HINDI inaasahan ni Angel na papatulan niya ang mga sinasabi ni Black. Aminado siya na nasilaw siya sa sampung milyong piso na sinasabi nito na maaari niyang makuha oras na magawa niya ang lahat ng pagsubok nito sa kaniya. Matapos nilang makapag-usap kagabi ay sinabihan siya nito na hintayin niya ang tawag nito ngayong umaga para malaman niya kung ano ang una niyang gagawin. Sa paghihintay niya ng tawag ni Black ay hindi na niya nagawang makatulog. Ala-siyete na ng umaga pero dilat pa rin ang mata niya. Nakahiga siya sa kama habang nakatingin sa kisame at sa isang kamay ay naroon ang cellphone na bigay ni Black sa kaniya. Oo, nakakaramdam na siya ng antok pero ayaw makisama ng mga mata niya at parang hindi siya niyon hinahayaan na matulog.
"Good morning, friend!!!" Napapitlag siya nang marinig ang pagsigaw ni Cecilla. "I'm here na! Bumili na ako ng breakfast!" Hindi siya gumalaw mula sa pagkakahiga. Ngayong may kasama na siya sa bahay ay parang mas gusto na niyang matuloy. Ipipikit na sana niya ang kaniyang mga mata ay siyang pagbukas naman ng pinto ng kwarto.
"Hoy, friend! Bangon na. Sabayan mo ako sa breakfast! Wait kita, ha?" Dumungaw si Cecilla sa pinto at umalis din ito agad. Pakanta-kanta pa ito na parang ang saya-saya nito.
"Puta..." Mahina niyang mura.
Kung kailan matutulog na siya ay saka naman iyon ipinagdamot sa kaniya. Sabagay, hindi naman alam ng kaibigan niya na magdamag siyang gising.
Napipilitan man ay bumangon na lang siya at nagmumog. Umupo siya sa tapat ni Cecilla at nakita niya ang masasarap na pagkain na nasa lamesa. Merong isang buong litsong manok, pancit at tasty bread. May isang box din ng donut. "Ang dami yata nito. Bibitayin na ba tayo?" Matamlay na turan ni Angel sa kaibigan.
"Bibitayin talaga? Grabe ka talaga, friend! E, jumackpot ulit ako kagabi, e. Binalikan ako no'ng rich customer ko at nakakuha ako ng malaking bonus dahil talaga namang hinusayan at nilagyan ko ng puso ang performance ko!" Ngumanga pa ito nang malaki sabay tawa.
"Mabuti pala at may regular customer ka na..."
Kumunot ang noo ni Cecilla. "Anong nangyayari sa iyo, friend? Bakit parang ang tamlay mo? Kulang ka ba sa sex?" Alam niyang pinapatawa siya nito pero hindi niya talaga kayang tumawa lalo na at wala pa siyang tulog. Wala siyang energy.
"Kailan naman nakasama sa basic needs ko ang sex?"
"Ay, ang seryoso! Joke lang, friend. Kasi naman ang tamlay mo diyan. Kanina pa ako nagpapatawa dito pero wala lang sa iyo. E, lagi kayang benta jokes ko sa iyo. Ano nga? May problema ba? Pera ba? Utang ka sa akin. Magkano ba?"
Umiling si Angel. "Wala ito... Hindi lang ako nakatulog ng ayos kagabi. 'Di ko alam kung bakit. Kaya wala akong energy ngayon. Sorry, ha."
"Edi, matulog ka ulit. Wala ka pa namang work, e."
"Hindi na lang siguro. Baka umalis din ako kasi..." Napahinto siya sa pagsasalita nang maramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone sa tagiliran niya. Inipit niya kasi iyon sa gilid ng short at wala siyang bulsa.
Nakatingin si Cecilla sa kaniya at hinihintay na tapusin ang kaniyang pagsasalita.
Inilabas niya ang cellphone at tumatawag nga si Black. "S-sagutin ko lang ito," aniya.
"Wow! New phone?" puna ng kaibigan niya na hindi na niya sinagot.
Lumabas siya ng apartment at doon niya sinagot ang tawag ni Black. Nangangamba kasi siya na baka marinig ni Cecilla ang pag-sasalita niya at magduda ito.
"Ano?" Agad niyang tanong.
"Wala man lang bang magandang umaga muna?"
"Hindi kita jowa, Black. Alam ko kung bakit ka tumawag. Sabihin mo na ang una mong pagsubok para matapos na ito." Pigil niya ang paglakas ng kaniyang pagsasalita.
BINABASA MO ANG
SICK: Part Four
HorrorNagbabalik na ang mga kwentong susubukan na pabaligtarin ang iyong sikmura! [EAT] Tasty, savory and... bloody! [BLACK] Handa ka bang gawin ang lahat para sa pera? Humanda sa larong gusto niya... [SLIT] Mag-iingat sa paglalakad mo nang mag-isa. Nandi...