Kabanata 1

141 4 0
                                    

Kabanata 1

Bundok

I hate green. Kung kaya hindi ko gusto ang buhay sa bundok. Hindi ko gusto ang mga matatayog na puno at tahimik na lugar. Alam kong hindi mayaman ang pinagmulan ni Mama. Palagi nyang kinekwento sa'kin lahat ng pinagdaanan nya noong maliit pa sya. Kung anong buhay ang naranasan nya. Base sa mga kwento nya, marami syang hindi magandang ala-ala sa bundok kaya hindi ko maintindihan kung bakit sa huli ay nagpasya syang bumalik muli doon.

Mabigat ang loob ko habang nakasakay sa truck na inarkila na Mama na naglalaman ng mga gamit namin. Muli kong sinulyapan ang apartment na kinalakihan ko. Hindi ko makapa sa dibdib ko kung ano ang mararamdaman ko.

Apat na oras lang ang byahe patungong Sacobia pero hindi ko kabisado ang sasakyan kung magko-commute lang ako dahil kahit taon-taon kaming nagpupunta doon ay lagi naman akong tulog sa byahe. Ang huling punta ko doon ay nung gumraduate ako sa elementary. Sa mga sumunod na taon ay hindi na kami nakabalik. Gusto ni Mama na doon ako manatili tuwing bakasyon pero hindi ako pumapayag.

"Okay ka lang, anak?" tanong ni Mama. Nasa harap kami ng truck, katabi ang driver.

Tipid akong ngumiti sa kanya. Bigla kong naalala si Elaine. Iyak siya nang iyak kahapon ng magpaalam ako sa kanya.

"Pasensya ka na, anak. Alam kong mamimiss mo si Elaine. 'Wag kang mag-alala, makakahanap ka din ng bagong kaibigan sa Sacobia," pag-aalo ni Mama.

Si Elaine lang ang naging kaibigan ko, bukod sa magkatabi lang ang bahay namin dahil sila ang may-ari ng apartment na tinutuluyan namin. Naging magkaklase kami simula elementary. Mabait at palakwento si Elaine. Batid ko ang pagiging slow nya pagdating sa pag-aaral kaya naman inaalalayan ko sya minsan.

"Pwede bang 'wag na lang kayo umalis dito Tita?" pakiusap nya kay Mama. "Pwede ko naman pakiusapan si Mommy na babaan ang bayad ng upa nyo dito," hirit pa nya.

Kahit na gusto ko din himukin si Mama na tanggapin na ang inaalok ni Elaine ay nanahimik ako. Hinintay ko kung ano ang irarason nya dito.

"Maraming salamat, hija. Gustuhin ko mang manatili dito ay hindi na pwede. Wala ng mag aasikaso sa Lola ni Samantha sa probinsya eh," aniya.

Hindi dinetalye ni Mama kung ano ang nangyari kay Tita Lucy. Basta sinabi lang nya na umalis ito na ito sa bahay ni Lola.

"Elaine, pakisabi na lang sa Mommy mo na maraming salamat.."

Nailigpit ko ang lahat ng gamit ko kagabi na umiiyak si Elaine. Ramdam ko ang bigat sa dibdib nya habang tinutulungan akong ligpitin ang lahat ng 'yun lalo na ng ilagay namin ng sabay ang mga gamit na binigay nya.

Pinalis ko ang luhang hindi ko napansin na umagos sa pisngi ko. Naramdaman ko ang pagpisil ni Mama sa kamay ko. Sumandal ako sa balikat nya hanggang sa makatulog ako.

Saktong apat na oras lang ang naging byahe namin. Magdidilim na ng makarating kami sa Sacobia. Pag-ihip ng malakas na hangin ay sumama ang amoy ng mga nabasang dahon.

Malalim ang hiningang pinakawalan ko. Kasabay ng tuluyang pagdilim ng langit ay ang pagdilim din ng paligid. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa iilang bahay na nakikita kong tanging gasera lang ang ginagamit na ilaw.

Napailing ako. Natatanaw ko na ang simbahan. Dahil hindi naman araw ng Linggo ay madilim din pati sa parteng iyon. Habang binabaybay ng truck ang paahon na daan patungo sa bahay ni Lola ay pinagmasdan ko ang paligid. May mga napansin akong pagbabago katulad na lamang ng malaking bahay bago ang simbahan.

"Anak, nandito na tayo.." sabi ni Mama.

Sa tabi ng tindahan ay natanaw ko si Robin, pinsan ni Mama pero kaedad ko lang. Nakangiti syang lumapit sa'min.

The One That Got Away (Book 1 of The One Trilogy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon