Sa isang munting butil nagsimula
Dito rin babalik ang nawawala
Iba't ibang dahon ang nahuhulog
Samu't sari rin ang nahuhubog
Kahapon at kasalukuyan,
Isang kabalintunaan ng pagpapanggap
Minsa'y nagkakaunawaan,
Madalas nagbubulag-bulagan
Hindi nakikita ng karamihan
Ang nauunawaan ng ilan
Tila isang taong nabubuhay sa kalinga
Naghihintay na lamang
Kung ano ang pinaniniwalaan ng lahat,
Pakiwari nila'y gayundin ang tumpak
Nakalulumbay lamang isipin
Ang ila'y nanatili pa rin sa dilim
Tayo ang may-akda ng ating nobela
May sari-sariling mga kabanata
Isinilang mula sa iba't ibang mito
Nilikhang magkakaiba ang mga perspektibo
Hindi masisisi ang pananaw
Pawang isang karagatan
May matayog na kalawakan
May dako ring mababaw
Madalas nasusulyapan ang buwan
Labis na kahiwagaan at kariktan
Sa kabila nito, mayroon ding lamat
Ngunit sa ilan, ito'y nananatiling alamat
Maaaring ito'y magkatugma sa tao
Mayroon ding pagkukulang at depekto
Subalit natatakpan ng marilag na katangian
Bukod-tanging nagbibigay ng kanyang kabuluhan
Datapwa't walang mintis ang kataliwasan
Sapagkat iba-iba ang kalaliman ng karunungan
Mayroong mas pipiliing bumungkal ng ugat,
Sa halip na magdilig na lamang ng bulaklak