Ilang dekada na kaya ang nakalipas?
Kay lamig pa rin ng simoy ng hangin
Naging matulin na rin ang oras
Kasabay ng paglubog ng bahaghari
Isinilang ka sa puno ng bayabas
Ang mga dahon mo'y dito na rin kumupas
Subalit nananatili ang iyong putong
At kailanma'y hindi ito lulubog
Dinala mo ako sa mga tuktok ng nayon
Sa pamamagitan ng tatlong gulong
Pinakilala mo ako sa iyong mga alaga
Tunay na ako'y iyong pinaligaya
Nakalulumbay lamang isipin
Niisa, hindi ka biniyayaan ng supling
Nguni't minahal mo pa rin kami nang tapat
Higit pa sa inaasahan naming lahat
Simpleng barya lamang ang iyong binigay
Subalit mga nararamdaman nami'y dalisay
Pinadama mo sa amin ang katiwasayan ng lobo
Sa dahilang ika'y katutubo na sa mundong ito
Hinding hindi ko malilimutan ang iyong ngiti
Sa kabila ng kakulangan ng iyong mga ngipin
Saan ka man mapadpad sa kasalukuyan,
Ika'y mananatili sa puso namin, magpakailanman.