Chapter 17: Please

1.3K 56 29
                                    


      Tensyonadong nakaupo sa kama ng malaking silid si Gabbie. Nakaligo at nakapagbihis na rin siya pero ayaw mawala ng kaba sa dibdib niya. Iniisip niya kung paano niya pakikiharapan si Phoenix.

      Ang tindi kasi ng page-engot niya. Hindi lang siya nakuntento na sinundan ito sa probinsiya, yumakap pa siya rito na parang linta!

      Nanghihina niyang nasapo ang ulo. Ano nang nangyari sa ipinaglalaban niyang pagmo-move on? Ang pagmamaganda at pagngangalngal niya kahapon? Juskolerd! Kahiya-hiyang tunay!

      Inis siyang napasabunot sa sarili. So, ano nang plano niya ngayon?

      Ilang sandali rin siyang nagtumanga bago nagbuga ng hininga at umiling. Wala. Wala siyang maisip na plano. Hindi talaga maaasahan ang lohika niya. Kung kailan dapat alive, alert and enthusiastic at nagpapabibo, doon naman tumitirik. Lintek!

       Nilingon niya ang bintana. Madilim na sa labas. Kung may ipinagpapasalamat siya sa sitwasyon niya nang mga oras na 'yon, 'yon ay ang nakita niya si Phoenix bago gumabi.

      Ipinaikot niya ang tingin sa loob ng kwarto. Kulay abo ang carpet ng silid, gaya ng kulay sa master's bedroom ng penthouse. Ang four poster bed na kinauupuan niya, gawa sa matibay na kahoy at nababalutan ng puting kubrekama. Mayroon ding dalawang bedside table na gawa sa kahoy. Sa ibabaw niyon, naroon ang dalawang table lamps, ang isa nakasindi ang isa hindi. Tumayo siya at tinungo ang french door sa kanyang likuran. Tama siya ng hinala, patungo iyon sa azotea na noon ay hindi pa naiilawan. Naisip niya tuloy kung saang view kaya iyon nakaharap. Sa bandang kanan, naroon ang banyo. Sa tabi niyon, mayroong isa pang pinto na sa hula niya ay ang walk-in closet. At base sa mga bath essentials na nakita niya sa banyo kanina, lalaki ang may-ari ng kuwartong tinuluyan niya.

      Napaigtad pa siya nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Iniluwa niyon ang bulto ni Phoenix. Sandali silang nagkatinginan bago nito tuluyang isinara ang pinto. May kinapa ito sa dingding malapit sa pinto. Ilang sandali pa, bumaha ang liwanag sa kwarto.

      Agad siyang yumuko. Namumbalik sa kanya ang kahihiyan ng lahat ng hanash niya mula pa kahapon.

       "Ayos ka na?" anito, seryoso.

       Marahan siyang tumango. Maliban kasi sa nahihiya siya, kumakabog na naman ang dibdib niya dahil nasa malapit lang ang masungit.

      "Gabbie, look at me," utos nito maya-maya. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin upang mapasinghap lamang nang makita niyang nasa tapat na niya mismo ito, seryosong nakatingin sa kanya. Nagpa-panic siyang umatras ng ilang hakbang. Nangunot-noo ito. "Sigurado kang okay ka lang?"

      "H-ha? O-oo," alanganin niyang sagot bago muling yumuko. Inabala niya ang sarili sa pagkusot ng laylayan ng kanyang blouse.

       "You don't look fine to me," anito, humakbang ulit patungo sa kanya. Umatras naman siya ulit. "You want me to call a doctor?"

       Muli siyang nag-angat ng tingin, "H-hindi na," tanggi niya bago muling umatras. Nang muling humakbang si Phoenix palapit sa kanya, umatras siya ulit. Kaso, dingding na ang naatrasan niya. Lalo siyang nataranta. Juskolerd! Nakorner na siya!

       Huminto si Phoenix sa mismong harapan niya. Wala tuloy siyang choice kundi salubungin ang titig nito. "Kung okay ka lang, ba't ka atras nang atras?"

      "E... ano..." Tumikhim siya at inayos ang kanyang huwisyo. "B-bakit ka kasi lapit nang lapit?"

      Natawa ito. "E kasi atras ka nang atras. Para namang kanina, hindi mo 'ko niyakap."

Accidentally In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon