KABANATA 01

369 26 0
                                    


Alas-otso y media na nang makarating sila sa bahay nila Archie sa bayan ng Baliuag sa probinsiya ng Bulacan, isang matandang babae at binata ang siyang nagbukas ng malaking tarangkahang upang maipasok din nila sa loob ng bakuran ang sasakyan ni Trevin. Bago tuluyang pumasok ay huminto muna sila sa pagitan ng tarangkahan at doon ay bumaba si Archie, kasunod noon ay ang malakas na sigawan ng pagkatuwa ang nadinig nila mula kay Archie at sa matandang babae, isang mahigpit na yakap ang ibinigay nito sa matandang babae na sumalubong sa kanila, at isang halik naman sa magkabilang pisngi ni Archie ang ibinigay ng matanda, sa ginawang iyon ng dalawa ay masasabing matagal din na hindi nagkita ang mga ito.

"Nana Huli, na-miss kita nang sobra. Kamusta naman ho kayo dito?" ang may lambing na sabi at tanong ni Archie nang bumitaw na siya sa pagyakap sa matanda.

"Naku ikaw talagang bata ka mabuti at naisipan mong umuwi dito, akala ko ay nakalimutan mo na kaming mga nandirito." ang paunang tugon ng matandang babae na halatang tuwang tuwa talaga na makitang muli si Archie. "Ayos lang naman kami dito, ikaw ba kamusta ka naman sa Maynila ha? Naaalagaan mo naman ba ang sarili mo do'n? Ang mga magulang mo nakakausap mo naman ba? Mukhang pumayat ka ha?" ang dugtong nito na mas marami pa ang tanong kaysa sa sagot nito sa pangangamusta ni Archie.

"Ay naku Nana Huli ang daming tanong ha, hindi mapagkakaila na mahilig ka manood ng mga showbiz talkshow dati, pero sasagutin ko 'yan mamaya. Siya nga pala Nana, mga kasama ko sa trabaho at malalapit na kaibigan na din, si Derek po 'yung nasa likod ng sasakyan..." ang paunang pagpapakilala ni Archie kay Derek na noon ay ibinaba na ang salamin ng bintana ng sasakyan upang makita siya ni Nana Huli.

"Magandang gabi po, pasensiya na po kung nakaistorbo pa po kami sa inyo." ang magalang na pagbati ni Derek sa matanda.

"At siya naman po si Trevin, bukod sa siya din ang may-ari nitong sasakyan na sinakyan namin ay kapitbahay ko lang din po siya sa Maynila. Mukha lang pong sisintos-into 'yan pero sobrang bait po niyan." ang pagpapakilala ni Archie kay Trevin kay Nana Huli na nang mga sandaling iyon ay tila ba napatulala kay Trevin.

"Magandang gabi ho, nice to meet you po." ang pagbati ni Trevin na tila nahihiya dahil sa napansin niyang tinititigan siya ni Nana Huli.

"Nana Huli ayos lang po ba kayo? Bakit parang natulala na kayo kay Trevin? Huwag po kayong matakot diyan naturukan naman po 'yan ng anti-rabbies." ang pabirong sabi ni Archie nang mapansin na din nito ang pagkatulala ng matanda.

"Ah eh pasensiya na mga ijo, medyo natulala lang ako dito kay Trevin dahil parang nakita ko na siya kung saan, pero hindi ko lang maalala kung kailan o saan. Hay naku huwag niyo na alang pansinin pa ang pagkatulala ko baka ako ay nagkakamali lang alam niyo na matanda na din ako." ang sabi ni Nana Huli na bakas pa din ang kasiyahan sa mukha. "Ang kikisig ng mga binatang kasama mo ha, mas makisig pa sa'yo." ang pabirong pagkukumpara ng matanda sa tatlo.

"Siya nga pala ako ang isa sa mga katiwala ng pamilya nitong si Archie at sa akin ipinaubaya ang pagbabantay at pangangalaga ng bahay na ito, tawagin niyo na lang din akong Nana Huli." ang pagpapakilala ni Nana Huli sa dalawang kasama ni Archie. "At siya naman si Ismael, apo ko na siyang katuwang ko dito kasama ang mga magulang niya." ang dugtong nito bilang pagpapakilala sa binata na kasama niyang nagbukas ng gate.

"Magandang gabi ho sa inyo." ang magalang na pagbati ni Ismael kila Trevin na agad din naman nilang tinugon ng pagbati.

"Ah siya nga pala, Ismael maaari bang makisuyo na ikaw na ang sumama sa kanila sa kung saan nila maaaring iparada ang sasakyan, may mga gamit din silang dala kaya makikisuyo na din ako sa'yo na pakitulungan na din." ang pakisuyo ni Archie sa binata.

"Sige ho, wala pong kaso 'yon." ang tugon ng binata, at pinagbuksan naman ni Trevin ng pinto mula sa loob ng sasakyan si Ismael upang ito ay makasakay. Nang makasakay na si Ismael at makaalis na sa pagitan ng tarangkahan ang sasakyan ay siya namang pagtutulong nila Archie at Nana Huli para maisara ang tarangkahan.

Never FadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon