ENTRY #9

51 7 8
                                    

"BULOY"

--

"Ano na group 2!! Diba usapan natin ala una? Alas tres na! Ano, nagpunta kayo dito para nalang sa meryenda? Mahiya naman kayo!"

Hindi pa ako nakakalapit sa mismong meeting place namin ay boses agad ng leader namin ang umaariba. Napailing iling nalamang ako. Sumilip muna ako saglit at nakita ko ang kaklase ko slash tropa na si Annie na nakapameywang pa sa harapan ng mga kaklase namin. Palihim naman akong naglakad sa gilid at umastang kunwari ay hindi bagong dating.

"Ikaw!" Kunot noong turo nito sa akin. Napaturo naman ako sa sarili ko at buong pagtataka syang tinignan.

"Ako?" Kunwari ay maang-maangan pa.

"Loko! Sino pa ba sa tingin mo? Malamang ikaw Michael!" Inirapan nya ako bago muling humarap sa mga kaklase namin. "Kayong lahat! Sa oras na may ma-late pa sa inyo sa susunod, humanap na kayo ng bagong leader nyo!" Galit nyang sabi pagkatapos ay tumalikod na sya sa amin at nagmamadaling naglakad paalis. Napakamot naman ako bago ako nagmadaling hinabol sya.

"Buloy!" Malakas kong pagtawag sa kanya. Tinignan nya ako saglit bago ako muling inirapan habang tuloy tuloy pa din sa mabilis nyang paglakad. "Buloy naman pabebe pa!" Pang aasar ko sa kanya. Automatic syang napahinto at inis akong nilingon. O diba! Alam na alam ko talaga kung ano ang magpapahinto sa kanya e. Ayun ay ang tawagin syang pabebe! Kase kung di nyo nalalaman—si Annie.. One of the boys yan! Katunayan nyan sya lang ang babae sa aming magtotropa at sa aming magtotropa kaming dalawa lang ang magkaklase.

"Tigilan mo ko Michael ha! Isa ka pang late!" Padabog syang umupo sa malapit na bench sa kanya. Tumabi naman ako habang may mahinang pagtawa.

"Na-late kase ako ng gising kaya late ko na din nabasa sa gc na may practice pala hehe." Kumakamot ko pa sa ulong sabi. "ARAY!" Malakas kong daing nang bigla nya akong batukan.

"Hoy! Wag mo kong maloko loko! Kahapon palang usapan na sa room na may practice ngayon!" Nag crossarms pa sya habang nanatiling kunot ang noo.

"Oo na.. Wag ka nang magalit lalo kang gumagand--PEACE!!" Biglang bawi ko nang akmang babatukan nanaman nya ako. "Hoy Annie ha! Hindi porket babae ka di kita sasaktan!" Nagmamatapang kong sabi. Tumayo sya bigla bago mayabang na humarap sa akin na akala mo'y isa syang tambay na tigasin.

"BAKIT? MAY BUTO KANA HA? MAY BUTO KANA?" Tinaas nya pa ang sleeve ng suot nyang t-shirt at tinapik tapik pa ang bicep nya na tila pinagmamalaki sa akin ang braso nyang wala namang kamuscle-muscle.

"Hindi po! Takot ako e." Tumayo na din ako at inakbayan sya bago ko ginulo ang buhok nya. "Punta tayo kila Jonard! Balita ko birthday ng kapatid nya diba?" Pag aaya ko naman sa kanya.

"Oo nga pala!" Nakangiti nitong sagot sa akin.

Ang ngalan nya ay Annie. Buloy kung amin syang tawagin at sa room ay binansagan naman syang maagang ibon na kung sa english ay early bird. Kung may late comer ay sya ang mas first pa sa first comer. Ganun sya kalupet! Matalino din si Annie. Kung kaya't hindi maipagkakailang kapag may mga group project ay sya agad ang nais na maging leader. Maaasahan sya hindi lang bilang isang mabuting kaibigan.. Maaasahan si Annie sa lahat ng bagay.

Maraming mga hindi na mabilang pang mga masasayang karanasan ko sa buhay na kasama si Annie at ng buong tropa namin. Simula nang kami ay magkaisip ay tandang tanda ko pang nakakalaro ko na din sya noon. Magkakapit bahay kami simula pa dati kung kaya't mas naging dahilan ito para maging close kami sa isa't isa.


Biyernes. Pagkadaan ko sa bahay nila Annie ay sumitsit ako at pumalakpak. Ayun kase ang tawagan namin. Hindi pa lumilipas ang ilang minuto ay dumungaw na ang mukha ni Annie mula sa second floor na bintana ng bahay nila. Pumalakpak din ito na senyales na susunod na sya.

Wala kaming ibang pupuntahan kundi sa court upang magbasketball. Pero dumaan muna ako kila Jonard dahil andun pa ang iba pa naming tropa. Nagkwentuhan muna kami na halos nakalimutan na namin ang oras. Nang maalala namin ang usapang basketball ay halos kabado kaming tumakbo papuntang court.

"Patay..." Sabay sabay naming sabi nang maabutan namin doon si Annie na nakabusangot nanaman ang mukha. Ilang segundo nalang at bubuka na ang bibig nya para sabihin ang mga katagang..


"LATE NANAMAN KAYO!"

---

Miyerkules. Papalapit palang ako sa bahay ng tropa ko ngunit may kung anong kirot na akong nararamdaman sa aking dibdib. Bakla na kung bakla pero halos gusto ko nang umiyak.

Napapalibutan ng mga bulaklak at maraming ilaw ang buong bahay nila.. May mga bisita din na nakatayo at yung iba naman ay nakaupo sa labas ng bahay. Bawat hakbang ko ay mabigat sa aking dibdib. Hindi ko mawari kung dapat ko pa bang ituloy ito o hindi na..

Halos kapusin ako sa paghinga dahil sa aking mga paghikbi nang makita ko ang lahat ng tropang andito sa loob ng bahay nila.. Umaawit sila ng paborito naming tugtugin na hindi namin akalain na kakantahin namin ngayon para sa kanya. Kitang kita ang lungkot sa kanilang mga mukha at sakit sa kanilang mga boses habang kumakanta.

Si Jonard ay halos hindi na din napigilan ang pagtulo ng luha habang nag sstrum ng hawak nyang gitara..


Unti unti kong sinulyapan ang pinakamamahal kong kaibigan na halos tinuring ko nang isang tunay kong kapatid. Hindi ko akalaing sa sobrang sigla nya ay may lihim pala syang malalang karamdamang iniinda.


Napayuko ako habang nakapikit at tila napahigpit ang hawak sa isang puti at mahabang kahon kung saan mahimbing na natutulog si Annie..

"Hoy buloy, nasaan ka man
Siguradong kawawa ka, malamang walang alak diyan
Hoy buloy, nasaan ka man
Siguradong hindi ka namin malilimutan

Hoy buloy, buloy, buloy Hoy hoy, buloy
Para bang nalimot mo na
Ang iyong mga sinabi nung ikaw ay buhay pa"


Pinunasan ko ang basang basa kong mga pisngi bago ko sya malungkot na muling tinignan..




"Daya mo naman, buloy e. Sa lahat ng bagay na pwede kang mauna... sa pagkamatay pa."

THE END.

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon