Chapter 24: Inevitable

1.3K 55 53
                                    


      "Gabbie, 'yong patient mo raw sa room 412 walang kasama ngayon. Nag-code blue 'yong isang patient sa floor, walang nurses na available. Ikaw na lang ang sumundo, okay lang?" pukaw sa kanya ni Ma'am Cheng habang inaalalayan niya paupo sa wheelchair ang pasyente niyang katatapos lang sa therapy. "Sige, Ma'am, tapusin ko lang po 'to," sagot niya. Nang maisigurong maayos nang nakaupo ang pasyente, tinawag niya ang kaanak nitong naghihintay sa waiting area ng center.

      Matapos mai-turn over ang kanyang pasyente sa kasama nito, mabilis siya nagtungo sa mini pantry ng center upang uminom ng tubig. Pakiramdam niya kasi made-dehydrate na siya sa tindi ng pagod niya. Mag-aalas-onse pa lamang ng umaga, pero pakiramdam niya, maghapon na siyang nagtrabaho dahil sa hirap na dinanas niya sa kanyang dalawang naunang pasyente. Mga bagong pasyente kasi. Tapos parehas na doble ang laki ng katawan sa kanya at magkapareho ring stroke patients kaya hirap talaga siya sa therapy.

      Wala sa sarili siyang napasandal sa kalapit na dingding, pumikit at doon naghabol ng hininga. Hindi pa nangangalahati ang araw, pagod na siya. Pero magandang senyales 'yon. Dahil kapag pagod siya, mabilis siyang makatulog. At kapag mabilis siyang makatulog, wala siyang oras para mag-isip.

      Agad siyang nagmulat ng mata. Ngayon pa lang ayaw na niya nang tinutumbok ng isip niya. Dalawang linggo na niyang iniiwasan ang pag-iisip. O mas tamang sabihin na dalawang linggo na niyang sinasanay ang sarili na h'wag isipin si Phoenix. Kapag kasi hinahayaan niya ang sariling mag-isip, nag-uumpisa siyang manghinayang at paulit-ulit siyang nasasaktan. Pinakawalan na niya si Phoenix, dahil 'yon ang tama. At ngayon, 'yon ang dapat ang niyang panindigan.

      Nagbuga siya ng marahas na hininga at itinapon sa basurahan ang walang laman na bote ng mineral water. Nag-stretching siya nang kaunti upang hamigin ang sarili. Nasa trabaho siya, dapat nagko-concentrate siya.

      Lumabas na siya ng therapy center upang sunduin ang susunod na pasyente niya. Nilampasan niya ang elevator nang marating niya ang lobby ng ospital at tinumbok ang staircase.

      Marami na talagang nagbago sa kanya mula nang maghiwalay sila ni Phoenix. Umiiwas na siya sa enclosed space. Ayaw na rin niya sa sasakyan na Hummer. Pati nga pagtingin sa langit tuwing gabi, iniiwasan na rin niya. Pati nga 'yong paborito niyang chicken joy, sinumpa na niya. Bakit kasi may joy ang pangalan no'n e hindi naman na siya masaya 'pag kumakain siya no'n?

      Napairap siya nang wala sa oras. Noon, simple lang ng buhay niya. Pero mula nang magmahal siya, marami nang nagbago. Tama nga ang sabi ni Aling Amelen, 'yong bff ni Aling Lolita na matandang dalaga. Kapag daw nasaktan ang isang tao, nagbabago.

      Nanulis ang nguso niya. So dahil ba nasaktan siya, gagayahin na rin niya sa Aling Amelen na hinayaan na lang na mag-expire ang obaryo dahil niloko ng dyowa nito noon na kargador sa pier?

      Para namang hindi ayos sa kanya 'yon. Ang chaka naman ng buhay niya 'pag ganon. Siguro, makaka-move on din siya.

      Pagdating ng next century, sagot ng isip niya, imbyerna.

      Napairap siya. Balik na naman sa pagko-kontrabida ang lohika niya. At bago pa man siya tuluyang maimbyerna, nagmamadali siyang umakyat ng hagdan at dumiretso sa kuwarto ng pasyente niya.

      Hinihintay niya ang pagbubukas ng elevator sa 4th floor nang tumunog ang cellphone niya. Mabilis niya iyong inilabas at tinignan. Tumatawag si Brandy. Patamad niya iyong sinagot.

      "Sa'n ka Gabbie girl?" mabilis na tanong nito.

     "Nasa 4th floor. Sinundo ko 'yong pasyente ko," kaswal niyang sagot. Noon naman bumukas ang elevator kaya tinulak niya papasok ang wheelchair ng pasyente niya. Walang laman ang elevator kaya doon siya pumuwesto sa bandang likuran.

Accidentally In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon