Lumipas ang mga araw ay naging mas malapit at mabuting magkaibigan sila Trevin at Amado, at gayundin si Amor na siyang kasama nila sa lahat ng kwentuhan at biruan. Naging mas maganda na din ang pakiramdam ni Trevin at halos hindi na nga din nito naiisip ang pagbalik sa panahon na kanyang pinanggalingan.
Araw iyon ng Linggo, at nang umaga ng araw na iyon ay naghanda si Amor ng almusal na paboritong paborito ni Amado, ang tinolang manok. Saktong nakapaghain na din siya nang dumating sa silid kainan sila Trevin at Amado.
"Magandang umaga po sa inyo Senyorito Amado at Ginoong Ignacio." ang bati ni Amor sa dalawa matapos mailagay ang isang malaking mangkok ng tinola sa hapag.
"Magandang umaga din sa'yo Amor." ang tugon na pagbati ni Trevin. "Pero sana'y tawagin mo na lang ako sa aking pangalan sa halip na lagyan mo ng ginoo at po sa tuwing ako ay iyong kakakusapin, masiyadong pormal, at bukod do'n ay magkaibigan naman na tayo." ang dagdag ni Trevin.
"Siya nga naman Amor, siguro mas mainam din na tawagin mo na lang ako sa aking pangalan sa tuwing wala naman ang papa at mama, tulad ni Ignacio ay kaibigan na din ang turing ko sa'yo." ang sabi ni Amado bilang pagpapakita ng pagsang-ayon sa sinabi ni Trevin.
"Naku hindi po maaari Senyorito Amado, kung ang nais ni Ginoong Ignacio ay tawagin ko lang siya sa kanyang pangalan ay magagawa ko po, pero pagdating po sa inyo senyorito ay ipagpaumanhin niyo pero ayoko po kasi na masanay na sa pangalan mo lamang po kita tinatawag, mahirap na po at baka magkataon na kasama natin ang inyong mga magulang ay tiyak kong matinding sermon ang aking aabutin sa kanila." ang tugon ni Amor.
"Pero..."
"May punto naman si Amor, paano nga naman kung masanay siya at matawag ka lamang sa iyong pangalan at walang paggalang habang nariyan ang mga magulang mo tiyak na mapapasama pa kayong pareho." ang pagsang-ayon ni Trevin. "Hayaan mo na lang ako ang tawagin niya sa aking pangalan." ang dagdag ni Trevin.
"Ano pa nga ba? Wala naman na din akong magagawa dahil nagkampihan na kayong dalawa. O sige ako pa din si Senyorito Amado." ang may kaunting pagmamaktol ni Amado, dahil pakiramdam niya ay ang layo niya sa dalawa niyang kasama dahil sa titulo na ikinakabit sa kanyang pangalan. Hinila ni Amor ang silya para kay Amado, at doon ay agad na naupo si Amado habang pinagmamasdan siya ni Trevin na pigil ang ngiti dahil sa parang batang reaksiyon na iyon ni Amado sa kanilang pagkontra sa nais niya.
"Bakit hindi ka pa maupo, kumain na tayo." ang may pagsusungit na sabi ni Amado.
"O bakit bigla yatang nagsungit ka?" ang nakangiting tanong ni Trevin habang paupo na ito sa kanyang upuan malapit kay Amado.
"Wala, sige na kumain na tayo." ang tipid na tugon ni Amado. "Ah siya nga pala Amor, kumuha ka na din ng iyong pinggan at kubyertos at saluhan mo na din kami dito." ang dagdag nitong sabi kay Amor na paalis na sana noon para iwan silang dalawa sa pagkain.
"Pero Senyorito Amado..."
"Huwag mong sabihin sa akin na pati ang pagkain kasabay namin dito sa hapag na ito ay bawal pa din?" ang tanong ni Amado. "Sige na sundin mo na lang ang sinabi ko." ang dagdag nito, at wala nang nagawa pa si Amor at agad na pumunta ng kusina upang kumuha ng pinggan, kutsara at tinidor.
"Grabe ang sungit mo naman pala." ang pabirong sabi ni Trevin.
"Hindi ako nagsusungit, naiinis lang ako sa inyong dalawa." ang tugon ni Amado at sumandok siya ng kanin.
"Unawain mo na lang si Amor. Kung ikaw din ang nasa kalagayan niya ganoon din ang itutugon mo sa sinabi mo. Tsaka hindi naman mawawala ang pagkakaibigan niyo kung igagalang ka niya bilang kanyang amo." ang sabi ni Trevin at kanyang inabot ang kanin mula kay Amado nang matapos ito.
BINABASA MO ANG
Never Fade
Ficción históricaNEVER FADE [BXB|Yaoi|BL Novel] Ang tunay na pagmamahal nga ba ay nasusukat sa kung gaano kabilis o katagal ito nabuo? Sapat ba na sabihin ang mga pangakong hindi natin malilimutan o iiwan ang taong pinakamamahal natin? Sapat ba ang pagmamahal na mer...