Chapter 27: Ready To Let Go

1.4K 63 33
                                    


      "Anak, ginabi ka 'ata," salubong ng tatay niya kay Gabbie nang makauwi siya ng araw na iyon.

       "M-may inasikaso lang po, 'Tay," alanganin niyang sagot bago nagmano sa kanyang ama. Napansin niyang nakabukas pa ang TV kahit na alas-dies na ng gabi. Sigurado, hinihintay talaga nito ang pag-uwi niya. Dumiretso siya sa ref at kumuha ng tubig.

      Pagod siya─ sa isip, sa salita at sa puso.

      Ginabi siya ng uwi dahil kinailangan niya nang magpalipas ng ilang oras sa bahay ni Brandy upang pakalmahin ang kanyang sarili. Matapos ang panunugod sa kanya ni Penny kanina sa ospital, nag-sorry siya kay Ma'am Cheng sa eskandalong dinala doon ng fiancee ni Phoenix. Hiyang-hiya siya. Sa tanang buhay niya, noon lang siya napahiya nang gano'n!

      Gusto niyang gumanti, manakit, at manumbat. Kaya lang, wala rin namang magagawa ang mga 'yon sa sitwasyon. Magpapagod lang siya. Masasaktan. Babalik at babalik siya sa umpisa.

      Nang makainom siya ng tubig, tuliro niyang inilapag sa mesa ang pitsel at baso na kanyang ginamit.

      "Anak, ayos ka lang?" pukaw sa kanya ng tatay niya. Hindi niya namalayang sumunod pala ito sa kanya sa kusina at kanina pa siya pinagmamasdan.

      "P-po? O-opo, 'Tay," nahihimasmasang sagot niya, pilit pang ngumiti. "Tulog na po tayo, 'Tay," dugtong pa niya bago naglakad patungo sa kanyang kuwarto. Pipihitin na lang niya sana ang seradura nang muli siya nitong tawagin.

      "Gabriela." Muli niya itong hinarap. "Ayos ka lang ba talaga, anak?"

      May dalang bigat sa dibdib niya ang tanong na iyon ng tatay niya. Nitong nakaraang ilang linggo, wala siyang narinig sa tatay niya. Ni magtanong tungkol sa kanila ni Phoenix, hindi nito ginawa. Nirespeto nito ang katahimikan niya. Pero ngayon na kaharap niya ang kanyang ama, pakiramdam niya tuluyan siyang nanghina. Para siyang bata na kailangan ulit ng kalinga.

      Nangilid na ang kanyang luha. "H-hindi po, 'Tay," humihikbi niyang sagot.

      Malungkot na ngumiti ang tatay niya. Hindi ito nagsalita, ibinukas lang nito ang mga bisig nito para sa kanya. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Inilang hakbang niya ang pagitan nilang mag-ama at humahagulgol na yumakap dito. Sa hirap na tinig, ipinaliwanag niya sa tatay niya ang nangyari sa kanila ni Phoenix. Kung paano niya ito minahal, sinamahang mangarap at kusang pinakawalan.

      Sa buong buhay niya, naniwala siya na matatag siya, matapang, at walang inuurungan. Kahit anong pagsubok na ibigay ng langit, kinakaya niya. Subalit may hangganan din pala ang tapang. At minsan, ang tapang nakikita rin sa pagsuko at pagtanggap ng kabiguan.

      "Ang sakit po, 'Tay. Ang sakit-sakit po," sumbong niya sa pagitan ng pagsigok.

      Humigpit ang pagkakayakap ng tatay niya sa kanya. "Umiyak ka lang, anak. Ayos lang. Nandito lang si Tatay para sa 'yo."

       Ilang minuto rin siyang umiyak sa bisig ng kanyang ama. Nang kumalma siya nang kaunti, hinatid siya nito sa kanyang kuwarto. Para siyang batang pagod at humihikbing nahiga sa kama. Inayos ng tatay niya ang unan niya. Kinumutan rin siya nito at hinintay siyang makatulog habang hinahaplos ang kanyang ulo. At bago siya tuluyang nagpatangay sa antok, bumulong ang tatay niya.

      "Anak, bitiw na. Bitiwan mo na siya."


*****


After 3 weeks

      The sound of smooth jazz music blending with the laughter of their visitors from their rehearsal dinner rang loudly on Phoenix's ears. He wasn't bothered by it before, but he found it uniquely irritating tonight. Moreso, when he sees everyone who's part of their entourage happily talking about his and Penny's future together.

Accidentally In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon