Pinasadahan ko ng tingin ang aking sarili mula sa full-length mirror. Suot ko ang bunny suit na ginamit ko sa play noong first year college ako. Combination iyon ng white and pink with matching bunny ears na de supel. Wala akong mabiling bunny teeth kaya pinagtiyagaan ko na lang ang mala-bampira kong mga ngipin.
"Wow, ang cute naman ng anak ko!" komento ni Mamita na napapalakpak pa. "Sigurado ko na ikaw ang mag-uuwi ng first prize sa party na 'yun!"
"Sus. Eh hindi naman po contest 'yun, Mamita. Party po iyon ng pinsan ni Paul." Hindi ko naiwasang mapangiti nang banggitin ang pangalan niya. "Hay, sana nga po makausap ko man lang siya ngayon eh."
"Mag-joke ka agad 'pag nakita mo siya." Kumindat si Mamita. "Weakness ng boys ang kuwelang mga babae."
"Hindi ko na po kailangang mag-joke, Mamita," sabi ko naman. "Pagmumukha ko lang po ay isang malaking joke na."
"Lumubay ka nga." Saway ni Mamita. "Basta sa akin ay ikaw ang pinakamagandang bunny."
"Hay," buntong-hininga ko habang nakayakap sa kanya. "Nanay nga talaga kita."
Hinatid ako ni Mamita hanggang sa labas ng bahay. Wala naman kaming four wheels kaya nag-dyip lang ako papunta sa bahay nina Maggie. Pinagtitinginan ako ng mga kasakay kong pasahero pero inisip ko na lang na na-cute-an sila sa akin.
"Mommy, look!" turo pa sa akin ng isang batang lalaki pagkapara ko. "Ang pangit ng bunny!"
Pinandilatan ko siya ng mata at pinandilatan rin ako ng mata ng mommy niya. Bumaba na ako bago pa niya ko tuluyang mabugbog. Malayo-layo pa ang nilakad ko papasok sa may sudvision kung saan nakatira si Maggie. Pagdating ko roon ay halos matanggal na ang tutuli ko sa lakas ng tugtuging sumalubong sa akin. Noong una ay nag-alinlangan akong kumatok pero kumatok na rin ako. Pinagbuksan ako ng isang babaeng nakasuot ng Frill Out Bandeau Mini Dress. May hawak siyang cocktail glass na may lamang alcoholic drinks.
"What the fuck!" Bumulanghit siya ng tawa nang makita ako. "What is that thing that your wearing, weirdo?"
Napakunot-noo ako at pinaglipat-lipat ang paningin ko sa suot kong bunny suit at sa suot niyang dress. Sumilip ako sa bukas na pinto at nakita kong katulad ng babaeng sumalubong sa akin ay puro dress at duffle coats ang suot ng karamihan sa mga bisita. Pero ang sabi sa akin ni Maggie ay costume party raw ito di ba?
"Well, you came!" si Maggie na bigla na lang sumungaw sa bukas na pinto. Suot niya ang binili naming Metallic Blazer dress. Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa at kagaya ng babaeng nagbukas sa akin ng pinto ay bumulanghit rin siya ng tawa. "And you're a bunny, my goodness!"
"Ah, eh, sabi mo kasi costume party ito di ba?" Napakamot ako ng ulo. "A-anong nangyari?"
"Change of plans, my dear," nakangisi pa ring tugon niya. "Come on, pasok na!"
"Um," napalunok ako. "T-teka, b-babalik na lang siguro ako."
Gusto ko sanang umuwi para magpalit, pero biglang hinablot ni Maggie ang kamay ko. Sapilitan niya akong hinila papasok sa kanyang bahay. Sinubukan kong pumiglas, pero hindi niya ako pinakinggan.
"Fellow party-people, may I take a moment of your time to introduce this very unique party guest we have right here," anunsyo ni Maggie na nakapagpatigil sa walang kawawaang pagsasayaw at pag-inom ng kanyang mga bisita. "The Velveteen Rabbit, everyone."
Umalingawngaw ang nakabibinging tawanan at halakhakan ng mga bisita ni Maggie. Mas nakabibingi pa iyon kaysa sa musikang bumungad sa akin kanina pagdating ko roon. Parang biglang nanliit ang pakiramdam ko.
"Si Velveteen Rabbit ba 'yan?" sigaw ng isang lalaking bisita na halatang lasing na. "Ang akala ko kasi si Dracula!"
Muling umalingawngaw ang nakabibinging tawanan. Pahiyang-pahiya ang pakiramdam ko. Nang luminga ako ay nakita ko si Paul sa isang tabi na tahimik na nakamasid sa akin. Hindi ko alam kung naaawa siya o ano. Basta pinigil ko na lang na hindi maiyak.
"E-Excuse me," sabi ko kay Maggie. "Salamat sa pag-invite sa akin sa party mo, pero uuwi na ako."
Malalaki ang hakbang na lumabas ako ng kanyang bahay. Hanggang sa labas ay dinig na dinig ko ang malalakas na pa ring tawanan ng mga bisita niya. Tumingala ako para pigilin ang pagpatak ng mga luha ko. Gusto-gusto kong tawagin si Gin. Ngayon ko siya kailangan. Kaso naalala kong galit nga pala siya sa akin.
"Ella?" tawag ng isang pamilyar na tinig. Nang lumingon ako ay nakita ko si Paul na nakatayo sa likuran ko. "Ella, OK ka lang ba?"
Gusto kong matuwa dahil sinundan niya ako, pero hindi ko magawa. Nang mga sandaling iyon ay sobrang pangit ng pakiramdam ko. Kahit ano pang dahilan ni Paul para sundan ako ay hindi na mahalaga dahil alam kong at the end of the day ay pangit pa rin naman ang tingin niya sa akin.
"OK lang ako, Paul." Sisighot-singhot na sabi ko sa kanya. "Sige na, bumalik ka na sa loob."
Magsasalita pa sana siya, pero tinalikuran ko na siya. Parang walang kinabukasan na naglakad na ako palayo sa lugar na iyon. Malungkot na sinundan na lamang ako ng tanaw ni Paul.
BINABASA MO ANG
OPPOSITE WISHES
FantasyElla is a free-spirited, hopeless romantic, twenty-year-old girl na gustong gumanda, gustong paibigin si Paul, gustong yumaman, at gustong makita ang tatay niya. She was given a chance to fulfill her wishes sa pamamagitan ng isang shooting star. But...