kunin mo sa akin itong pagkain mo!" Umatras siya ng ilang hakbang hanggang sa makarating na siya sa gitna ng lote.
Sumunod lang ang pulubi sa kaniya. "Wow! Akin na! Gutom na ako, e!"
Habang papalapit ang pulubi kay Angel ay mabilis na bumalik sa kaniyang alaala ang pagkamatay ng nanay niya. Simula sa pag-agaw ng pulubi sa kaniyang pagkain hanggang sa pagbangga ng truck dito. Hindi niya namalayan na umiiyak na pala siya.
"Akin na ang pagkain ko!" Parang batang inilahad nito ang dalawang kamay.
Nagngalit ang mga ngipin ni Angel. Mariin niyang ikinuyom ang mga kamao at galit na tiningnan ang pulubi. Inisip niya na ito ang pulubing umagaw noon sa pagkain niya. "O, 'eto! Kainin mo!" At isang malakas na suntok ang pinadapo niya sa nguso ng pulubi. Sa lakas ng suntok niya ay napaatras ito at napaupo.
"Bad ka! Ayoko na sa iyo!" Iyak nito habang sapo ang dumudugong nguso.
"Ikaw ang bad! Pinatay mo ang nanay ko!" gigil niyang itinapon sa mukha nito ang brown bag. Tumapon sa kung saan-saan ang mga pagkain na laman niyon.
BINABASA MO ANG
SICK: Part Four
HorrorNagbabalik na ang mga kwentong susubukan na pabaligtarin ang iyong sikmura! [EAT] Tasty, savory and... bloody! [BLACK] Handa ka bang gawin ang lahat para sa pera? Humanda sa larong gusto niya... [SLIT] Mag-iingat sa paglalakad mo nang mag-isa. Nandi...