"ELLIE, nakita mo na ba ang sarili mo titigil sa pasusulat?"
"Oo naman. Kapag may writer's block ako kahit mag-tumbling pa ako—"
Natigilan si Ellie at humarap sa kanya. Ibinaba nito ang watermelon juice na iniinom at mataman siyang tiningnan. Matapos ang nangyari kanina sa elevator ay mas naging buo na ang kanyang pasya. Hindi na siya muli pang pipirma sa Pages of Love para sa ikatatahimik nilang dalawa ni King.
Nang dahil sa munting halik na iyon ay nagawa na ng binata na gibain ang pader na itinayo niya upang bakuran ang sarili laban dito. Kahit saang anggulo tingnan ay siya ang talo sa laban na iyon. Siya naman kasi ang patuloy na nagmamahal sa lalaking galit sa kanya. Kung bakit ito galit ay hindi pa rin niya alam ang dahilan hanggang ngayon. At kung tutuusin ay wala na siyang balak na alamin pa.
"Wait, that's not what you're talking about, right?" tanong ni Ellie sa kanya. Ngumiti siya ng tipid at tumingin sa mga turistang nagliligo sa dagat. Mas pinili nilang magpahinga muna sa mga upuan na gawa sa rattan kaysa maglakad-lakad sa ilalim ng tirik na tirik na araw. "Magku-quit ka na? Bakit?"
"Gusto ko lang magpahinga," sagot niya. That was partly true. Napapagod na siyang mamuhay na tila isang robot. Gigising, susulat, matutulog. Iyon ang naging routine niya magmula nang namuhay siyang mag-isa.
"Pwede mo naman sabihin kay Sir King 'yan pero bakit kailangan na huminto kang magsulat? Pwede ka naman sigurong humingi ng pahinga sa kanya?"
Tumingin siya kay Ellie at seryoso naman itong nakatingin sa kanya habang hinihintay ang kanyang magiging sagot. "Paano kung siya ang dahilan kung bakit ako napagod?"
Nagtatanong ang mga mata nito at pilit na iniintindi ang kanyang sinabi. "May hindi ka ba sinasabi sa akin, Dia? May dapat ba akong malaman?" seryosong tanong nito. Kung tutuusin ay pilya si Ellie pero kapag kailangan niya ng seryosong kausap ay hindi naman siya binibigo nito.
"Naaalala mo pa ba 'yung ex-boyfriend ko na naikwento ko sayo noon?" panimula niya.
Tumango ng sunud-sunod si Ellie. "'Yung basta na lang umalis at pumunta ng Canada?"
"Oo," pagkukumpirma niya. "Si Sir King ang lalaking 'yon."
Ang akmang pag-inom ng juice ni Ellie ay nabitin sa ere dahil sa isiniwalat niyang iyon. Ang mga mata nito ay talaga namang nanlaki at noon lang niya nakita na naubusan ng sasabihin ang madaldal na kaibigan.
"Hindi ko alam na lolo niya ang may-ari ng Pages of Love 'nung unang beses akong pumirma ng kontrata. And last year, when he took over his grandfather's position, iyon ang unang beses na nagkita ulit kami pagkatapos ng halos apat na taon."
"Si Sir King ang dahilan kung bakit naging madalang ang pagpunta mo sa office? Kung bakit tuwing sa monthly meeting ka lang nagpapakita? Kung bakit lagi kang nagmamadali na umuwi pagkatapos?"
Panay tango lamang ang kanyang naging sagot. Alam niya na maraming nakahalata sa naging pagbabago niya magmula nang dumating si King sa Pages of Love pero wala ni isa ang nagtanong sa kanya. At kung may maglakas-loob man ay kung anu-ano lang ang sagot ng binibigay niya.
"Nag-usap na ba kayo?" tanong ni Ellie mayamaya sa kanya. Siya naman ang nagulat sa tinuran nitong iyon.
"Ano naman ang dapat naming pag-usapan?"
"You know, the past?"
Umiling siya. "Para saan pa? Ilang taon na rin ang nakalipas, Ellie."
"Pero, Dia, baka naman kasi valid ang reason niya? You know, give him the benefit of the doubt."
Napaisip siya sapagkat may punto naman si Ellie ngunit ipinagkibit-balikat lamang niya iyon. "May magbabago ba kung sakali?"
"Meron, marami," puno ng kompiyansang sagot nito.
BINABASA MO ANG
The Ex-Tension
RomanceMay tension sa pagitan ni Chandria at ng ex-boyfriend niyang si King. Pareho silang galit at sinisisi ang bawat isa sa naging hiwalayan nila noon. Kahit na ayaw na niyang makita ang damuho ay alam niyang imposible iyon sapagkat nagtatrabaho siya sa...