Chapter 29: Facing The Truth

1.9K 72 67
                                    


      Kapos na sa hininga si Gabbie subalit hindi pa rin niya mapigilan ang paghikbi. Ilang beses na rin siyang pumikit at muli ring nagmulat, subalit hindi pa rin mawala-wala ang malungkot na eksena sa kanyang harapan. Gusto na lang sana niyang balewalin ang lahat─ linlangin ang kanyang isip na walang nangyari. Subalit ang lahat ng katotohanan masakit─ sumusugat. At kahit na anong gawin niyang pag-iwas, pag-iilusyon at pangangarap, hindi pa rin maitatangging wala na ang mahal niya.

      Iniwan na siya ni Phoenix.

     Patuloy siyang inalo ng doktor. Tinulungan na rin siyang tumayo ng isang nurse. At nang kumalma siya nang kaunti, lakas-loob siyang humakbang palapit sa kama kung saan nakalagak ang labi ni Phoenix.

      Sa kanyang bawat paghakbang, tila inaagaw ng lungkot ang kanyang bawat paghinga. Dinudurog ng walang hanggang lungkot at pait ang kanyang puso. Noong mawala ang nanay niya, naranasan na rin niya iyon─ ang masaktan ng labis, ang magtanong sa Diyos kung bakit, at magdalamhati nang walang katapusan. Dala-dala niya ang sakit ng pagkawala ng nanay niya hanggang ngayon─ nananakit tuwing siya'y nakakaalala subalit pinapaalalahanan din siya na kailangan niyang maging matatag para sa kanyang pamilya. Kinaya niyang dalhin ang bigat ng mawalan ng ina ng maraming taon sampu ng marami pang pagsubok na humubog sa kanyang pagkato. Pero itong pagkawala ni Phoenix, hindi niya alam kung kakayanin niyang dalhin habambuhay.

      Masyadong mabigat.

      Masyadong masakit.

      Nanginginig ang kanyang mga kamay nang haplusin niya labi ni Phoenix na balot ng kumot. Agad na napuno ng takot ang kanyang dibdib. Nagtatrabaho siya sa ospital subalit ngayon lang siya nagpadala sa takot na dulot ng isang bangkay. Hindi siya takot sa kung anong maaring gawin niyon sa kanya, kundi natatakot siya para sa kanyang sarili. Hindi pa niya naturuan ang sariling kalimutan si Phoenix. Paano niya tuturuan ang sariling mabuhay sa mundo na wala na si Phoenix?

      Noong pinakawalan niya ito upang magpakasal sa iba, akala niya 'yon na ang pinakamasakit na gagawin niya para sa pag-ibig. Subalit, hindi pa pala.

      Muli siyang nilunod ng mga katanungan. Paano ba ang bumitiw? Paano ba mabuhay na may durog na puso? Paano ba magpaalam sa taong mahal na mahal mo subalit binawi na sa 'yo?

      Muli siyang napahikbi. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon, umiiyak niyang niyakap ang labi ni Phoenix.

      "P-Phoenix, nandito na 'ko. Bangon na. Pwede na tayo," mapait niyang sabi sa pagitan ng paghagulgol.

      Naghintay siya ng mainit na yakap, ng haplos, ng bulong ng pagmamahal, ng sagot kaya lang... wala.

      "Ang bilis naman, Phoenix. Ang bilis ka naman niyang kinuha sa akin. Gusto pa kitang mahalin nang mas matagal. Kahit sana nasa malayo ako. Kahit hindi na tayo pero..."

      Muli, mapait siyang humagulgol. Masakit. Walang kapantay ang sakit na kanyang nararamdaman. Kung paanong tumitibok pa ang puso niyang durog-durog, hindi niya alam. Kung paanong patuloy siyang humihinga kahit na ang dahilan ng buhay niya ay wala na, hindi rin niya alam ang sagot. Marami siyang hindi alam. At gaya rin ng marami pang ibang misteryo ng buhay, marami rin siyang hindi maintindihan.

      Ilang sandali rin niyang hinayaan ang sariling umiyak. Hanggang sa...

      "Gabbie?"

      Sandali siyang natigilan at napakurap. Masyado ba siyang nadadala sa lungkot at naririnig na niya ngayong tinatawag siya ni Phoenix? Humigpit ang yakap niya sa bangkay ni Phoenix.

Accidentally In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon