Prologue

390 120 171
                                    

Malalim na ang gabi. Walang bituwin ang kumikinang sa kalangitan subalit ang liwanag ng bilog na buwan ay sadyang nakasisilaw. Isa-isa nang pinapatay ng mga mamamayan ang kanilang mga lampara, ikinakandado mabuti ang pintuan. Subalit sa gitna ng baryo ay may kandilang nananatiling nakabukas. Gayon din ang pintuang tila nag-iimbita ng bisita.

"Ate? Ano'ng nangyari kay Belle nang malaman niyang ikinulong ng halimaw ang tatay niya?"

Ngumiti si Mariel at hinaplos ang buhok ng kapatid. Napabuntong hininga siya bago sagutin ang tanong nito.

"Sinundan ni Belle ang tatay niya at nakipagkasundo si Belle na pakawalan ito. Kapalit noon ay si Belle ang ikukulong ng halimaw, habang buhay." Sagot niya sa kapatid.

Pinagmasdan pa niya ang mukha nito. May kurot sa kaniyang puso na iwan ang kapatid. Subalit kapalit ng kaligtasan nito, dapat siyang magsakripisyo.

"Walang puso ang halimaw na iyon." wika ni Charmaine. Sumandig siya sa kaniyang ate at parehas nilang pinanuod ang pagtakip ng mga ulap sa liwanag ng buwan.

"Mariel, ipasok mo na sa kwarto si Charm."

Napalingon ang magkapatid nang magsalita ang tatay nila. Walang ekspresyon ang mukha nito.

Sumunod na sa loob ng bahay ang magkapatid alinsunod sa utos ng kanilang ama. Nadatnan pa nila sa sala ng kanilang bahay ang mga gamit ni Mariel na inaayos ng kanilang ina. Tulad ng kanilang ama ay wala ring ekspresyon ang mukha nito. Tumingin lamang ito sa kanila at ibinalik na ang tingin sa inaayos na damit.

"Hindi ko ba talaga pwedeng makita kung sino ang susundo sa iyo Ate?" tanong ni Charmaine nang makaupo sa katre. Nginitian siya ni Mariel kasabay ng marahang pag-iling.

"Ang gusto ko, alagaan mo ang sarili mo, ha? Pati na sina inay at itay. Mag-iingat kayo lagi." wika ni Mariel at mahigpit na hinawakan ang kamay ng kapatid.

Hindi pa dumadating ang takdang oras ay para nang gumuguho ang mundo niya. Sobrang bigat ng kaniyang nararamdaman. Niyakap siya ni Charmaine. Doon ay tuluyan nang tumulo ang sakit na kanina niya pa pinipigilan.

"Babalik ka hindi ba?" tanong ng kapatid.

Matagal natahimik si Mariel. Hindi niya alam kung makababalik pa ba siya sa oras na umalis siya sa bahay na ito. Sa paglabas niya rito ay alam niyang isang kulungan ang pupuntahan niya. Kulungan na magbibilanggo sa kaniya habang buhay.

"Pagdating ng panahon, magkikita tayo ulit." Sinikap ni Mariel ngumiti nang bumitaw sa yakap ng kapatid.

Pinahiga na niya ito at binigyan ng halik sa noo bago tuluyang lumabas ng pinto.

"Ginawa ko lahat ng makakaya ko para sa iyo, anak. Ipagpatawad mo kung hindi kita kayang iligtas sa tradisyong ito." ang iyak ng kaniyang ina ang sumalubong sa kaniya. Hindi naman makatingin ang kaniyang ama.

"Wala kayong kasalanan, nay, tay. Kung ito ang kapalaran ko, wala tayong magagawa." niyakap niya ang ina. Matapos iyon ay ang ama naman niya ang niyakap niya.

"Mahal na mahal ka namin anak." sabi ng kaniyang ama at inihatid na siya sa pinto.

Sa labas ay tanaw na niya ang sasakyang magdadala sa kaniya sa kaniyang paroroonan. Mabibigat ang hakbang siyang lumabas sa bahay na kaniyang kinalakhan. Ang bahay na simula ngayon at hanggang kailan ay hindi na niya makikita. Ang pamilya niyang lilipasan ng panahon ay hindi na niya kailanman makakasama. Isa itong parusa na wala siyang kawala.

Isang huling buntong hininga ay umandar ang sasakyan at tuluyan na niyang nilisan ang buhay niya.

"Ate! Ate!"

Napahinto siya nang marinig ang kapatid. Kaagad siyang napalingon sa likod ng sasakyan. At nakita niya ang kapatid niya, humahabol sa sinasakyan niya.

"Umayos kayo ng upo Miss Cruz. Huwag kang magpadala sa nararamdaman mo dahil simula sa araw na ito ay hindi mo na kaano ano ang batang iyon." wika ng babaeng katabi niya. Posturang postura ito na nakaupo. Suot ang itim na bestidang hapit na hapit sa katawan.

Kasabay ng kaniyang luha ay ang pagtalikod niya sa tumatakbong kapatid. Siya ring pagkakadapa ng batang si Charmaine. Punong puno ng luha ang mukha nito habang nakaluhod sa gitna ng kalsada.

"M-Monteriego..."

Humihikbi man at hilam sa luha ay malinaw sa paningin niya ang nakasulat sa likuran ng sasakyang kumuha sa ate niya. Namuo ang galit sa kaniyang dibdib. At sa mura niyang edad ay sinugurado niya sa sarili na hindi matutulad ang kaniyang ate sa mga babaeng nauna nang kuhanin sa baryo nila.

"Ililigtas kita Ate. Hintayin mo ako. Ilalabas kita sa pupuntahan mong impyerno."

[ON-HOLD] 𝐁𝐑𝐈𝐃𝐄 𝐎𝐅 𝐓𝐇𝐄 𝐁𝐄𝐀𝐒𝐓 [ #Mus-alonlymAward20 ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon