Chapter 3: The Clash

1.6K 77 8
                                    


      Tanghali na kinabukasan nang makalaya pansamantala si Gabbie. Agad na trinabaho ni Atty. Sandejas, ang abogadong kaibigan ni Mac, ang pag-grant sa kanya ng bail pagputok na pagputok ng araw kinabukasan. Sa buong mag-damag hindi siya iniwan ni Mac. Ang kababata na rin ang nag-prisintang magbayad ng bail niya. Kahit na ngayon na nasa bahay na siya at kaharap ang tatay at mga kapatid niya para sa pampamilyang interogasyon, hindi pa rin siya iniiwan ni Mac. Kung sabagay, ganoon naman sila talaga mula pagkabata, sanggang-dikit. Idagdag pa na nangako sila noong kinder pa lamang sila na walang iwanan. Dahil ang mang-iiwan bubungiin ni Batman.

      Nakagat ni Gabbie ang pang-ibabang labi niya. Natatawa siya kasi sa pangakong 'yon nila ng kababata. At sa itsura ni Manding Centeno, ang tatay niya, kailangan pumormal siya dahil mukhang binitbit nito ang hangin, kulog at kidlat mula sa kalangitan at handang isambulat sa kanya anumang oras dahil sa bigat ng kasalanan niya.

      "O pa'no na ngayon 'yan?" anang tatay niya, hinigpitan ang pagkakahawak sa saklay nito bago bumuntong-hininga.

      Hindi makasagot si Gabbie. Paano na nga kaya? Jusko, kung alam lang niya kung paano, e 'di sana hindi siya natulog nang magdamag sa presinto!

      Si Mac na ang sumagot, maya-maya. "Susubukan pong kausapin ni Atty. Sandejas ang kampo ni Mr. Castro, Tay Manding. Baka sakaling pumayag sila sa areglo." Sumulyap si Mac sa kanya bago muling ibinalik ang tingin sa tatay niya. "Pero 'yong owner ni Mg Berto, mai-impound po muna 'yon hanggang sa hindi tapos ang kaso."

      Mahinang nagmura si Tatay Manding bago umiling. Napangiwi si Gabbie.

       "E Tay, a-ako na lang po muna ang kakausap kay Mg Berto para po─"

      "H'wag na, Gabriela," mabilis na sambot ni Tay Manding sa akmang pagrarason niya. "Ako ang katransakyon ni Berto at hindi ikaw. Kung sabagay, pinapa-revive lang naman niya sa akin 'yong owner niya na matagal nang nakatambak. Hindi naman siya maaabala talaga dahil may iba pa siyang sasakyan na pwedeng gamitin," Malakas na nagpakawala ng hininga ang ama at tumayo sa pang-isahang upuan sa sala sa tulong ng saklay nito. "Kumain na ba kayo? Nananghalian na ba kayo?"

      Nag-angat ng tingin si Gabbie. Wala na ang delubyo sa mata ng ama, lumambot na ang mukha nito habang nakatingin sa kanya. Agad na nangilid ang luha niya. Hindi naglipat sandali, yakap na niya ito.

      "T-Tay, sorry po. Hindi ko naman po talaga sinasadya e," nauutal na paliwanag niya, panay patak ang luha.

      Gumanti ng yakap ang tatay niya. "Alam ko naman 'yon, anak e. Hindi kita sinisisi. Sadyang minsan, hindi talaga natin maiiwasan ang aksidente. Sa katunayan, mas nag-aalala ako sa 'yo." Kumalas sa pagkakayakap ang ama, sinapo ng isang kamay ang pisngi niya bago siya pinakatitigan. "Hindi ka ba nila sinaktan doon sa presinto? Baka naman nasugod na ang Bataan, hindi ka lang nagsasabi."

      Lumabi siya bago umiling. "Hindi po, Tay. Takot lang nilang masampolan ng pompyang ala-Manding. At saka sinamahan po ako ni Mac, Tay." Binalingan niya ang kababata na noo'y nakaupo sa mahabang sofa sa sala. Naka-dekuwatro na ito habang panay ang dutdot sa cellphone nito. Sinitsitan niya ito. Agad itong nag-angat ng tingin. Minulagatan niya ito bago pasimpleng ikiniling ang ulo sa direksyon ng ama.

      Tumuwid ang likod ni Mac, bago ngumisi. "Opo, Tay. Wala talagang magtangka. Tama po talaga ang sinabi ni Kulasa este ni Gabriela."

      Napabungisngis sina Tori at Manny na tahimik na nakatayo malapit sa divider patungong kusina. Pati ang tatay niya natawa na rin. Sa lahat ng ipapalayaw sa kanya, sa kulasa talaga siya nangigigil. Malakas makapangit!

Accidentally In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon