Chapter 37

8.1K 192 6
                                    

ACE'S POV
Napangisi na lang ako matapos kong maitapon ang huling baraha ko. Halata naman ang pagkadismaya ng lalaking kaharap ko at labag sa loob niyang binigay sa akin ang lahat ng pinusta niya.

"Sorry ka na lang tol pero game is game. Akin na lahat ng 'to." Tumatawa kong sabi at kaagad kinuha ang lahat ng pinusta niya sa lamesa namin.

"Aalis na ako. Magpakasaya ka dyan!" Nagagalit pa niyang sagot at dali-daling umalis.

"Ulul! Talo ka lang e," Sigaw ko pa habang natatawa bago siya makalabas.

Nagsitawanan naman ang mga kasama ko at lumapit sa akin.

"Ibang klase ka talaga pagdating sa sugal, Ace. Bihira lang matalo sa sugal 'yang si Kiko at ikaw pa lang ang unang nakatalo sa kanya." Sabi ni Erick. Isa sa mga kasama ko sa gang.

"Oo nga, brad. Ang lupet mo talaga kahit kailan. Ikaw na!" Sabi naman ng isa pa naming kasama na si Al.

Napangiti na lang ako at sumandal sa inuupuan ko. Kumuha ako ng stick ng sigarilyo sa lamesa at sinindihan ko ito.

"Yun na 'yon? Magaling na siya? Ang bobo nga niyang kalaro. Hindi man lang ako nahirapan." Sabi ko sabay buga ng usok.

"Edi ikaw na ang magaling." Sabat naman ng isa pang kasama namin na si Felix.

Hindi ko nagustuhan ang sinabi niya kaya kaagad akong tumayo at kwinelyuhan siya. Pilit naman akong inaawat ng mga kasama namin dahil sa ginawa ko.

"Anong sabi mo? Iniinsulto mo ba ako?" Sinamaan ko siya ng tingin. Mukha naman siyang natakot sa sinabi ko at umiling ng paulit-ulit.

"J-joke lang naman 'yon, brad. Ano ka ba? Magaling ka talaga sa kahit ano." Sabi niya na halatang ninenerbyos dahil sa akin.

"Ace, kumalma ka nga. Huwag na kayong mag-away. Hindi 'yan makakatulong para sa plano natin." Sabi ni Renz habang inaawat kami.

"Huwag na 'wag mo ulit ako iinsultuhin kundi pasasabugin ko 'yang mukha mo." Pagbabanta ko at bakas ang takot sa mukha niya dahil sa sinabi ko. Kaagad ko namang binitawan si Felix at bumalik na ulit sa kinauupuan ko.

Ang ayoko sa lahat ay iinsultuhin o mamaliitin ako dahil hindi nila kilala ang isang Ace Suarez. Lahat ay kinatatakutan ako kaya walang sinuman ang kumakalaban sa akin. Hinding-hindi nila ako mapapabagsak.

Napatingin na lang ako sa lockscreen ng phone ko at tinitigan ang picture ni Annika. Namimiss ko na siya pati ang maganda niyang mukha at sexy na katawan. Kumusta na kaya siya? Naaalala pa kaya niya ako? O baka palagi na niyang kasama ang pesteng Bryan na 'yon? Iniisip ko pa lang na kasama siya palagi ni Annika ay parang gusto na siyang durugin ng pinong-pino. Mas higit naman ako kumpara sa Bryan na iyon at hindi sila bagay ni Annika dahil sa akin lang siya.

Napahawak ako ng mahigpit sa iniinom kong beer in can kaya nalukot ito sabay tapon ko sa sahig.

"Brad, chill lang sabi. Mukhang may ibang iniisip ka na naman." Natatawang sabi ni Renz at lumapit ito sa akin.

Sanay na sila sa ugali ko kaya hindi na sila nagulat sa ginawa ko.

"Renz, gwapo naman ako 'di ba?" Tanong ko sa kanya.

"Oo naman, brad. Gwapo ka, matangkad at habulin pa ng chicks. Lahat ay nasa sa'yo na." Sabi naman niya at inakbayan ako.

Napangiti ako sa sinabi niya at ipinakita ang picture ni Annika sa phone ko. "Nakikita mo 'tong babaeng 'to? Magiging sa akin din siya brad." Tumango naman siya at kinuha ang phone ko saka ipinakita sa mga kasama namin ang picture ni Annika.

"Bagay sila ni Brad Ace, 'di ba mga tol? Maganda at gwapo kaya perfect match!" Tumango naman ang mga kasamahan ko at natuwa ako dahil dun.

"Bagay na bagay kayo."

"Oo nga. Ipakilala mo sa amin 'yan, ha?"

"I-invite niyo na lang kami sa kasal niyo."

"Gago. Kasal agad? Honeymoon muna bago kasal. Si Ace 'yan e,"

"Tarantado!" Natatawa ko namang sabi na ikinatawa rin nila at natahimik ulit ako.

Nagtatago ako ngayon mula sa mga otoridad at kasama ko ngayon ang iba ko pang kasamahan bukod dun sa mga nakulong kasama si Kuya Aldwin. Ang akala yata nila ay mapapabagsak nila ako pero nagkakamali sila. Gaganti at gaganti ako kasabay nun ay kukunin ko ang lahat na dapat ay para sa akin. Napaghandaan na namin ang lahat at pasensya na lang sila dahil magkakamatayan muna kami bago nila ako mapabagsak. Kailangan kong mailabas sila Kuya Aldwin sa kulungan at si Yohan naman mula sa DSWD. Hindi pwedeng maging miserable kami kaya gagawin ko ang lahat para lang makaganti.

Ang awa ay para lang sa mahihinang tao. Lumaki kaming magkakapatid na kami lang ang bumubuhay sa sarili namin dahil wala namang pakialam sa amin ang ina ko. Ni hindi ko nga nakilala ang tunay kong ama dahil pinabayaan niya na rin kami simula nung ipinanganak ako. Walang magagawa kung awa lang ang paiiralin. Hindi rin ako naniniwala sa salitang pagmamahal dahil kahit kailan ay wala namang nagmahal sa akin. Puro hirap lang din ang naranasan naming magkakapatid simula noon at kami lang din ang nagtutulungan para mabuhay kami.

Para saan pa't magpapatalo ako? Sa mundong ito kailangan mong lumaban at huwag na magpapatalo sa iba. Wala man akong pinag-aralan at least may maipagmamalaki akong itsura at diskarte.

"Nahanda niyo na ba ang lahat?" Tanong ko sa kanila.

"Handang-handa na, brad. Tayo na lang ang kulang." Sagot naman nila.

Napangisi naman ako. "Good." Sagot ko at hinithit ulit ang hawak kong sigarilyo.

"Napatay pala namin kagabi 'yung alagad nila Gideon. Mukhang may iba pang nagmamanman sa atin." Sabi ni Renz.

Napahinto naman ako. "Hmm. Mukhang may iba pang kumakalaban sa atin. Bantayan niyo buong magdamag 'tong warehouse." Sabi ko.

Tumango naman si Renz sa sinabi ko at hindi na siya muling nagsalita pa. Sino naman kaya ang gagong kumakalaban sa akin ngayon? Hindi ba niya ako kilala? Sa tingin ba niya ay mapapabagsak niya ang isang katulad ko?

Nang matapos kaming mag-usap ng mga kasamahan ko ay kaagad akong lumabas ng warehouse at nagsuot ako ng jacket, mask at sumbrero para hindi ako makilala ng kahit na sino. Baka mamaya ay maisahan pa ako ng mga pulis.

Naglalakad ako papunta ngayon sa isang customer ko na bibilhan ko ng mga iba pang gagamitin namin sa oras na umatake kami. Hindi ko na ginamit ang motor ko dahil malapit lang naman iyon. Habang naglalakad ako ay may isang pamilyar na babae ang lumabas sa isang restaurant kasama ang isang pang lalaki.

Si Annika 'yung babae.

Napakuyom ako ng kamao nang makita ko kung sino ang kasama ni Annika. Hanggang ngayon ay lapit pa rin siya ng lapit sa future girlfriend ko?

Gusto kong suntukin at patayin ang lalakeng kasama niya pero hindi ko magawa. Kalma Ace, makakaganti ka rin sa lalakeng 'yan at sisiguraduhin ko na hindi na siya muling makakalapit pa kay Annika.

Tinitigan ko lang sila mula sa malayo at nakikita ko kung gaano kasaya si Annika habang kaharap niya si Bryan. May gusto ba siya sa lalakeng iyan? Bakit nung magkasama kami ay hindi niya ako mangitian ng ganyan? Biglang sumikip ang dibdib ko dahil sa naiisip ko. Kaagad akong nagtungo sa ibang direksyon na hindi nila ako makikita bago ko pa masugod ang lalakeng 'yon.

Habang naglalakad ako pakiramdam ko ay natalo ako sa laban na hindi ko napaghandaan. Hindi ko matanggap na nalalamangan ako ngayon ng iba at doon pa sa babaeng nagugustuhan ko. Hindi ko matanggap ang katotohanan at hindi ako papayag na matatalo lang ako ng ganito. Si Ace Suarez ay hindi matatalo ng kahit na sino.

Hindi ako tumatanggap ng pagkatalo. Hindi.

-
Hindi ako makatulog kaya nag update na lang ako kahit may work pa mamaya hahays. Salamat pa rin sa patuloy na nagbabasa nito :)

Danger AlleyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon