025. The Orphan Who Lived

5.4K 422 63
                                    

Mula sa pinagtataguan ni Gwen sa likuran ng ampunan, kitang-kita niya kung paano lamunin ng naglalagablab na apoy ang lugar kung saan siya lumaki. Madilim ang kalangitan dahil hatinggabi na, pero nagliliwanag ang paligid dahil sa malakas at malaking baga mula sa gusaling nagsilbing tahanan ng mga batang hindi biniyayaan ng pamilyang mag-aaruga sa kanila. May kalayuan sa mga kasunod na bahay ang lugar, kaya hindi agad makakarating ang saklolo para sa mga taong naiwan pa sa loob.

Kahit pa gusto niyang gumawa ng paraan, alam niyang wala rin siyang laban sa mga lalaking nakapalibot sa lugar na siya ring may kasalanan kung bakit unti-unti nang tinutupok ng apoy ang lugar na itinuring niyang tahanan.

Musmos lamang siya, at walang magagawa para mailigtas ang mga kaibigan at mga madreng kasama niya at itinuring niyang pamilya sa loob ng siyam na taon.

Gustong sumigaw ni Gwen noong mga sandaling iyon. Punong-puno ng galit ang buong sistema niya, lalo na nang makita ang mukha ng lalaking nanguna sa pagsunog ng ampunan.

Matangkad ito, malaki ang katawan, matulis ang ilong, manipis ang mga labi, may matalim na panga, at may takip ang kaliwang mata. Tumatawa pa ito habang pinapanood ang pagkasira ng ampunan, at pinakikinggan ang mga sigaw ng mga taong naiwan at nagdurusa sa loob.

Dahil sa mga naririnig ay mas lalo pang humikbi si Gwen, dahilan para makalikha siya ng tunog na narinig ng mga lalaking sinusunog ang ampunang kumupkop sa kanya.

Nanlaki ang mga mata niya lalo na nang makita niyang nakatingin na sa direksyon niya ang nakakatakot na lalaking may takip ang kaliwang mata, kaya agad siyang tumayo mula sa pinagtataguang kumpulan ng mga halaman, at mabilis na nagtatakbo diretso sa malawak na kagubatan.

Naghahalo ang takot, galit, at panlulumo sa loob ng puso at isipan niya. She was just a nine-year-old girl back then, and she needed an adult to save her. But there was no one to help her, so she had to mature right at that very moment in order to survive.

Nagkakandasugat-sugat na ang katawan niya habang tumatakbo sa masukal na kagubatan, pero ininda niya iyon lahat. Ang tanging nasa isipan niya lamang ay ang makalayo sa mga taong iyon at mailigtas ang sarili.

Naalala niya ang sinabi sa kanya ng Mother Superior na siyang nagturo sa kanya na magbasa at magsulat. "Kahit anong mangyari... Kailangan mong mabuhay, Gwen. Ipangako mo sa 'kin..."

Habang tumatakbo, umagos ang luha mula sa mga mata niya. Noong mga sandaling iyon lamang niya naintindihan ang sinabi ng madre. At tama siya, kailangan niyang mabuhay.

Pero dahil musmos pa ang katawan, nakaramdam na ng pagod si Gwen. Kabisado niya ang kagubatan na iyon, lalo na't madalas ay naglalaro sila doon o kaya ay nangunguha ng kahoy. Nakita niya ang isang nabubulok nang puno, at agad na nahiga sa lupa at nagtago sa pagitan ng mga malalaki nitong ugat.

Nang marinig niya ang mga yabag ng mga lalaki na palapit na sa kanya, ipinikit na lamang ni Gwen ang mga mata. Sa loob-loob niya, iniisip niyang iyon na ang katapusan niya.

Pero lumipas ang ilang segundo, at nagsimula nang lumayo ang mga yabag ng paa mula sa pwesto niya. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata, lalo nang marinig ang tinig ng mga lalaking naglalakad na palayo sa kanya.

Hinintay ni Gwen na makalayo sa kanya ang mga ito, hanggang sa hindi niya na marinig ang boses ng mga lalakng tinatakbuhan nyia. Nang masiguradong wala na sila, napaupo siya sa lupa, at isinandal ang likod sa puno kung saan siya nagtago.

Napapikit siyang muli at huminga nang malalim, pero nanlaki ang mga mata niya nang bigla na lamang may isang kamay na lumapat sa bibig niya.



********



The Paramount Code (The Odd Ones, Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon