KABANATA 1

318 6 0
                                    

Kabanata 1:

Taong 3050

"Mga bata pumasok kayo rito, bilisan niyo!" pagtawag ng isang babaeng mayroon nang katandaan. Pilit niyang pinapapasok ang mga bata sa isang bomb shelter para sa darating na air raid. Maririnig sa paligid ang alingawngaw ng mga sirena at anunsiyo mula sa radyo ng sandatahang lakas. Paparating na ang mga eroplanong nagbabagsak ng malalakas na bomba. Nagtago ang lahat, at nagsumiksik sa mga gilid. Matinding takot at pangamba, iyon ang nararamdaman sa loob ng isang bomb shelter habang sa kanilang ulunan imbis na masasayang panaginip ang kumakalat ay mga pulbura ng sumasabog na bomba.

Pagkatapos ng air raid ay maamoy sa paligid ang pinaghalong amoy ng pulbura, dugo at basura sa paligid. Nag-iiyakan ang mga bata at kababaihan. Nagkalat ang mga patay na katawan at mga nasirang bahagi ng mga bahay at gusali. Nanlilimahid ang lupa maging ang ilog na napuno na ng grasa at basura.

"Nay, ano po ang mundong iyon" tanong ng isang apat na taong gulang na bata habang hawak niya ang isang painting na natagpuan sa isang gumuhong gusali. "Tulip Fields, Claude Monet, 1886" pagbasa naman ng kaniyang nanay. 

"Kuwento ng aking lola, ang larawan daw na iyan ay ang ating mundo dati. Kapag tumayo ka lang daw ay matatanaw mo sa maging sa kalayuan ang napakaraming magagandang bagay. Mga puno, bulaklak, damo, mga ibon, mga paru-paro, maaliwalas na kalangitan, kabundukan at madami pang iba." masayang pagpapaliwanag naman ng ina sa kaniyang anak. "Gusto ko rin pong makakita ng mga puno at bulaklak, pati yung maliwalas po na kalangitan. Dito po kasi sa atin palaging madilim. Hindi ko pa po nakita ang langit." sabi naman ng bata sa kaniyang ina at saka siya nagpout.

"Kapag malaki ka na, magiging katulad ka ng iyong tatay. Balang-araw makikita mo rin ang langit anak" wika ng nanay at saka niya hinaplos ang balat ng anak sa kamay nito. "Talaga po nay? Wala na pong mga usok? Makakakita din po ako ng bulaklak?" masayang-masayang sunod-sunod na tanong ng bata. "Oo naman anak" wika naman ng kaniyang nanay at saka ito napaubo dahil sa kapal ng usok sa kanilang paligid.

Nagsisigawan ang mga tao. May ilang nga pilit pumapasok sa loob ng mga gusali upang humanap ng pagkain, ngunit hinaharang sila ng nga sundalo at kung sino mang magpumilit ay babarilin. "Ang gusaling ito ay pagmamay-ari ng pamahalaan, ang sino mang magtangkang pumasok ay mamamatay" anunsyo ng isang sundalong nagbabantay sa building gamit megaphone, ngunit napakarami pa ring mga tao ang nais makapasok dahil doon nakatambak ang mga inirarasyon na pagkain. Ilang mga asawang babae ang umiiyak kasama ng kanilang mga anak habang hawak nila sa kanilang bisig ang namatay na nilang padre de pamilya.

Sa isang napakalaking kwarto naman kung saan nakasabit ang iba't ibang bandila ay nagpupulong ang ilang mga pinuno. "Hindi ba't matagal na kaming naglabas ng proposal sa programa na 'to? Dati ay hindi niyo kami pinakinggan, tapos ngayon ay ibabalik niyo at aangkinin niyong inyo?" sigaw ng isang pinuno at isinuntok pa niya ang kaniayng kamao sa mahabang lamesa. Hanggang sa lahat na sila ay nagsisigawan at nagsisisihan sa lahat ng mga nangyayari. Walang nabubuong solusyon. Puro galit at poot lamang ang nasa puso ng mga tao.

Giyera, magulo. Basura, marumi. Makapal na usok, madilim at tila ba hindi na sumisikat ang araw. Ito na ang kalagayan ng daigdig matapos mawala ang labin-tatlong bato na nagbibigay balanse sa lahat ng bagay sa mundo isandaan taon na ang nakakaraan. Labin-tatlong bato na hinihintay ng mga tao na mahanap gamit ang natitirang heart stone na tinataglay ng isang mandirigmang demigod sa Realm of Gods.

Nagpatuloy ang pagbomba. 'BOOM!' pagsabog ng bomba sa ibabaw ng isang bomb shelter. Yumanig ang lupa kasabay ng pag-iyak ng isang batang kasisilang lamang na nakabalot sa isang maruming kumot sa pinakasulok ng shelter. Lumabas sa balat nito sa balikat ang isang kakaibang ilaw at enerhiya na kumalat sa buong shelter at nagpasabog sa mga eroplanong natapatan nito. "Isang demigod" bulong ng isang matandang babaeng nakasuot ng maduming damit at uugod-ugod na kasabay ng kaniyang paghalakhak na tila nababaliw na. "Malapit nang sumikat muli ang buwan!" sigaw pa niya at sumayaw siya sa gitna ng shelter sa labis na tuwa, hindi naman siya pinansin ng mga tao dahil kilala ito bilang isang baliw.

Lucky 14Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon