KABANATA 15

114 16 0
                                    


"Totoo ba na ako ay iyong tutulungan Clara?" ang paniniguradong tanong ni Amado at nakangiting tumango si Clara.

"Huwag kang mag-alala dahil totoo ang aking sinabi. Gusto talaga kitang maging masaya." ang tugon ni Clara.

"Kung gano'n maaari ba akong humingi ng isang pabor sa'yo kung hindi mo ito ituturing na isang kalabisan." ang alangan na sabi ni Amado.

"Ano iyon? Sabihin mo, kung magagawa ko naman ay bakit hindi." ang tugon ni Clara at agad na ngang sinabi ni Amado ang kanyang pabor na nais niyang hingin kay Clara.

"Hindi naman pala ganoon kahirap ang iyong pabor na hinihingi, sige gagawin ko 'yan." ang nakangiting sabi ni Clara. "O siya sige na, ako ay aalis na para magawa ko na ang pabor na iyong hinihingi at para na din makapagpahinga ka na. At siya nga pala, bibisitahin ulit kita patungkol sa plano na aking naisip ngunit hindi din magiging madalas ang aking pagbisita dito dahil ayoko naman na magtaka ang iyong mga magulang dahil sa bigla tayong naging malapit sa isa't isa." ang dagdag na sabi ni Clara at tumango naman si Amado bilang tugon.

Sandaling napatitig si Clara kay Amado at binigyan niya ito ng ngiti upang pigilin ang sarili na maging emosyonal. "Sige na aalis na ako, magpahinga ka at magpagaling." ang sabi ni Clara at agad na itong naglakad patungo sa pinto ng silid.

"Clara..." ang pagtawag ni Amado sa binibini at naphinto naman si Clara at muling ibinaling ang kanyang tingin kay Amado.

"Salamat, salamat dahil handa ka pa din na tulungan ako sa kabila ng lahat. Alam ko kung gaano kahirap sa'yo na gawin ang bagay na 'to." ang tila nahihiyang sabi ni Amado at nakaramdam ng kaunting saya si Clara nang madinig niya ang mga sinabing iyon ni Amado.

"Wala kang dapat na ipagpasalamat, sinabi ko naman sa'yo 'di ba na gusto kitang maging masaya? Tsaka kahit paano masaya na akong malaman na iniisip mo din pala ang aking nararamdaman. Sige na, aalis na ako." ang sabi ni Clara at nakangiting tumango naman si Amado. Sa paglabas ni Clara sa silid na iyon ay tila ba nakakita si Amado ng maliit na pag-asa na magkakasama muli sila ni Trevin, matatagalan ngunit alam niyang darating din ang tamang panahon na iyon.

"Hihintayin kita." ang pabulong na nasambit ni Amado.

Nang hapon na iyon ay halos hindi na mapakali sa kanyang silid si Trevin, naglalakad ito ng pabalik-balik na kulang na lang ay umusok ang sahig ng kanyang silid dahil sa tagal na niyang ginagawa iyon.

Sa mga sandali ding iyon ay naglalakad si Clara sa Tumana sukob ng isang puting payong bilang panangga sa init ng sikat ng araw. Sandali siyang napahinto sa paglalakad ng matanaw na niya ang bahay na pagmamay-ari nila Amado.

"Hindi ko alam na ginagawa ko ito. Clara, hanggang saan ang kaya mong gawin para lang sa kanya." ang natatawang sabi ni Clara sa kanyang sarili, at napiling na lamang at nagbuntong hininga, at siya ay muling nagpatuloy sa kanyang paglalakad.

Nang makarating siya sa bakuran ay agad niyang natanaw si Esperanza na nagwawalis, at agad din naman siyang nakita din ni Esperanza na nabigla pa na tila ba nakakita ng isang multo. "Magandang hapon sa'yo Esperanza." ang bungad nitong bati.

"Senyorita Clara, ma-magandang hapon naman ho." ang halos utal pang tugon na pagbati ni Esperanza. "A-ano po ang dahilan at naparito po kayo?" ang agad na tanong nito.

"Ang totoo ay naparito ako para..." ang hindi na naituloy pang sabihin ni Clara nang madinig niya ang boses ni Trevin.

"Esperanza, pupuntahan ko lang si..." ang natigilan namang sabihin ni Trevin nang makita niya si Clara. Sabay na napatingin sa kanya si Clara at Esperanza.

"Mukhang hindi ko na kailangan itanong kung nandito siya." ang sabi ni Clara at ngumiti siya kay Trevin, habang si Trevin naman ay hindi alam kung ngingiti ba siya pabalik dito kaya isang blangkong ekspresyon na lamang ang ibinigay niya dito.

Never FadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon